Chapter 20

28.5K 419 42
                                        

*Once you’ve felt love, you’ll know that it’s true because you wouldn’t want to ever let it go. 

Sampung oras.

Ilang beses akong kumurap habang nakahiga sa aking kama at nakatingala sa kisame ng aking kwarto. Pagkaraan ay lumingon ako sa aking kanan at tiningnan ang digital alarm clock na nakapatong sa ibabaw ng bedside table ko. Dagli naman akong napaungol nang makita ko ang oras. 

Ten o’clock na ng umaga, at tulad ng hinala ko, mahigit sampung oras na akong nakahiga dito sa aking kama at ni isang segundo ay hindi man lang ako nakatulog.

Lumipas ang ilang sandali, at sa wakas ay bumangon na rin ako at umupo sa aking kama, umuunat. Mamaya-maya ay tumungo ako sa banyo at naghilamos, at pagkatapos ay naglakad ako palabas ng kwarto at pumunta sa kusina.

“Buti naman at gising ka na.” Ang agad na salubong sa akin ni Lyka pagkarating ko doon, na siyang nakaupo sa dinner table at malapit nang matapos sa pagkain ng almusal.

Tumango ako sa kanyang direksyon at agad na inilayo ang aking tingin. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit, pero simula nung matuklasan ko ang tunay na nararamdaman ng best friend ko para sa akin, hindi ko talaga mapigilang mailang kapag nagkakasama kaming dalawa sa iisang silid.

“Kumain ka na.” Tawag niya sa akin, sabay tayo mula sa kanyang kinauupuan at tumungo papunta sa lababo, dala-dala ang pinggan na kanyang pinagkainan.

Binanlawan niya iyon saglit, at pagkatapos ay ipinasok niya ang plato sa dishwasher na nakapwesto lang sa tabi ng sink. Muli naman akong napatango sa kanyang gawi, at pagkaraan ay tumungo ako papunta sa direksyon ng refrigerator, sabay kuha ng isa sa mga bote ng orange juice na nasa loob nito.

Sa totoo lang, hindi ko talaga mapigilang maguluhan nung mga oras na iyon. Tutal, hindi ba’t alam na ni Lyka ang lihim naming relasyon ni Denise? Bakit kaya hindi pa rin niya ako inuusisa at kinokompronta nang diretsahan hanggang ngayon? Bakit kaya hindi pa rin siya nagtatanong o kahit nagdedemanda man lang ng katanggap-tanggap na paliwanag mula sa akin? At bakit kaya parang normal at kaswal pa rin ang kanyang pagturing sa akin, na para bang wala akong nagawang pagkakamali sa kanya kahit alam na alam naman naming pareho na sadyang napakalaki ng kasalanan ko sa kanya?

Intensyon ba niya talagang magkunwaring walang kaalam-alam tungkol sa kasalukuyang disposisyon namin? Hinihintay na lang ba niya akong umamin sa aking kasalanan at humingi ng patawad sa kanya nang dahil sa lahat ng aking mga nagawang pagkakamali sa kanya? Naghahanap pa ba siya ng sapat na proweba tungkol sa aming lihim na relasyon ni Denise kung kaya’y nananatili muna siyang tahimik ngayon? O di kaya’y sadyang na-paranoid lang talaga ako kahapon habang aming isinasagawa ang aming final performance sa drama class at inaakala ko lang na natuklasan na ni Lyka ang aming sikreto ng dati kong kasintahan?

Iritado kong ginulo ang aking buhok pagkatapos, gulung-gulo ang aking utak ng mga kaisipang pumapalibot sa mga posibilidad sa kung bakit ganito ang pagturing ng best friend ko sa akin.

Letsugas. Mas makakayanan ko pa ata kung diretsahan na niya akong kinompronta ngayon e. At least sa sitwasyong iyon, aware na ako na alam na niya ang aking pagtataksil sa kanya para makasama si Denise. At mas madadalian pa ako sa aking paghahanap ng mabisang paraan para maisaayos ang panibagong gulong akin na namang inumpisahan at pinasukan. Pero malas ko lang talaga dahil ibang-iba naman ang kasalukuyang disposisyon na nararanasan ko ngayon. (=_=)

Nakita ko namang bumalik sa tapat ng dinner table si Lyka, at uminom siya mula sa baso na kanyang ginamit kanina. Dun ko napagtantong gatas pala ang kanyang iniinom, at may ilang mga bakas na naiwan sa kanyang mga labi pagkaubos niya nito.

