CHAPTER 22

128 2 0
                                        

ZANDER’s POV

Sabay kaming napalingon ng aking asawang si Trina nang huminto sa tapat ng aming karinderya ang kotse ng matalik niyang kaibigan at kumare naming si Ayla. Napatingin ako sa aking asawa nang salubungin niya ang aming kaibigan.

Kumunot ang aking noo nang habang pinagmamasdan ang paglabas ni Ayla mula sa loob ng kotse nito. May nabubuong hinala sa aking isip kung bakit pinuntahan nito ang aking asawa ngayon.

Walang pasada ang minamaneho kong tricycle ngayong araw kaya katulad nang nakasanayan ay tumutulong ako sa negosyo naming karinderya ng aking misis. Hindi ganoon karami ang kumakain sa mga oras na ito kaya sa tingin ko ay pwede akong sumali sa pag-uusap ng aking asawa at ng aming kaibigan.

Bihira lamang kung dumaan si Ayla rito sa aming karinderya at kung pupunta man ito ay sinisigurado muna nito sa aking asawa na narito ang anak naming si Clarence na siyang inaanak nito at ng mister nito at kumpare rin namin ni Trina na si Rafael.

Ngunit weekday ngayon at tuwing weekend lang namin dinadala sa karinderya ang anak naming si Clarence dahil iyon ang araw ng pahinga ng babysitter naming si Hayley.

Ang maharot na Hayley na iyon.

Muli ko na namang naalala ang ginawa nitong pang-aakit sa akin noong isang beses na maaga akong umuwi mula sa pamamasada ng tricycle. Mula nang araw na iyon ay iniwasan ko na ito at sinubukan ko pang kumbinsihin ang kaibigan kong si Steven para ligawan ang babae at mabaling sa ibang lalaki ang atensyon nito.

Ang akala ko ay titigil na ito sa pagsubok na akitin ako ngunit noong isang araw lang ay sinubukan ako nitong landiin sa pamamagitan ng pagtawag sa aking phone para iparinig ang pagpapaligaya nito sa sarili.

Partida, kasama ko pa sina Steven at Gabriel nang mangyari iyon kahit pa hindi iyon alam ni Hayley.

Doon ko napatunayang gagawin ni Hayley ang lahat ng paraan para lamang maakit ako rito kahit pa nga ba alam nitong may asawa’t anak na ako. Mismong asawa pa ng babaeng nagpapasahod dito ang hinaharot nito.

Napakalandi.

Hindi ako nagpapakabanal dahil alam kong dati akong babaero. Ngunit mula nang magseryoso ako sa relasyon naming dalawa ni Trina ay iniwasan ko na ang lahat ng tukso sa paligid.

At proud akong sabihin na mula nang araw na iyon ay hindi na ako nambabae pa.

Kaya naman ang mga babaeng katulad nina Hayley at Suzette, na dating pursigidong maakit ako, ay kailangan kong layuan para hindi na ako bumalik sa dating ako.

Ngunit kung ako ay patuloy na sinusubukang ilayo ang aking sarili mula sa mga tukso, parang iba naman ang ginagawa ng aking asawang si Trina.

Sigurado akong sa kanya ang nakita kong pregnancy test kit sa loob ng aming banyo. Wala pa nga lang akong matibay na ebidensya na siya ang nagmamay-ari niyon.

Katulad nang ipinayo sa akin ni Steven ay ilang beses kong ginustong kausapin si Trina tungkol sa bagay na iyon ngunit palagi akong pinangungunahan ng takot. Parang hindi ako handang marinig kung ano ang isasagot niya oras na itanong ko sa kanya kung may iba siyang lalaki.

Siguradong masasaktan ako kapag nalaman kong pinagtataksilan ako ni Trina. At walang dudang makakapanakit ako ng tao kapag napatunayan kong iniiputan niya ako sa ulo.

Dahil sa pagmamahal ko kay Trina kaya ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para lamang baguhin ang aking sarili. Mula sa isang lalaking palaging nananakit ng damdamin ng mga babae ay masasabi kong isa na akong matapat at mapagmahal na asawa ngayon.

Malayong-malayo mula sa dating ako na unang nakilala ni Trina.

Dahil hindi pa akong harapin kung ano ang katotohanan kaya idinadaan ko na lamang sa pagmamasid ng mga kilos at galaw ni Trina ang aking paghihinala.

You Are Not Alone...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon