"Paano kaya kung ... iisa lang talaga kami?"
________ _ _ __
HINDI KO ALAM kung gaano na ako katagal dito. Tumingin ako sa paligid at napabuntong-hininga na lamang. Kailan kaya ako makakalabas dito? Kailan ako babalikan nina Lucas?
"Sa wakas at kumain ka na rin," sambit ni Lucifer habang kinukuha ang plato na nasa harapan ko.
Tinignan ko lang siya at noong tumingin siya sa aki'y umiwas na ako ng tingin. Napalunok ako dahil sa kaba. Aaminin ko, nag-iba ang pagtingin ko sa kanya mula noong ipinakita niya sa akin ang mga naranasan niya noon. Ang pinagtataka ko lamang, bakit kamukha ko 'yung babae? Bakit pareho kaming minarkahan ng dilim at liwanag?
Ano ba talagang koneksyon ko kay Lucifer?
Maayos naman ang pakikitungo niya sa akin mula noong kinuha niya ako. Palangiti siya sa akin, maasikaso at hindi siya nagsasalita ng masama patungkol sa akin o kahit man lang kina Lucas.
Napatingin ako kay Elvira, ang batang babaeng hellhound niya, nang lumapit ito at umupo sa tabi ko. Pulang bestida pa rin ang kanyang suot at ang itim niyang buhok ay sumasayad sa lapag dahil sa haba nito. Ngumiti ako sa kanya ngunit simangot ang tugon niya sa akin. Kaso may napansin akong iba sa mga mata niya. Para bang ... nagbababala ang mga ito.
"Leah, tara, may ipapakita ako sa'yo."
Nalipat kay Lucifer ang atensyon ko nang lumapit siya sa akin. Bago man ako sumama sa kanya ay napalingon muli ako kay Elvira na ganun pa rin ang tingin sa akin. Mahigpit kong niyakap ang dala kong panlimang libro. Bigla akong kinabahan.
Sinundan ko lang si Lucifer habang pinagmamasdan ang paligid. Kakaiba talaga itong lugar na 'to. May mga apoy pa rin sa paligid ngunit habang mas tumatagal ang paglalakad namin ay papunta na kami sa isang kuweba. Parang iyong pinakita niya sa akin noong una ko siyang nakita sa may Plaza.
Ang impyerno.
"Nasaan tayo?" Tanong ko sa kanya.
Tumigil siya sa paglalakad, "Nandirito na tayo." Lumingon siya sa akin at ngumiti.
Binuksan niya ang doorknob ng pinto na nasa gilid niya. Nag-aalangan man ay pumasok ako sa loob. Hindi ko rin alam kung bakit ako sumunod sa kanya. Maaring dahil mukha naman siyang walang gagawin sa aking masama.
Noong tinignan ko na ang buong kwarto'y lubha ang pagkagulat ko. Punong-puno ang dingding ng mga litrato ko. May ibang iginuhit, may ibang kinuhaan ng litrato. Dahan-dahan akong lumingon kay Lucifer na nakatingin rin sa mga litratong nasa harapan namin. Ngunit noong tinignan ko nang maigi ang mga litrato'y napagtanto ko na hindi ako ang ilan sa mga ito. Ang ilan sa mga ito ay 'yung babae na dati niyang kasintahan. Yung babae na niloko siya.
"B-Bakit mo ako dinala rito?" Tanong ko sa kanya.
"Mula noong sinunog ako ng mga mortal, nagalit ako nang husto sa kanilang lahat. Sinumpa ko na hinding-hindi na ako magtitiwala muli sa mga tao. Ngunit nakilala ko siya. Ang pangalan niya'y Helen. Katulad mo, siya ang minarkahan ng liwanag at dilim. Katulad mo, napakaamo ng kanyang mukha at napakabait niya." Tumigil siya ng ilang sandali. "Nagtiwala ako, mukha mang imposible pero minahal ko talaga siya." Lumingon siya sa akin. "Pero niloko niya ako. Pinapatay niya ako."
Muli kong nilibot ng tingin ang buong kwarto.
"Pero mahal mo pa rin siya?" Wika ko.
Hindi siya sumagot.
"Maaring nasaktan ka nang husto pero hindi lahat ng mortal ay kagaya nila. Hindi lahat ay kagaya ni Helen." Hinawakan ko sa isang kamay ang panlimang libro at lumapit kay Lucifer. "Ngayon, mas naiintindihan na kita. Aaminin ko, takot na takot ako sa'yo noong umpisa pero ngayon, mukha namang maayos ka." Nakangiti kong sinabi sa kanya.
Tinaas niya ang kanyang kamay at hinagod ang buhok ko. Muli siyang ngumiti nang matamis sa sakin.
"Oo, Leah, alam kong hindi ka niya katulad." Tugon niya.
Nabigla ako at napaatras dahil sa mga sinabi niya. Tinignan ko na lamang muli ang mga litrato upang maalis sa isipan ko ang naging epekto sa akin ng mga salitang iyon.
Madaming litrato si Helen. Napakaganda niya. Magkamukha nga kami pero iba pa rin ang mukha niya para sa akin. Itim na itim ang kanyang buhok, pulang-pula ang kanyang mga labi. Maamo man ang kanyang mukha ngunit may matapang siyang aura kahit sa litrato lang.
Lumapit ako at pinagkatitigan ko ang isa niyang litrato. Nakangiti siya rito at nakataas ang kanyang kanang kamay. May itim na markang hugis diamante sa may ibaba ng kanyang pulso. Biglang pagkabog ng dibdib ang naramdaman ko. Pareho kaming mayroon ng markang iyon. Napatingin ako sa parte na iyon ng kamay ko. Parehong-pareho nga.
Paano kaya kung ... iisa lang talaga kami?
Napalingon muli ako kay Lucifer na nakatingin pa rin pala sa akin.
Paano kung ako rin si Helen? Iyon ba ang dahilan ni Lucifer kaya niya ako dinala rito? Alam na ba niya mula pa noong nakita niya ako?
Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Naiintindihan ko na ngayon.
Ako si Helen at ako rin si Leah.
Biglaang nagbukas ang pinto. Bumungad sa akin si Lucas na hingal na hingal. Kasama niya si Pandora na may dalawang hellhound sa tabi nito, si Ares at Damasen. Mabilis ang pangyayari. Sa isang iglap, nasa mismong harapan na ni Lucifer si Lucas habang nakatapat sa kanya ang isang kumikinang na itim na kutsilyo. Napakatalim ng tingin ni Lucas sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang nakita kong itutuloy na niya ang pagsaksak kay Lucifer sa dibdib.
Nakatayo lamang ako roon, ni hindi makagalaw. Bigla kong naalala iyong ipinakita sa akin ni Lucifer. Noong unti-unti na siyang lumulubog sa lupa at naroon lamang si Helen, nasa likuran ng anghel—-nakatingin lang sa kanya.
Agad na kumilos ang katawan ko. Humarang ako kay Lucifer. Nakapikit kong tinanggap ang kutsilyo sa katawan ko.
"L-Leah..." Gulat na sambit ni Lucas.
Nakatayo ako sa harapan niya habang si Lucifer naman ay nasa likuran ko. Hinawakan ko ang parte ng dibdib kong sinaksak ni Lucas. Dugo. Puro dugo ang kamay ko.
Ngunit ang sunod na nangyari ang hindi ko lubos na inasahan. Naramdaman ko na lang ang marahas na pagtulak sa akin palayo ni Lucifer. Ngumisi siya sa akin. Iyong mga matatamis niyang ngiti ay halos makalimutan ko na dahil sa pinapakita niya sa akin ngayon.
"Hindi ko akalain na magiging tanga na lang si Helen ngayon." Pinulot niya ang itim na kutsilyo at naging abo ito sa kanyang palad. "Sa tingin mo, basta-basta na lang mawawala ang galit ko sa mga mortal? Ang galit ko kay Helen? Tanga." Nakangisi niya muling sinabi.
Tinignan niya ang panlimang libro na nasa gilid ko. Bigla rin itong naging abo. Noong sandaling iyon ay bigla namang lumitaw si Elvira sa tabi niya. Hawak na nito ang totoong libro.
"Nasa akin pa rin ang hanap nyo at kapag hindi nyo kami natalo. Hinding-hindi nyo makukuha ito." Lumingon muli siya sa akin. "At isa pa, habang-buhay kong paparusahan itong kasama nyong mortal. Habang-buhay. Paulit-ulit." Mabigat ang pagkakasabi niya sa huli niyang salita. Punong-puno na ngayon ng galit ang boses niya. Hindi ko na nakikita sa kanyang mga mata ang kanina kong nakita sa kanya.
Saka ko naintindihan ang lahat. Naging tanga nga ako ... nagpadala ako sa mga pinakita niya. Hindi totoo ang mga pinakita niya sa akin. Dinala niya ako rito para magdusa. Para maramdaman ang nangyari sa kanya dati ... para maghiganti.
________ _ _ __
A/N:
Thank you sa pagbasa! Feel free to express yourself in le comment box. <3
BINABASA MO ANG
Let Me Tell You About Lucas | completed
FantasyEvil. Manipulative. Mysterious. Will you fall for him? -- Date started: September 7, 2014 Date finished: June 8, 2018 DARAGON FANFIC x YG FAM FANFIC | Photo used on the book cover is not mine. All rights reserved to the original owner