Hindi ko na-realize na nakatitig na pala ako sa kanya nung mga sandaling iyon, not until nagkasalubong ang aming mga tingin.

“May problema ba?” Ang nagtatakang tanong niya sa akin.

Agad namang nang-init ang aking mukha at namula ang aking mga pisngi.

“May gatas pang natira…sa labi mo…” Ang tila natataranta kong pahayag.

Napakurap na lang siya nang ilang beses, at agad niyang dinilaan ang kanyang mga labi, na naging dahilan para muli akong mapatitig sa kanya.

“Meron pa bang natira?” Ang pawang napakawalang-bahalang tanong niya sa akin.

Pwersahan naman akong napailing pagkatapos, gulung-gulo na talaga nang sobra-sobra ang isipan nung mga sandaling iyon. Takte naman kasi, Lyks! Table napkin ang gamitin mong pamunas, wag yung dila mo! (-////-)

Dagli naman akong lumapit sa kanya at kumuha ng isang piraso ng tissue mula sa box na nakapatong malapit sa sink, dahan-dahang pinupunasan ang kanyang bibig pagkatapos. Nang di sinasadya ay napatitig na naman ako sa kanyang mukha, at nanatiling nakalatay ang aking mga mata sa kanyang mapupulang mga labi.

Napakurap na naman nang ilang beses ang best friend ko, halatang naguguluhan na talaga sa aking mga ikinikilos, at dun naman ako natauhan muli. Madali na namang nang-init ang aking mukha at agad-agad kong inilagay sa kanyang kamay ang hawak-hawak kong tissue, sabay talikod sa kanya pagkaraan.

“Meron pang nakakakalat sa bandang itaas ng bibig mo.” Ang mariin na tugon ko, naiilang na naman at mas lalo lang namumula ang mga pisngi.

Napatango na lamang si Lyka, halatang nagtataka pa rin, pero agad naman niyang pinunasan ang kanyang mga labi. Napangiti siya nang konti sa akin pagkaraan.

“Thanks, Keith.” Sambit niya.

Huminga na lang ako nang malalim at dahan-dahang napalingon sa kanyang gawi. Dun ko napansing nakasuot panlakad pala siya.

“Aalis ka?” Ang dagling tanong ko sa kanya.

Madali siyang tumango muli.

“A-attend ako ng workshop sa studio ngayon. Hindi kasi ako nakadalo sa session last week, so I’ll participate in the trainings being scheduled for this day.” Pagpapaliwanag niya.

Agad-agad naman akong naglakad palabas ng kusina.

“Hintayin mo ako, ihahatid na lang kita doon.” Pahayag ko.

Dagli naman siyang lumapit sa akin at tinapik ako sa aking balikat.

“Wag na, Keith. Pwede naman akong nag-commute papunta doon e. O di kaya sasabay na lang ako kay Ceddy. After all, he might be attending the sessions for this day since he’s no longer sick.” Pagpupumilit niya.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit, pero bigla na lang sumama ang loob ko nang marinig kong mas gusto pa niyang sumabay kay Cedric kesa magpahatid sa akin.

Tinitigan ko naman siya nang maigi.

“Ako na ang maghahatid sa’yo. After all, that’s one of my many responsibilities as your husband. At kung tutuusin, nandito na rin naman ako diba? Bakit ako papayag na makisabay ka pa sa ibang lalaki kung pwede namang ako na lang ang maghatid sa’yo? Kaya hintayin mo lang ako nang ilang minuto dito. Magpapalit lang ako saglit.” Pag-uutos ko, at agad akong lumabas ng kusina at tumungo papunta sa aking kwarto bago pa niya akong mapigilan pa.

Dagli naman akong napasandig sa pintuan ng aking silid pagkapasok na pagkapasok ko doon, humihinga nang malalim at mas lalo lang gumugulo ang mga kaisipan sa utak. Madaling napunta ang aking kamay sa ibabaw ng aking dibdib, at agad kong naramdaman ang biglaang pagbilis ng pagtibok ng aking puso.

Takte naman, bakit ba kasi bigla na lang akong nagkakaganito?

Married by ACCIDENTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon