Chapter 8: Unlucky

201 10 0
                                    


 Ang tagal ma-approve ng dorm room ko, punyawang 'yan. Umay na ako sa mukha ng mga tao sa bahay ni Lolo Sev.

Malaki naman ang villa para sa pamilya namin. Only child pa naman ako sa original na mommy ko. Ewan ko lang dito kay Eloisa kung balak ba nitong manganak, pero sana hindi. Mukha naman siyang may utak kasi pinatos niya ang daddy ko kaya gamitin niya tuktok niya.

Kung sasabihin ng iba na mayaman kami, mayaman talaga kung mayaman. Garapalan pa naman kung mangurakot ang pamilya ko, natural yayaman talaga sila.

Pero ako? Auto-pass.

Siguro magiging thankful na ako sa namayapa kong mommy na kung hindi dahil sa kanya, baka ipinagsisiksikan ako ngayon nina Lolo Sev sa Political Science o kaya Public Administration. Natakot yata silang baka bigla akong pumalag at tumakbong kongresista kaya oks na sila sa magluto-luto na lang ako sa hospitality management.

Kaya lang naman ako nag-HM, kasi may bartending. Gusto ko lang talagang tumagay nang legal sa school.

Ang villa ng lolo ko, mula sa gate ng mga Heyrosa, pagpasok doon sa iron gate na may dalawang guard,mahabang biyahe pa ang papasukin bago makarating sa pinakabahay.

Dadaan muna sa mahabang lote na hile-hilera ang mga panabong na manok. Paglampas doon, may maliit na pond na tambayan ng mga itik at pato saka pabo.

Kaunting tumbling sa kanan, malawak na parking lot na puro mamahaling sasakyan at iba't ibang van na gamit sa service at delivery na.

Kaunting kembot pa sa kaliwa, taniman na ng gulay na. Doon madalas ang interview nila sa TV habang namimitas sila ng kamatis o kaya talong.

Sa bandang dulo, may mini zoo. Doon maraming kahayupang nagaganap. May sariling agila at tatlong musang ang lolo ko. May isang crocodile din siya at limang bayawak sa zoo niya. Hindi sila roon nakakakuha ng interview sa TV kasi walang approval ng DENR ang mga hayop na nasa zoo niya kaya tikom ang bibig ng lahat ng nandito sa villa pagdating sa usapang hayop.

Kapag pupunta sa villa ang mga bisita, either doon sila sa mini sabungan sa farm kung saan maraming nagtutupada o dito sa gulayan para mamitas ng gulay.

Madalas sa madalas, nasa tupadahan sila para mag-soltada. Doon kasi sa tupadahan, may mga chick doon kapag may soltada. Hindi literal na chicken chicks. Chicks na malalaki ang suso at puwet na puwedeng kastahin anumang oras. Kumbaga round girl para sa mga mananabong kahit na manok ang mga naglalaban.

Karamihan ng mga chick sa tupadahan, nadadaan sa mansiyon ni Lolo Sev. Karamihan din sa kanila, nakapasok na sa kuwarto niya. At malamang, lahat sila, nakita na ang hindi ko babalaking makita sa lolo ko.

May babae siya ngayong ginagawa siyang sugar daddy. Kasing-edad ko rin pero ayaw nilang palapitin sa akin. Takot lang nila.

Si Eloisa, ganap na ganap ang panlalandi sa daddy ko. Galingan niya kasi maraming pipila sa ama ko oras na magpakagaga siya. Although dapat talaga niyang ayusin ang buhay niya kasi hindi pa sila kasal ni Daddy, at any time, kapag tinopak-topak ang daddy ko, siguradong magiging pataba siya sa lupa anumang oras.

Speaking of pataba sa lupa, pinagagalitan na naman ako ni Lola Marya. Si Lola Marya, isang pirma na lang ng bulate, kukunin na siya ni San Pedro. Pero ang lakas pa rin niya basta usapang sermon. Imagine, 91 years old na siya at nakatagal siya nang ganito sa mundo? Ako nga, hindi ko na makita ang sarili kong humihinga after 30.

"Nagluto daw kayo, wala kang uwi?" bungad niya.

"Paano ako mag-uuwi, 'yon na tinanghalian namin?" sagot ko naman. "Saka, Diyos ko naman, Lola. Alas-siyete na ng gabi. Umaga kami nagluto."

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon