"Lizzie, iha!" naibulalas ng matanda at napatayo agad ito. Sinalubong nito si YZ ng isang mainit na yakap at halik. Gulat na gulat ang dalaga. Napatingin siya tuloy kay Ren na ngayo'y pinangiliran na rin ng luha.
"Sino'ng Lizzie?" anas niya kay Ren.
Imbes na sagutin siya'y inalalayan lang siya nitong maupo. Nang igala ni YZ ang paningin, puro dagat ang nasa paligid.
"Nasa'n tayo?" pabulong niyang tanong uli rito.
"We're on a private yacht," kaswal nitong sagot habang nilalagay na sa kandungan ang table napkin.
"Sino si Lizzie at bakit iyon ang tawag sa akin ng matandang ito?"
"Iha," at ginagap ng matanda ang kamay niya. Pinisil-pisil iyon. "Hindi ako makapaniwala na magkikita tayong muli. I thought you were gone forever!"
Lalong naguluhan si YZ. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa matanda at kay Ren. Parehong emosyonal ang mga ito. Gusto na niyang batukan ang lalaki dahil hindi pa rin ito nagpapaliwanag.
Habang lumuluha, nagkuwento ang matanda na hindi raw nito sukat-akalain na mabubuhay siya pagkatapos ng malagim na aksidente nila ng kakambal. Kaya nagpapasalamat daw siya at binigyan siya ng pangalawang buhay ng Panginoon. Nangunot lalo ang noo ng dalaga sa narinig. Nagdedeliryo ba ang matandang ito?
"Ano ba'ng pinagsasabi nitong lola?" asik niya uli kay Ren sa mahinanag boses habang ngumingiti-ngiti sa matanda.
"Ipapaliwanag ko sa iyo mamaya. Just play along."
Nang matapos nga ang hapunan nilang tatlo, dinala siya ni Ren sa deck habang nagpapahinga na ang matanda sa kuwarto nito sa yate.
"Huwag kang mabibigla. Mayroon kang kakambal. Ang mga magulang na kinagisnan mo ay hindi mo talaga tunay na mga magulang," panimula nito.
Halos nahulog ang panga ni YZ sa narinig. Sa labis na kabiglaanan, natameme siya.
"Ang matandang iyon ay ang nag-iisa mong living relative. Namatay kasi ang mga magulang mo sa giyera sa Middle East."
"Ano ba'ng pinagsasabi mo? Ang mommy't daddy ko ay nasa amin lang sa Laguna! Paanong namatay sila sa giyera sa Middle East?"
"Ang hina talaga ng kukote mo. Sinabi ko na ngang hindi mo sila tunay na mga magulang, e. Kailangan ko pa bang ulit-ulitin iyon?" Nagtaas na rin ng boses niya si Ren.
"Sinungaling!" galit niyang sigaw rito at tumakbo palayo. Pero kaagad namang dinaklot ni Ren ang braso niya at hinila siya pabalik.
"Marami akong pruweba sa mga sinasabi ko. Halika't may ipapakita ako sa iyo," at halos kinaladkad siya nito patungo sa isang cabin.
Nang makita ni YZ ang kuwarto, kinabahan siya. Paano na lang kung gawan siya nang masama ng hunghang na ito? Walang sasaklolo sa kanya dahil malayo sila sa pantalan.
Pinaandar ni Ren ang telebisyon at may kinalikot sa laptop. Mayamaya pa, napuno na ng ingay ng party ang buong silid. Unang pinokus ang higanteng cake na may nakasulat na, "Happy fourteenth birthday Lizzie and Mindy." Pagkatapos no'n, napunta ang camera sa dalawang dalagitang nakasuot ng magkaternong trahe. Nang mailawan ang mukha ng dalawa, napasinghap si YZ. Kamukhang-kamukha niya ang isa. Halos nakatingin lang siya sa sarili sa salamin. At ang katabi nito'y, "My God!" naibulalas niya agad. Magkawangis sila ng Ate Claire niya!
"When I saw your sister for the first time, that's when I knew. Noong una kasi, inakala kong doppelganger ka lang ni Lizzie. Marami naman kasing magkakamukha sa mundo. But when I saw your Ate Claire, naisip ko agad na mayroong naganap na switching sa ospital kung saan kayo pinanganak noon."
BINABASA MO ANG
My Supah Love (COMPLETED)
ChickLitHindi naniniwala ang mga magulang ni YZ na may pakinabang siya sa pamilya kung kaya hindi na siya pinag-aral ng mga ito. Ang dahilan? Sa hitsura't tindig palang daw niya hindi naman siya makakakita ng disenteng trabaho. Sayang lang daw ang pang-matr...