32 --- Tainted Kiss

24.1K 1.2K 269
                                    




"Kahit anong mangyari Leah, tandaan mong mahal kita."

________ _ _ __

"ANG EAROI AY isang makapangyarihang nilalang sa dilim. Ibang-iba sila sa mga katulad naming hellhound, kumbaga, kami ang mga tuta at sila ang mga malalaking aso." Pagpapaliwanag ni Damasen habang ako naman ay nasa harap ng hapagkainan at kumakain.

Napatango ako sa kanyang mga sinasabi. Napakalaki nga ng nakita naming earoi. At yung apoy sa katawan niya, triple o mas higit pa sa apoy sa katawan nina Damasen.

Nakakatakot.

"Mapanganib sila. Malakas. Halos kasinglakas nila ang mga makakapangyarihang demonyo. At iyong nakita natin, hindi ko masukat kung gaano kalakas ang enerhiya na nanggagaling sa kanya," dagdag pa niya.

Bigla namang dumating si Ares at kinuha ang isang piraso ng karne na kinakain ko. Mukhang okay na rin siya. Hindi na siya palaging nakasimangot at mainit ang ulo. Mukhang moody lang din ang mga hellhound.

"Nasan na si Lucas?" Tanong ni Damasen sa kanya.

"Ayun, pinatulog ko ulit." Tumingin siya sa akin. "Mas lalong lumalakas ang hybrid. Mahihirapan na tayong konrolin siya. Kailangan na natin agad makumpleto ang mga libro." Kumuha ulit siya ng isang pirasong karne na nasa plato ko at nagsalita habang puno ang bibig. "Nakakatakot na rin siya. Baka lahat tayo mapatay niya kapag hindi na talaga tayo magmadali. Ilang araw na lang ang natitira." Uminom siya sa baso ko at muling nagpatuloy. "Grabe, nakakapagtaka, bakit kaya wala akong ganang kumain ngayon?" Pagkatapos niyang sabihin 'yun ay umalis na siya.

Napa-buntong hininga kami ni Damasen.

Mas okay siguro siya na ganyan kaysa sa tahimik at seryosong si Ares.

"Hindi na ba nagpapakita sa'yo si Karen at Keanu?"

Napatingin ako kay Damasen noong tinanong niya 'yun. Iling lamang ang naging tugon ko. Hindi na nga sila nagpakita. Pero parang may naalala akong sinabi ni Karen ...

"Hinding-hindi nyo makukumpleto ang mga libro nang hindi dumadaan sa amin."

Hindi na nagsalita si Damasen at umalis na din siya katulad ni Ares. Lumabas silang dalawa. Maaring upang magpahangin.

Minsan, napapaisip ako kung bakit nga ba talaga ako tinutulungan nina Damasen. Sa utos lang ba nito ni Pandora o baka may iba pang dahilan?

Napailing ako habang inaalis ko sa isipan ko lahat ng nabubuo nitong kahulugan. Hindi ko pwedeng bigyang ng ibang kahulugan ang lahat ng ito. Nararamdaman ko na totoo sina Damasen sa amin. Hellhound man sila at sobrang tapat sila sa kanilang amo ... alam kong tapat din sila sa akin.

Napatitig ako sa iilang pirasong kanin na nasa plato ko. Nilaro-laro ko ito gamit ang tinidor na hawak ko. Bigla kong naisip na ... paano kung kailangang mamili nina Damasen sa pagitan namin ni Pandora? Pipiliin kaya nila ako, na kaibigan nila o ang amo nila na si Pandora?

Muli ay umiling-iling ako upang maialis ang mga ganitong klaseng bagay sa isipan ko. Bakit ko naman sila papapiliin? Ako na rin naman ang nagsabi na sobra silang tapat sa amo nila. Hellhound sila, at nakatali silang dalawa sa amo nila. Wala ako sa lugar para mas maging importante kay Pandora.

Kaibigan lang nila ako. Isang tao na nakasama lang nila dahil sa pag-uutos ng kanilang amo.

"Mukhang malalim ang iniisip mo, ah?" Napalingon ako nang biglaang may nagsalita. Boses lalaki ito at para bang medyo bata.

Bumungad sa harapan ko ang isang lalaki na mukhang isang highschool student. Napatayo ako nang nakita kong duguan ang damit niya pati na rin ang mukha niya.

Maamo ang mukha niya at matamis ang kanyang ngiti sa akin. Kung titignan, para nga siyang anghel. Kung hindi lang duguan ang damit at mukha niya. Kung hindi lang itim na itim ang kanyang mga mata.

"Sino ka? Paano ka nakapasok dito?" Agad akong kumuha ng kutsilyo sa may gilid lamang ng lababo. Isa siyang tao na may hybrid sa katawan.

Pinunasan niya ang duguan niyang bibig.

"Hindi na importante ang pangalan ko. Ang importante ... ang taong naroon." Tumingala siya at tumingin sa may kwarto ni Lucas. "Malapit na siyang maging katulad ko. Malapit na rin niyang makuha ang katawan niya."

Sa pagkakataong ito ay sumigaw na ako nang sumigaw. Sinigaw ko ang pangalan nina Ares at Damasen ngunit biglang tumigil ang bibig ko sa pagbuka. Hindi ako makagalaw. Napatingin ako sa taong nasa harapan ko.

Siya ang pumipigil sa akin.

Kinontrol niya ang kamay ko at itinaas ang kutsilyong hawak ko. Sinusubukan kong pigilan ngunit nangingibabaw ang lakas niya. Ngumisi siya noong nagtagumpay siyang masaksak ko ang sarili kong balikat. Mukhang pinapatama niya ito sa aking dibdib ngunit dahil sa pagpigil na ginagawa ko ay hindi niya ito matamaan nang maayos.

"Sinasabi sa akin ng hybrid na nasa katawan ng kaibigan mo na tapusin na kita. Kailangan niyang mawala ka upang makuha na niya nang buo ang katawan. Kailangan mo nang mamatay, mortal! Kailangan mo nang mawala!" Sigaw niya habang papalapit sa kinatatayuan ko.

Ramdam ko ang pagtulo ng dugo mula sa balikat ko. Napakasakit. Napakahapdi. Pero mas wala nang sasakit pa sa nararamdaman kong galit.

Hindi pa rin ako makagalaw. Hindi ko pa rin makontrol nang mabuti ang buo kong katawan.

Hanggang sa biglang bumagsak ang katawan ng hybrid sa harapan ko. Napabitaw na rin ako sa kutsilyo at nakahinga nang maluwag.

"Ayos ka lang?"

Nanlaki ang mga mata ko nang nakita ko si Lucas sa harapan ko. Puno ng pag-aalala ang boses niya at kanyang mga mata. Lumapit siya sa akin. Hinaplos niya ang pisngi ko.

Ilang araw ko na rin siyang hindi nakikita. Ilang araw ko nang hindi naririnig ang boses niya ito. Ilang araw ko na siyang gustong makausap nang hindi siya nagwawala at hindi niya ako gustong patayin.

"L-Lucas..." Hindi ko napigilan na umiyak at mapayakap sa kanya. Halos humagulgol na ako habang siya naman ay tinatapik ang likuran ko.

Nakakatakot. Nakakatakot lahat ng nangyayari. Hindi ko na alam kung kailan ba ako ligtas at kung kailan ako nanganganib. Maging si Lucas ay mapanganib na rin pero ito ako, nakayakap at umiiyak sa kanya.

"L-Lucas ang daming nangyari, nakita ko ulit yung demonyo noon, may nakita kaming earo-" natigil ang pagsasalita ko noong inalis niya ang pagkakayakap niya sa akin. Tinapat niya ang kanyang mukha sa mukha ko habang ang kanan niyang kamay ay nasa pisngi ko.

Nakatitig lang siya sa mata ko at gayon din naman ako sa kanya.

Tila ba nalulunod ako sa kanyang mga mata.

"Lucas.." Muli kong pagbanggit sa pangalan niya.

Unti-unti siyang ngumiti. Maliwanag na ang eskpresyon ng mukha niya. Malinaw na malinaw ang kanyang mga mata. Ang mukha niya .... napakaganda. Ang perpekto. Para bang napakatagal ko siyang hindi nakita nang ganito.

Tinagilid niya ang kanyang mukha at dahan-dahan na pumikit

Huli na noong napansin ko na magkalapit na ang aming mga labi...

Noong sandaling pumikit ako at dinama ko ang kanyang halik ... para bang nasa ulap ako. Walang problema. Walang kalabang hybrid na inaalala. Ako lang at si Lucas. Kami lang. Magkasama ... masaya at kuntento.

Sabay kaming dumilat at ngumiti sa isa't-isa.

"Kahit anong mangyari Leah, tandaan mong mahal kita. Mula pa noon, ikaw lang ang nasa puso ko. Kahit ilang taon pa ang lumipas, ikaw lang."

Ngayong lang niya sinabi ang mga katagang ito. Ngayon lang siya naging ganito.

Muli ay napaluha ko.

Isang halik sa noo ang muling ibinigay sa akin ni Lucas.

Pumikit ako habang nasa isipan ko lahat ng kanyang sinabi.

Kahit ano man ang maging wakas nitong laban natin ... hinding-hindi ka makakalimutan ng puso't isipan ko, Lucas.

________ _ _ __

Let Me Tell You About Lucas | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon