Pagod na ako. Ilang oras na kaming paikot-ikot sa loob ng Empire House, nakikipagtaguan sa mga kawal na tila walang kapaguran sa paghahanap sa amin. Ramdam ko ang lamig ng marmol sa sahig sa bawat hakbang namin, na nagiging dahilan para haplosin namin ni Crend ang braso namin para mapawi ang lamig na bumabalot sa amin. Napapatingin ako sa malalaking estatwa ng halimaw na naka-display sa bawat hallway na parang nagmamasid sa amin, habang ang liwanag mula sa chandelier ay naglalaro sa mga anino sa dingding.
"Meil, ano ba! Pinagloloko mo na ata kami," reklamo ni Crend. Tumigil siya sa paglalakad, hinihingal at halatang pagod na. "Halos ilang oras na tayong paikot-ikot dito. Akala ko ba may sense of direction ka?"
Napakamot ako ng ulo, pilit iniisip kung paano ko ipapaliwanag na naliligaw na kami. "May sense of direction naman talaga ako... minsan," sagot ko, halos pabulong.
"Minsan daw," sarkastikong ulit ni Crend, napapailing. "Eh ano 'to? Paikot-ikot lang tayo! Parang mas kabisado pa ng mga daga ang lugar na 'to kesa sa'yo."
"Kamukha mo oh," nguso ko sa halimaw na may pakpak sa gilid. Napadaing ako ng bahagya dahil hinampas niya ako sa braso.
"Iniiba mo usapan! Kapag nahuli tayo, wala na akong pag-asang makatakas. Ilang beses na akong nagtangkang tumakas, at sigurado akong ito na ang huling pagkakataon kong makalaya nang matagumpay," mariing sabi ni Crend.
Napaisip tuloy ako kung papaanong napadpad si Crend dito. Hindi ko mapigilang mapangiti sa inis niya, pero sinubukan kong magpigil ng tawa. Napansin kong ilang beses na rin siyang natatapilok, pero parati namang nasasalo ni Aren ang kamay niya. Ang nakakatuwa lang, mabilis din siyang binibitawan ni Aren, kaya parati siyang natutumba sa sahig.
"Pwede ba, Aren, tumabi ka na nga!" sigaw ni Crend, halatang naiinis na. "Gusto ko rin makita kung sino ang sinusulyapan ni Meil!"
"Bakit naman kita pagbibigyan?" sagot ni Aren, kunwari hindi apektado. "Eh ang liit mo, Crend. Kaya kasalanan mo kung hindi mo makita. Bulilit ka kasi."
"Tumigil nga kayo," singit ko, pilit na pinapatahimik ang dalawa. "Kung mag-aaway kayo, makikita tayo. Gusto niyo bang mahuli tayo dito?"
Tumahimik sila, pero halata sa mukha nila ang iritasyon. Napatigil ako sa pagsuway sakanila nang makita kong bumukas ang pinto sa hindi kalayuan. Ang buong atensyon ko ay napunta sa kaniya.
Ang papa ko-si Duke Jawer.
Halos hindi ako makagalaw sa pagkagulat. Tulad nga ng inaasahan ko. Ramdam ko ang kabog ng puso ko at ang bilis nito, pakiramdam ko ay napako ang mga paa ko sa sahig. Naglakad siya palabas ng pinto, ngunit bigla siyang huminto at tumingin sa direksyon namin.
Mabilis kaming nagtago sa likod ng malaking estatwa ng halimaw, na halos umabot na sa kisame ng pasilyo. Ramdam ko ang kaba sa bawat pintig ng puso ko.
"Sino siya?" tanong ni Aren sa akin, pabulong.
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin.
"Teka lang," sabi ni Crend, pilit na sumisilip mula sa likod ng estatwa. "Bakit hindi ko makita?"
"Eh kasi naman, Crend, ang liit mo talaga," asar na hirit ni Aren, kasabay ng pagbibigay ng patagong ngisi.
"Tumigil na kayo!" galit na bulong ko sa kanila, halos nagmamakaawa na ako. Pero dahil sa ingay nila, hindi ko agad napansin na wala na ang papa ko sa pintuan. Nang bumalik ang tingin ko, wala na siya roon.
"Ay kung minamalas nga naman," bulong ko sa sarili ko, sabay hampas sa estatwa dahil sa inis. Tiningnan ako ng dalawa, halatang nagtatanong kung ano ang nangyari. "Nawala tuloy siya! Aish, Kailangan natin siyang hanapin," utos ko sa kanila.
BINABASA MO ANG
DemonxHuman
FantasiIn a world on the edge of chaos, a betrayal by Emperor Damaschke Hadrian shatters an ancient pact, unleashing a darkness that threatens to destroy the Five Realms. The future now rests in the hands of Maivee Fogler, the daughter of Duke Jawer, who i...
