Hindi mapakali sa bahay si YZ kaya naisipan niyang dumaan sa supermarket. Pero siyempre hindi niya pinaalam kay Ren ang kanyang pagdalaw. Si Lota lang ang tinext niya.
"Aba, mukhang hiyang ka yata sa buhay-reyna, madam," nakangising bati sa kanya ni Kardo.
Natuwa na sana siya dahil inisip niyang blooming ang ibig sabihin ng damuho, pero kaagad na naglahong parang bula ang ilusyon niya sa dinugtong nito. "Namimilog ka na yata. Mayroon na bang junior si Boss Ren?"
"Tigilan mo nga ako kung ayaw mong masisante!" singhal niya rito.
"Ito naman hindi na mabiro," sagot ni Kardo sabay kamot sa ulo. Nag-alangan itong ngumiti sa kanya. Parang biglang natakot. Nakonsesya naman siya, pero bago pa niya mabawi ang mga sinabi lumitaw na si Lota. Hinila siya agad nito sa isang tabi.
"Ano na naman?" naiinis niyang tanong dito. Bigla kasi siyang kinabahan dahil mukha na namang may ire-reveal na sekreto.
"May bisita si Boss Ren. Iyong babae sa video!" anas ni Lota sa kanya.
"Iyong ex-girlfriend?"
Nangunot ang noo ni Lota. For a while ay nalito ito.
"Malay ko! Ikaw ang mas nakakaalam niyan."
Oo nga 'no? Kahit nga siya hindi rin sigurado kung iyong ex-girlfriend na babalikan ni Ren sa Osaka at ang babae sa video ay iisa lang.
"Buntis ba siya?" bigla niyang natanong.
"Hindi. Bakit?"
Kung gano'n, hindi siya si Riko. Bigla niyang naalala ang Haponesa dating dumalaw sa supermarket. Tama! Baka iyon ang ex-girlfriend na nabuntis! Shit! Ang ganda rin no'n. Kahit sino sa kanila wala akong panama. Nakakainis!
"Gusto mong silipin?"
"Para ano pa?"
"Oy, kunwari pa! Alam ko curious ka rin diyan," nakangising panunudyo ni Lota na sinagot niya lang ng irap.
Yayayain niya sana ito sa staff lounge dahil halos mag-break time na rin naman nila, pero hindi na niya nagawa dahil dumating si Ren. Kabuntot nito ang nasabing babae. Nakapangunyapit sa braso ng kanyang asawa ang huli. Tila bagang gustong isigaw sa buong mundo na pag-aari niya si Ren.
Kukubli sana siya sa likuran ni Lota pero nakita na siya ng lalaki. Mukha itong nagulat. Napatingin tuloy sa kanya ang kasama nito. Nagtama ang paningin nila ng babae. At nanliit siya nang mapansing mas maganda ito sa personal kaysa doon sa video.
"You didn't say that you're coming," pormal na sabi ni Ren sa kanya.
"Wala naman kasi akong plano kanina. Kaso nga lang nagyaya si Lota na manood ng sine mamaya kaya naisipan kong dumaan na."
Napamulagat ang kaibigan niya sa narinig at mukhang pasisinungalingan sana ang sinabi niya kung kaya pasimple niyang tinapakan ang paa nito.
"Aray! Ano ba?" anas nito sa kanya. Bahagya niya itong siniko para patahimikin bago sumulyap ulit sa babae na ngayo'y parang naiintriga na sa kanilang dalawa. Napansin nga niyang palipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Lota.
"By the way, this is my good friend Mika. Mika, this is YZ and her best friend, Lota."
Pagkabanggit na pagkabanggit ni Ren ng pangalan niya, kaagad na umasim ang mukha ng babae na kaagad lang nitong pinigilan. Ngumiti ito sa kanila nang mapakla at hinila na si Ren palayo. Bago nagpahila ang huli, sumulyap muna ito sa kanya na para bang nag-aalala. O imahinasyon lang ba niya iyon?
BINABASA MO ANG
My Supah Love (COMPLETED)
ChickLitHindi naniniwala ang mga magulang ni YZ na may pakinabang siya sa pamilya kung kaya hindi na siya pinag-aral ng mga ito. Ang dahilan? Sa hitsura't tindig palang daw niya hindi naman siya makakakita ng disenteng trabaho. Sayang lang daw ang pang-matr...