Chapter 3: Bought

416 16 37
                                    


 "Injel, tapusin mo muna 'yang pagkain mo bago ka magsilpon-silpon diyan!" sermon ni Lola Marya.

Pairap akong sumubo nang sunod-sunod para manahimik na lang sila.

"Nasa harap ng pagkain, magsisilpon-silpon na puro na lang silpon! Umaga, silpon! Tanghali, silpon! Ilaga ko sa 'yo 'yang silpon mo, puro ka na lang gadjit-gadjit, di ka na maalis diyan sa gadjit mo na 'yan!"

"Kumakain na nga!" saway ko kay Lola Marya. "May ginagawa nga ako sa school! Para namang ano 'tong mga 'to. Kayo kaya mag-aral?"

Alam mo kung ano ang pinakaayaw kong parte ng manok?

Yung gagawa ako ng GC tapos isa lang ang magsi-seen.

Akala ba ni Lola Marya, nagpo-phone lang ako dahil trip ko lang?

Thursday na, putang ina, wala pa ring paramdam ang mga kagrupo ko.

Si Rion, seener lang 'tong poste na 'to, isa ring ayaw mag-reply. Active naman maghapon sina Johnrey pero ni hindi man lang makapag-seen sa GC.

Hindi na ako aasa kay Sydney, igat siya.

Wala pa rin kaming napag-uusapan tungkol sa recipe pero pasta nga raw ang sabi ni Ma'am Badilla. Sina Shantey, mamimili na bukas. O, paano naman kami ng grupo ko?

Kanina sa uni, sinubukan ko naman silang kausaping lahat para sana magplano na ng bibilhin bukas sa grocery.

"Kayo na bahala, magbabayad na lang ako," sabi ni Johnrey saka ni Zymon.

Missing in action si Sydney.

Ayokong kausapin si Rion at baka kuyugin ako ng fans niya.

Nakauwi na lang ako't lahat, wala pa ring nangyayari sa grupo namin.

HPC 1101 GC

Evangelle Heyrosa
@everyone ano na plano natin guys
Friday na bukas?
Wala ba talagang magrereply sa kahit sino sa inyo?
Wala pa tayo kahit isang nagagawa
Gusto nyo ba talagang makagraduate?
Seen by Rion Scott

Ayoko ng group work. Siguro isusumpa ko ang lahat ng existing form of group work hanggang sa kahuli-hulihang hininga ko sa mundo.

Buong Thursday akong nagmamakaawa sa mga kagrupo ko na magplano sila ng gagawin pero wala talaga. Ewan ko kung alam ba nila ang gagawin kasi maliban kay Rion, wala nang nagsi-seen kahit sino sa tatlo pa naming kagrupo.

Buwisit na buwisit talaga ako sa mga ganitong pagkakataon na kung allowed lang lumipat ng mga kagrupo, lilipat talaga ako.

Ni wala ngang gustong lumipat sa amin kahit pa kagrupo namin si Rion. Ultimo si Shantey na die-hard crush ng poste na 'to, ipinagpalit ang crush niya para sa grades!

Well, same. Kung ako rin naman, e.

Friday na at sinasabi ko na sa sarili kong ako na lang ang maglulutong mag-isa.

Nagkaklase kami sa SocSci 6 na ang ginagawa ko, naglilista na ng mga bibilhing ingredient mamaya pag-dismiss sa amin.

Umay na umay na 'ko sa mga inutil kong kagrupo na halatang pabuhat sa project.

Pasta raw ang lulutuin, sabi ni Ma'am Badilla. Gusto kong madali lang ang recipe, ang mahalaga, may output.

Busy ako sa pag-scan online ng iba't ibang recipe para sa carbonara. Feeling ko kasi, madali lang 'tong lutuin since may ready-made sauce na. Ewan ko kung papayag si Ma'am Badilla sa instant sauce pero ilalagay ko na lang siguro sa clear jar ang sauce kapag dinala ko bukas para hindi halatang grocery bought.

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon