Chapter 23: Humble

139 14 0
                                    


 Ang sarap ng tulog ko. Isa na yata 'yon sa mga tulog na pinakakomportable talaga ako.

Nagising ako na tanghali na. Masakit pa rin ang katawan ko pero parang ngalay na lang mula kagabi.

Suot ko pa rin ang damit ko mula nang matulog ako sa higaan ni Rion. Balot pa rin ako ng kumot. Ang bango ng kama niya. Amoy kulay pulang fabric conditioner.

Ang sabi ni Rion, wala raw tao sa kanila.

SCAM!

Ang ganda pa ng inat at hikab ko pagbaba ng hagdan tapos bungad na bungad sa akin ang mukha ng daddy niya na mamamaywang sa harapan ko.

Napailag tuloy ako at takip ng mukha mula sa noo. "G-Good morning po, sir."

Para akong sinabuyan ng nagyeyelong tubig habang nangingilag sa isang sulok ng sala nila.

"Napasarap yata ang tulog mo."

Nakita ko na ang daddy ni Rion, pero sa malayuan nga lang. 'Tang ina, isa rin palang poste. Umabot naman ako sa balikat kahit paano, pero poste pa rin.

"Daddy, yung mga spatula ko? Saka pala yung malaking lagayan ko ng dahon ng saging."

Sabay pa kaming napasulyap sa may kusina. 'Yong mama ni Rion, nagkakalkal doon sa itaas na cabinet. Napamadali tuloy itong daddy ni Rion papunta sa kitchen.

Taragis talaga, oo. Nasaan na ba 'yong si Rion?

"Uy! Gising ka na pala! Tara dito, almusal ka muna," aya ng mama ni Rion.

Ayoko sanang pumunta sa kusina kaso nahihiya rin akong tumanggi. Baka sabihin, walang pakikisama, e nakitulog na nga ako rito.

"Ikaw 'yong classmate niya no'ng nakaraan, 'no?"

Ang lapad ng ngiti ng mama ni Rion. Grabe, hanggang dibdib lang siya ng asawa niya? Pagtingin ko sa mesa, ang daming nakalatag na mga lagayan. May hilera ng deviled eggs na may cute na design sa isa. Sa kabila, may cookies na may gagambang design. Sa kabilang lagayan naman, chocolate cupcake na may orange frosting tapos may mga nakatusok na chocolate ghost yata.

"Upo ka."

"Thank you po, ma'am."

"Huy, maka-ma'am ka naman!" Nagulat pa ako nang tapikin niya ako sa balikat. "Okay na 'ko sa Tita Ikay. Huwag nang ma'am. Palayasin kita rito. JOKE! Dito ka raw natulog?"

Naupo naman ako at alanganing tumango. "Opo, T-Tita," awkward na sagot ko. "Hindi po kasi okay sa dorm namin."

Hindi mapakali ang kamay ko. Kung hindi magkakamot ng balikat, magkukuskos ng ilong, o di kaya ay magkukutkot ng laylayan ng sando.

"Kay Rion ba 'yang suot mo?" biglang tanong ng daddy ni Rion.

Napatingin naman ako sa sando at shorts ko.

"Paanong magiging kay Riri 'yan, e kita mo nang fit?" sarcastic na sabi ni Tita Ikay na dahilan kaya nanlaki ang mga mata ko.

"Ma, they're wearing the same thing!" katwiran nitong daddy ni Rion at itinuro pa ako.

"They're wearing the same thing? They're wearing the same size ba, ha? Alam mo ba kung gaano kalaki ang katawan ni Riri? Tingnan mo nga ang katawan nito?" Itinuro din ako ni Tita Ikay.

"She's wearing a . . . a guy shorts!" depensa nitong daddy.

Napatingin ako sa basketball shorts ko.

"Kaya nga tinatanong kita. Same size ba?" Bigla akong hinarap ni Tita Ikay. "Huwag mo nang pansinin 'yan. OA talaga 'yan. Gusto mong kumain?"

Nilapagan niya ako ng isang plato, kutsara, at tinidor.

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon