CHAPTER 27

62 2 0
                                        

BIANCA’s POV

Inilibot ko ang aking mga mata sa kabuuan ng covered court na aking pinuntahan. Doon ginaganap ang ikatlong kaarawan ng aking inaanak na si Clarence, ang kaisa-isang anak ng mga kaibigan kong sina Trina at Zander.

Kung ako ang papipiliin ay hindi ko gustong dumalo sa kasiyahang iyon dahil sa kahihiyang nararamdaman ko.

Para sa akin ay hindi ako karapat-dapat na makisali sa birthday celebration na iyon ng aking inaanak dahil hindi naman ako isang mabuting tao.

Hindi magandang tingnan na ang isang katulad ko ay nakikihalubilo sa mga batang naroon para sa isang inosenteng okasyon. Ang taong kagaya ko ay hindi kailanman magiging isang magandang ehemplo para sa mga batang naroon.

Isa akong babaeng pumatol sa lalaking may asawa at maliban doon ay ilang linggo na ang nakalipas nang isang panibagong married man pa ang aking nakatalik sa ibabaw ng kama.

Napakarumi kong babae.

Hindi ko na nirespeto ang pagsasama ng mga lalaking iyon sa kanilang mga asawa.

Kung malalaman lamang ng mundo ang mga nagawa kong kasalanan ay sigurado akong isusumpa ako ng mga tao. Pandidirihan ako ng ibang lalaki, samantalang ang ibang mga kababaihan ay palalayuin ang kanilang mga kasintahan o asawa mula sa akin.

Kaya naman hindi iilang beses na nagdalawang-isip ako kung itutuloy ko ang aking pagpunta sa lugar na ito.

Base sa aking narinig ay nirentahan nina Trina at Zander ang lumang covered court sa kanilang barangay para mas madaling makapunta ang kanilang mga kapitbahay. Malapit lamang ang basketball court na iyon mula sa bahay nilang mag-asawa.

Maliban doon ay malawak din ang lugar kaya maraming tao ang maa-accommodate.

Nakita kong puno ng monobloc chair at mesa ang lugar para sa mga bisita ng birthday boy. Kapansin-pansin din ang iba’t ibang kulay ng mga lobong nakasabit sa dingding at kisame ng venue.

Sa isang bahagi ng court kung saan nakapila ang maraming tao ay nasilip kong naroon ang mga mahabang mesa para sa pagkain. Sigurado akong ang kaibigan kong si Trina ang nagluto at naghanda ng halos lahat ng dishes na nasa ibabaw ng mga mesa.

Masarap magluto ang kaibigan kong iyon. Kahit noong nasa High School pa lamang kami ay mahilig nang magluto ang madiskarte kong kaibigan.

Naaalala ko pa na sa tuwing kailangan ng pera ni Trina para sa pamilya nito noon ay rumaraket ito sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga iniluluto nitong kakanin sa aming classmates at schoolmates. Minsan pa ay tinutulungan namin siya ng aming mga kaibigan para madali niyang maubos ang kanyang mga paninda.

Aminado akong hinahangaan ko ang pagiging masipag, matiyaga, at matatag nito sa buhay. Ayon dito ay iyon ang mga matibay nitong sandata para makaahon mula sa kahirapang kinagisnan nito.

Kaya nga proud ako kay Trina nang malaman kong kumikita ng malaki ang itinayo nitong carinderia business. Hindi lamang nito nagagawa ang passion nito sa pagluluto kundi nagagawa pa nitong suportahan ang sariling pamilya.

Natutuwa rin ako na tuluyang nabago nito ang mister na si Zander mula sa pagiging babaero.

Kung dati ay tatanungin ako kung nakikita kong magbabago ang isang Zander Labides mula sa pagiging playboy nito ay hindi ang isasagot ko. But he proved me wrong.

Kailangan lang pala nito ang isang babaeng makapagpapatino rito para tumigil ito sa pagpapapalit-palit nito ng mga babae. Dahil sa misis nitong si Trina kaya natutong maging faithful si Zander.

Maliban doon ay mas naging responsable ito nang magkaroon sila ng anak. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na nag-decide silang dalawa na magpakasal kaagad matapos nilang malaman na may buhay na sa loob ng sinapupunan ni Trina.

You Are Not Alone...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon