Chapter 6: Duality

141 6 0
                                    


 Usap-usapan na ang post ni Rion. Nag-grocery nga kasi kaming dalawa. Walang malisya 'yon kung tutuusin kasi magkagrupo naman talaga kami. Saka lagi namang papansin ang mga status ni Rion sa araw-araw.

Ang nagpaingay lang sa post ay 'yong reply niya kay Sydney.

Obviously, It Girl si Sydney. Siya 'yong classmate mong puma-Paris Hilton ang paganap sa buhay. And obviously, ang layo ko sa gano'ng vibe. Siguro no'ng mga Grade 5 ako, baka nga same pa kami ng design ng bag at favorite color.

Pero na-evict na akong minsan sa buhay prinsesa ko. Nakapasok ako sa school na umiiyak ako kasi wala akong pad paper o kahit ballpen man lang. Na-experience ko nang sigawan araw-araw ng mommy ko kakareklamo ko sa ginawa niyang pagkalaban sa lolo ko. That made our lives miserable—that made my life miserable.

Kaya kahit anong sabi pa nila na mayaman ang pamilya ko, hindi ko kayang ilebel ang sarili ko kay Sydney. Kasi siguradong ang pera ng pamilya niya, hindi nakaw. Hindi siya masasabihang kurakot. Ayokong pumasok sa school na nagsusuot ako ng mga branded na gamit kasi mabi-bring up na naman na malamang, ang pinambili ng mga gamit na 'yon, galing sa pera ng taumbayan.

Kaya nga ayoko ng nangyayaring comparison ngayon sa aming dalawa ni Sydney. Nakakabuwisit.

Saturday. Kitchen lab namin. Kay Rion ko pinaiwan ang mga gagamitin namin sa pagluluto. Pumasok ako na naka-white tee, maroon pants naming pang-kitchen, at clog shoes. Ang chef uniform ko, iniiwan ko lang talaga sa locker, wala akong pakialam kung ano man ang maging amoy n'on. Nalalabhan ko naman 'yon every Sunday tapos itatago ko na lang sa locker buong week para ready suotin any time.

Mabango pa rin naman kasi may inilalagay akong smell diffuser sa locker ko. 'Yon lang, amoy air freshener ako ng kotse.

Ang ganda naman ng uniform namin pero itong Sydney na 'to, talagang pumasok nang iba ang suot. Ang pants niya, maroon din naman pero skinny jeans na may nakalawit na kung ano-ano sa bandang belt. Bawal nga raw ang heavy makeup sa kitchen kasi ang pawis, nahahalo sa pagkain, pero siya todo makeup talaga! Nag-smoky eyes pa!

'Yong makeup niya, yung foundation, alam mong 4-ply. 'Yong kapag kinayod ng daliri, maiipon ang krema na iba't ibang shades sa kuko.

Hindi ako nagme-makeup sa school (maliban noong PDev namin). Mas lalong hindi ako nagme-makeup kapag may kitchen lab. Nakakadiri kasi magpunas ng mukha dahil ang init sa harap ng stove tapos may tutulo sa mukha kong malagkit na kung ano. Yuck.

Required kaming magsuot ng hairnet at maroon cap sa kitchen lab. Nagsuot ako ng mga kailangang isuot for sanitation. Si Sydney, panay ang hawi ng kinulot niyang buhok tapos sasabihing, "It's so hot in here. My gosh!" Tapos hawi na naman ng buhok.

Kapag talaga may buhok sa niluto namin, siya agad ang main suspect ko.

Late si Rion na nakarating sa kitchen lab. Pero wala pa naman kaming start dahil nagre-ready pa lang si Ma'am Badilla ng mga panel sa faculty room na titikim ng luto namin.

Kaya nga pagdating ni Rion, nakahinga ako nang maluwag dahil akala ko, iiyak na naman ako ng dugo dahil wala kaming ingredients.

May dala-dala si Rion na malaking clear container na laman ang mga ingredient ng lulutuin namin.

Tinitigan ko 'yong mabuti, as in sobrang titig, kasi alam ko kung ano ang mga laman ng cart namin kahapon. At hindi ko makita ang ilan sa mga binili namin sa grocery.

"Hi, guys!" bati ni Rion paglapit niya sa mesa namin.

"Hello, Rion!" sagot agad ni Sydney.

Sa loob ng kitchen lab, may anim na metal table. Metal table din kasi ang ginagamit namin kapag magse-set ng temperature ng chocolates. Nasa second column, second row kami na tabi ng glass window. Katabi namin ang isa sa dalawang sink sa loob.

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon