4 --- Kiss

45.5K 2K 318
                                    

        

"Gusto ko ring maisayaw ako ni Lucas."

________ _ _ __

NATAPOS ANG 18 Candles at 18 Gifts ni Louise pati na rin ang ibang pagkanta at sayaw ng mga kaibigan niya. Magarbo talaga ang debut niya at wala talaga akong masabi na mali sa lahat ng ito. Ngunit hindi ako makapanood nang maayos sa kung ano ang nangyayari sa harap. Sa kadahilanang, palaging naagaw ang atensyon ko ni Lucas, na nakaupo sa kabilang table na hindi kalayuan sa amin.

        “Ang gwapo talaga ni Lucas.”

         “Oo nga, grabe talaga. Mas lalo siyang naging gwapo at hot dahil sa tuxedo niya.”

        “Sana pala wedding gown na ang suot ko ngayon, friend. Para naman tuloy simbahan na kami.”

        Iyon ang sunod-sunod na bulong ng mga kasama ko rito sa table. Kanina pang umpisa ng party sila nag-uusap ng tungkol kay Lucas kaya naman hindi ko talaga kayang pigilan ang hindi mapatingin sa kanya.

        Totoo naman ang mga sinabi nila. Napakagwapo niya ngayon at bagay na bagay talaga sa kanya. Ano pa nga ba ang dapat kong ipagtaka?

        “Let’s welcome again, our debutant!”

        Nagpalakpakan ang mga tao nang pumasok muli si Louise suot ang bagong gown niya. Siguro pangatlong palit na niya ito. Kulay puti ang bago niyang suot at masasabi kong mas maganda sa mga nauna niyang sinuot.              

        Eighteen Roses na pala. Umiinom lang ako habang pinapanood na sinasayaw si Louise ng mga kaibigan niyang lalaki. At paminsan-minsa’y napapatitig ako kay Lucas na seryosong nanonood ng sayaw.

        Nagulat ako noong nakita ko siyang tumayo at kumuha ng isang rosas. Sinundan ko siya ng tingin habang papunta sa harapan. Nakangiting iniabot ni Louise ang kamay niya kay Lucas at nagsimula silang sumayaw.

        Hindi ko akalain na kasama pala siya sa 18 roses.

        “Akala ko joke lang yung kasama si Lucas sa 18 roses niya. Grabe talaga si Louise, nangiinggit lang ata ‘to eh,” bulong ng isa sa mga kaklase ko.

        “Okay ka lang, Leah?” Biglaang tanong ni Karen.

        Tumango lang ako.

        Oo, okay na okay lang ako.

        Isang malakas na tili na napakawala ng isa sa amin nang biglaang namatay lahat ng ilaw. Rinig na rinig ko ang malalakas na bulungan sa paligid. Ang iba’y natatakot. Habang ako naman ay deretso pa ring nakatingin sa kung nasaan si Lucas at Louise. Kahit na hindi ko sila nakikita ay ramdam ko pa rin ang malakas na presensiya ni Lucas roon.

        Sa loob-loob ko, para rin ako yung mga ibang babae na nakaupo ngayon sa kanilang mga upuan.

        Gusto ko ring maisayaw ako ni Lucas.

        Muling nagliwanag sa buong hall. At hindi ko lubos maitago ang pagkagulat ko noong napatingin muli ako sa kinatatayuan nila Lucas at Louise.

         Naroon pa rin sila.

        Nakatayo.

        Ngunit ...

        Magkalapat ang kanilang mga labi.

        Kitang-kita ko kung paanong idiniin ni Louise ang pagkakayakap niya kay Lucas at kung paano pa niya mas nilaliman ang halik niya. Habang si Lucas ay blangko lang na nakatingin sa kanya at mukhang hindi rin inaasahan ang nangyayari.

        Maski ang lahat ng nanonood ay hindi rin alam kung ano ang magiging reaksyon.

        “Sabi ko na nga ba, may plano si Louise,” wika sa akin ni Karen.

        Nang inalis na ni Louise ang pagkakayakap at halik niya kay Lucas ay bakas sa mukha niya ang labis na kaligayahan. Ngiting-ngiti pa. Mukhang halos lahat ng tao rito ay sa kanya nakatingin.

        Habang ako ay nakatitig lang kay Lucas.

        Napatayo ako noong nakita kong nagbago ang kulay ng mga mata niya. Malinaw na malinaw sa paningin ko. Bigla kong naalala noong nasa park ako, noong nakita ko siya. Iyang mga mata na ‘yan. Naalala ko rin iyong nakita ko siya sa loob ng kwarto ko, sa gilid ng kama, iyon rin ang kanyang mga mata.

        Delikado. Sobrang delikado nitong sitwasyon na ‘to.

        Agad akong naglakad nang napakabilis papalapit kay Lucas. Hinigit ko ang kanyang kamay at dali-dali ko siyang hinatak palabas ng hall. Hindi ako lumilingon. Hindi rin naman siya kumakawala sa pagkakahawak ko sa kanyang kamay. Halos tinakbo ko ang hagdanan at sumusunod lang siya sa akin. Noong nasa lobby na kami, agad ko siyang pinasok sa comfort room ng mga babae.

        Tinignan ko siya noong naisarado ko ang pintuan. Tulala siya. Itim pa rin ang kanyang mga mata. Ilang sandali ay tumingin siya sa akin. Kahit natatakot ay hinawakan ko ang kanyang magkabilang pisngi.

        “Lucas, gumising ka. Ako ‘to, si Leah.”

        Tinitigan ko siya nang deretso. Tinitigan ko siya ng may awtoridad sa pagtitig ko. Nananalangin ako na huwag niya sana akong saktan dahil alam kong wala talaga akong laban. Dahil sigurado ako sa lahat ng nakita ko. Sigurado ako sa kaya niyang gawin. Hindi man ako sigurado sa kung ano siya o kung ano ang nangyari sa kanya pero sigurado ako na kayang-kaya niya akong saktan.

        Dahan-dahan niyang itinaas ang magkabila niyang kamay. Itinapat niya sa dalawa kong kamay na nakahawak pa rin sa magkabila niyang pisngi. Marahas niyang inalis ito sa pagkakahawak sa kanyang mukha.

        Humakbang siya paabante at ako naman ay humakbang paatras. Hanggang sa nasa likuran ko na ang ang dulo ng comfort room. Ramdam ko ang lamig ng tiles ng pader nito ngunit mas nararamdaman ko ang lamig sa pagtitig ni Lucas.

        Nakatitig pa rin ako sa mga mata niya. Noong napakalapit na niya sa akin ay unti-unti itong nagbabalik sa normal, sa light brown nitong kulay. Tumigil siya sa mismong harapan ko. Ang mukha niya’y halos isang dangkal na lang ang layo mula sa mukha ko.

        “Lucas..” pagbanggit ko muli sa pangalan niya.

        Naging light brown na talaga ang kanyang mga mata. Aalis na sana ako sa kinatatayuan ko upang bumalik na sa itaas ngunit napigilan ako sa ginawa ni Lucas.

        Tinakpan niya gamit ang kanyang kamay ang dalawa kong mata.

        Napapikit ako.

        Pero may kakaiba akong nararamdaman. Para bang may hangin sa paligid ko, malamig na hangin. May tunog rin na para bang mga sasakyan.

        Dahan-dahan akong dumilat.

        Hindi ako makapaniwala sa bumungad sa akin.

        Nasa gitna ako ng highway.

        Nakakasilaw na liwanag ang nasa harapan ko. Gusto kong umalis sa kinatatayuan ko. Gusto kong tumakas. Ngunit para bang ayaw gumalaw ng mga paa ko. Ayaw sumunod ng katawan ko.

        Napakalakas na busina ang naghari sa paligid.

        Muli, napapikit na lang ako.

________ _ _ __

Let Me Tell You About Lucas | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon