39 --- Laura

21.4K 903 145
                                    



"Mukhang kilala ko na kung sino ang may hawak kay Leah..."

________ _ _ __

SINUBUKAN KONG tumakas. Alam kong may kakaiba na sa Lucas na kasama ko ngayon. Alas-kwarto ng madaling-araw noong dahan-dahan akong umalis sa pagkakahiga. Natatakot na baka magising ko ang nahihimbing na si Lucas sa tabi ko. Mabubuksan ko na sana ang pinto palabas ngunit narinig ko si Lucas sa likuran ko. Nagising ko siya.

At galit siya.

"Laura... Laura... Laura..." Iyon ang sinabi niya noong lumingon ako. Masama ang tingin niya sa akin at nakasimangot siya pero paulit-ulit niyang sinasambit ang pangalang Laura.

At ngayon, dalawang araw na akong nakakulong sa isang maliit na kwarto ng bahay na ito. Hindi ko alam kung ano ang nangyari kay Lucas ngunit isa lang ang sigurado ako, hindi siya si Lucas. At sino naman si Laura? Bakit Laura ang tawag niya sa akin?

Sinasaktan niya ako. Sa lakas niya, wala akong magawa kung hindi ang umiyak. Normal ang kulay ng mga mata niya, walang hybrid na kumokontrol sa kanya ngunit ano itong nangyayari?

Malakas ang ulan sa labas at narito ako't nanginginig sa lamig. Walang kumot kahit unan na ibinigay sa akin. Tanging pag-upo lamang sa sulok ng kwarto ang nagiging paraan ko ng pagtulog.

Muli akong napapikit at mumunting luha ang pumatak mula sa mga mata ko.

Paano na ang lahat kung nandito ako at nakakulong? Kung sino man ang kasama ko ngayon sa bahay na ito, alam kong---sigurado akong hindi siya si Lucas. Ngunit kung hindi siya si Lucas---sino siya?

"Puro ka na lang iyak!" Sigaw ni Lucas nang pumasok siya sa kwarto.

Iba na naman ang boses niya. Malalim ito ngunit hindi kasinglalim ng narinig ko noon sa hybrid sa loob ng katawan niya. Para bang boses ng tao pero pinalalim at medyo parang kalat ang tunog ng boses.

Hindi pangkaraniwan.

"Ayan, kumain ka!" Hinagisan niya ako ng dalawang pirasong monay. "Pakabusog ka! Malapit na ang takdang panahon. Kukumpletuhin mo ang sampung libro sa ayaw at sa gusto mo." At tumawa siya nang tumawa habang pinandidilatan ako.

Parang may isang baliw sa harapan ko.

Ni hindi ko naisip sa buong buhay ko na tatratuhin ako ng ganito ng isang tao at gamit pa ang mukha ni Lucas.

Napa-buntong hininga ako at muling hiniling na sana'y makita ako nila Ares. Sana kasama nila ang totoong Lucas. Sana ligtas siya. Sana hindi talaga niya katawan ang kasama ko ngayon sa bahay na ito. Sana. Sana...

Maraming pumasok sa isipan ko na mga imahe. Maraming nabubuong mga posibleng mangyari sa isipan ko. At ang nakakatakot, puno na lamang ito ng kamatayan. Mga posibleng mawalan ng buhay. Buhay ko, buhay ni Lucas o ni Damasen at Ares man. Ayokong may mawala sa amin. Ayokong mawala sila.

Dahil sa mga naiisip ko'y napadukdok na lamang ako sa pagitan ng mga tuhod ko at umiyak nang umiyak. Palakas nang palakas ang hagulgol ko hanggang sa nagbukas na naman muli ang pintuan. Nagmamadali akong nilapitan ni Lucas at itinayo.

"Ang ingay-ingay mo!" Tinulak niya ako hanggang sa tumama ang likuran ko sa malamig na pader ng kwarto na ito.

Sana panaginip lang to...

Sana hindi na lang ito ang katotohanan...

"Nakakairita ka! Hindi ba ang sabi ko," lumapit muli siya sa akin at pinandilatan ako ng mga mata habang hawak ako sa panga ko. "Ayoko ng maingay!" Isa-isa niyang idiniin ang bawat salita hanggang sa bitawan niya ako. Nanghina ang mga tuhod ko at bumagsak na lamang ako sa sahig.

Let Me Tell You About Lucas | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon