CHAPTER EIGHT

25.9K 901 29
                                    


Kung kailan naniniwala na sana si YZ na baka nga mayamang nagbabalatkayong mahirap lang si Ren saka naman ito nahuling nagnakaw ng mga karton-kartong paninda sa supermarket. Kasabwat pa niya ang manyakis na si Domeng at dalawang guwardiya.

"Kaya pala..." nalulungkot niyang himutok.

Tinapik-tapik siya ni Lota sa balikat. Maging ito'y nalungkot din sa balita.

"Paano ngayon iyan? Hindi na matutuloy ang kasal? Sayang naman, o! Minsan lang ako naimbitahang mag-bridesmaid at sagot pa sana ng groom ang gown ko, napurnada pa! Kainis!"

Napabuntong-hininga si YZ. Naisip niya agad ang mga magulang. Paano niya sasabihin ang mga ito sa kanila? Tiyak masasabunutan din siya ng Ate Claire niya sa pambubulabog niya sa kasal nito.

"Oy, ano ka ba? Kanina ka pa tuliro."

"Sino ba naman ang matutuwa sa ginawa niya? Sa lahat ng puwedeng gawin, magnakaw pa? Alam mo namang pet peeve ko iyan!" naiinis niyang singhal kay Lota at mabilis na lumabas ng staff lounge. Binalikan niya ang pagdi-display ng mga produktong nakatoka sa kanya. No'n naman may lumapit sa kanyang isang pulis. Kabuntot nito si Mrs. Reyes. Ang supervisor niya ang nagpaliwanag sa kanya na gusto raw siyang makausap nito. Kinabahan siya.

"Mayroon lang kaming mga katanungan sa inyo, Ms. Katigbak. May nakapagsabi kasi sa aming kahuntahan n'yo raw ang mga suspek. Katunayan---"

"Aba'y wala ho akong kinalaman diyan, mamang pulis!" maagap niyang sagot. Hindi na pinatapos pa sa sasabihin sana ang mama.

Napangiti ang pulis. "Wala naman akong sinasabing kasabwat ka sa gulo, e," at napakamot-kamot pa ito sa ulo.

"Ang mabuti pa'y do'n muna kayo sa upisina ko," sabat ni Mrs. Reyes at nauna na ito sa kanila. Pinagtinginan siya ng mga ibang shelf stocker. Nagbulung-bulongan pa ang mga ito. Kahit hindi siya kasabwat do'n sa nangyari, pakiramdam niya'y hinuhusgahan na rin siya ng mga ito.

Nangunot ang noo ni YZ nang puro tungkol kay Domeng at sa mga guwardiya ang tanong ng pulis. Inakala niyang napatawag siya nito dahil sa kaugnayan niya kay Ren.

"Teka lang ho---hindi ho ba kayo magtatanong tungkol do'n sa isa naming kasamahan na nasangkot din? Iyong Ren Matsumoto?"

Napasulyap sa kanya ang pulis mula sa pagsusulat. Parang saglit itong nawala sa usapan. Nang maintindihan ang tinatanong niya, umiling ito.

"Hindi na kailangan. Nakausap na namin si Mrs. Reyes. Sa hitsura naman no'ng tao, hindi naman siya mukhang gagawa nang masama, e."

Nagpanting ang tainga ni YZ.

"Ano'ng ibig n'yong sabihin?" tanong niya, nagpipigil lang ng emosyon.

"Mukha bang magnanakaw ang isang iyon? Sa tindig at porma pa lang ay mukha nang mayaman," kaswal namang sagot ng mama na lalo niyang ikinagalit.

"Mamang pulis, hindi ho lahat ng mukhang mayaman ay mayaman! Hindi ho lahat ng guwapo ay mapagkakatiwalaan! Hindi ho lahat ng panget ay halang ang kaluluwa!"

Nagulat sa reaksyon niya ang pulis lalo pa't nagtaas siya ng boses.

"Miss, wala naman akong sinasabing ganyan," at napakamot-kamot uli ito sa ulo.

"Ano'ng wala? Sinabi mo nang mukhang mayaman ang isa kaya hindi niya magagawa ang magnakaw. Do'n lang nakapokus ang imbestigasyon mo sa tatlong---tatlong panget kong kasama! Bilang pulis, ikaw sana ang mas nakakaintindi na hindi sapat na batayan ang hitsura ng tao kung kaya niyang gumawa ng krimen o ano!"

My Supah Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon