Parang nagsitayuan ang mga balahibo ni YZ sa batok pagkalapat ng mga labi ni Ren doon. Tila nakuryente. Muntik na siyang mapaungol. Tumikhim siya para maapula iyon. Bago pa siya matuksong sumandal sa matipunong dibdib ng lalaki binaklas na niya ang nakapulupot na braso nito sa kanyang baywang. Nang harapin niya ito para pagalitan kunwari sa kanyang kapangahasan bigla siyang natameme. Paano kasi nahuli pa niya itong nakapikit na parang ninanamnam ang saglit na pagdikit ng kanilang katawan.
"Pasensya na," sabi nito sa mahinang tinig at dali-daling lumabas ng kusina. Naiwan siyang nakatanga. Ano'ng ibig sabihin no'n?
Hindi tuloy siya nakatulog sa kaiisip ng maaaring dahilan ng ginawa ni Ren. May munting tinig na nagsasabi sa kanyang baka nagkaroon na rin siya ng pitak sa puso nito pero mayroon din namang kumokontra. Ayan ka na naman! Hindi mo ba nakita iyong babaeng kahalikan niya sa video? Malalabanos ang kutis no'n! Samantalang ikaw ay mapusyaw lang nang kaunti sa sabaw ng La Paz batchoy pagkatapos haluan ng toyo.
Natigil siya sa pag-aanalisa ng sitwasyon nang marinig ang ugong ng sasakyang palabas ng garahe. Nang sumilip siya sa bintana sa kanyang kuwarto nakita niya ang papaalis na Lexus ni Ren. Naglahong parang bula ang kanyang ilusyon.
Nakadalawang baso siya ng gatas nang maramdaman ang pamimigat ng kanyang talukap. Mayamaya nga'y tuluyan na siyang nakapikit. Kung kailan halos kalahating paa na'y nasa dreamland saka naman biglang nagwala ang cell phone niya. Nang malamang si Lota lang ang sa kabilang linya minura-mura niya ito.
"Pasensya na kamahalan kung nagising kita," bungad nito. Sarkastiko.
"Alam mo kahit kailan panira ka sa tulog ko!" singhal niya at pinutol ang linya. Pero mayamaya uli'y tumawag na naman si Lota. Imbes na sagutin ito pinindot niya ang end call. Kaya inulan siya nito ng text messages. Pagkakita niya sa pinadala nitong larawan, napabangon siya agad. At siya na ang tumawag sa kaibigan. Ginawa rin ni Lota ang ginawa niya rito. Sinagot lang siya nito sa pangatlong tawag niya. Humahalakhak pa ang bruha.
**********
Pinalamigan siya sa nakita. Mariin iyong tinatanggi ng kanyang utak. Kaso nga lang malinaw na nakabalandra sa kanyang harapan ang katotohanan.
"May narinig na rin akong ganyang tsismis sa supermarket pero hindi ko masyadong pinansin. Mas pinaniwalaan ko ang video," malungkot na wika ni Lota.
Bigla siyang tumayo, dahilan para mahilo siya. Kung hindi siya maagap na naalalayan ng kaibigan ay baka nabuwal siya roon.
"Umalis na tayo rito. Nasusuka ako."
"Okay sandali lang at magpapaalam muna ako sa mga pinsan kong mauuna tayo."
Napalingon pa nang isang beses si YZ sa kinaroroonan ni Ren at ng lalaking kayakap nito. At bigla siyang naduwal nang makita ang kasama nitong humalik pa sa punong tainga ng asawa niya. Nasa'n na ba ang Lotang iyon? Nanggigigil na siya. Nagpalinga-linga siya sa paligid, pero hindi niya nakita ang kaibigan. Tatalilis na lang sana siya nang biglang may lumapit.
"YZ --- I mean Mrs. Matsumoto, is that you?"
Paglingon niya nakita niya ang lalaki. Nakangiti ito ngayon sa kanya at nakaunat pa ang braso na tila nakikipagkamay. Awtomatikong kumulo ang dugo niya. How dare you act like nothing happened. Ang kapal ng mukha mo! Ganunpaman, kinontrol niya ang sarili. Baka bigla na lang siyang mag-eskandalo sa bar na iyon. Nakakahiya.
"How are you doing?" patuloy pa nito. Binaba na rin nito ang kamay dahil hindi niya pinansin. Ngayo'y medyo alanganin na ang ngiti. Parang nalilito pa ang hitsura. "Oh. I forgot. I'm Yuto. Ren and I went to the same college in Osaka."
BINABASA MO ANG
My Supah Love (COMPLETED)
ChickLitHindi naniniwala ang mga magulang ni YZ na may pakinabang siya sa pamilya kung kaya hindi na siya pinag-aral ng mga ito. Ang dahilan? Sa hitsura't tindig palang daw niya hindi naman siya makakakita ng disenteng trabaho. Sayang lang daw ang pang-matr...