Natuwa na sana si YZ at nakatapos ng pag-aaral ang Ate Caroline niya, ang panganay nila. Ang ibig sabihin kasi sana no'n, makakapag-full-time na siya sa pag-aaral. Pero kasabay ng pag-gradweyt nito'y inanunsiyo sa pamilya na mag-aasawa na raw ito.
"Ano? Ang bata-bata mo pa kaya, Stephanie Caroline! Ang akala ko magpu-full-time ka na sa pagsali sa mga beauty pageants nang sa gano'n ay mahasa ka bago ka sumali sa Binibining Pilipinas!" protesta kaagad ng mommy nila.
"Oo nga naman, Ate. Bakit madalian?" sang-ayon naman ng sumunod dito na si Claire Marinette. "Buntis ka ba?"
"Ano ka ba? Dahil mag-aasawa, buntis agad?" sagot naman ng panganay.
Napabuntong-hininga ang kanina pa tahimik na ama ng tahanan. Matiim nitong tinitigan ang anak at tinanong kung buntis nga ba ito. Hindi nakasagot si Caroline. Yumuko lang ito at pinagpatuloy ang almusal.
"Buntis ka nga!" halos sigaw na ng mommy nila. Humagulgol ito. Tumayo naman at dali-daling nagpunta sa kuwarto ang panganay. "Stephanie Caroline, bumalik ka rito!" tungayaw pa nito, pero hindi na ito pinakinggan ng anak.
Nakidalamhati rin si YZ sa nangyari sa ate niya, pero at the same time natuwa rin kahit papaano. At least, ang perpekto niyang kapatid ay nagkamali rin. Mababawas-bawasan na ang pag-iidolo rito ng kanyang mommy dito. Baka sakaling magkaroon na rin siya ng pitak sa puso ng ina. Ang pag-asam ni YZ ay nanatiling pangarap dahil isang araw ay dumating ang nobyo ng ate niya sa kanila kasama ang mga magulang nito. Sa hitsura pa lang nila hindi mo maikakailang mayayaman. Pagkakita sa kanila ng kanyang mommy kaagad na nagbago 360 degrees ang saloobin nito tungkol sa pag-aasawa ng panganay. Lalo pa nang malaman nitong may-ari ng isang pabrika ng mga tsinelas ang pamilya.
"Naku, anak. Hindi ko sukat-akalain na gano'n kayaman ang pamilya ng nobyo mo. Aba'y sa Hawaii pa raw kayo magha-honeymoon!"
"Bukod sa pabrika ng mga tsinelas, mayroon din silang malaking puwesto ng isdaan at manokan sa palengke. Pero siyempre, hindi na sila ang nag-aasikaso no'n. Tumitingin-tingin na lang do'n ang Mama at Papa. Tsaka ang sabi ni Conrad, may mga apartments pang pinapaupahan ang mga magulang niya," pagbibida naman ni Caroline.
Aminado si YZ na nalula siya sa kayamanan ng mapapangasawa ng kapatid. Nabigo siyang mapingasan ito sa mga mata ng magulang. Bumalik na naman sa dati ang lahat. Ito na naman ang star.
"O kayong dalawa, lalung-lalo ka na Claire Marinette. Kung mag-aasawa ka rin lang nang maaga siguraduhin mong kasing yaman ng pamilya nila Conrad o di kaya mas mayaman pa ro'n. Maliwanag ba?"
"Hay naku, Mommy. Siguradong mas mayaman pa diyan ang mabibingwit ko!"
Tumingin naman ang kanilang ina kay YZ. Parang naghihintay na mangako rin ito tulad ng sinabi ng ate, pero yumuko lang ang dalaga. Ang ginang na rin ang bumawi ng sinabi nito.
"Exempted ka rito, anak. Makakapag-asawa ka lang ay okay na sa amin ng daddy mo. Kahit sino," at inakbayan nito ang bunso. Napamulagat naman si YZ. Nagtawanan ang dalawa niyang ate. Nang mag-sink in ang mensaheng nais ipaabot ng ina sa kanya, nanlumo siya.
**********
"Mag-aasawa na ang ate mo? Sayang! Kasi kung sumali siya sa Binibining Pilipinas this year, tiyak na mananalo siya. Sa ganda niyang iyon?" sabi ni Lota nang ikuwento ni YZ ang nangyari sa kapatid.
"Ano ka ba? Isa ka pa!" naiinis na sagot naman ni YZ.
"O, ano'ng masama sa sinabi ko?"
"Para kang si Mommy. Wala nang bukambibig kundi ganda ni Ate. Nakakainis na!" Bago pa makasagot si Lota, tinalikuran na niya ito. Dahil sa pagmamadali may nabangga siyang pader. Ay, tao pala. Nang mapagtanto niyang nakatukod ang kanyang mga palad sa malapad at matigas na dibdib ni Ren kaagad siyang pinamulahan. Humingi siya agad ng dispensa rito. Nakita niyang medyo nagulat ang binata, pero tumango lang. Pero bago iyon nakitaan niya ng kapilyohan ang mga mata nito nang tumitig sa kanya.
BINABASA MO ANG
My Supah Love (COMPLETED)
ChickLitHindi naniniwala ang mga magulang ni YZ na may pakinabang siya sa pamilya kung kaya hindi na siya pinag-aral ng mga ito. Ang dahilan? Sa hitsura't tindig palang daw niya hindi naman siya makakakita ng disenteng trabaho. Sayang lang daw ang pang-matr...