CHAPTER SIX

27.7K 808 55
                                    

Hindi naikaila ni YZ ang pinproblema sa kaibigan niyang si Lota. Panay na lang kasi ang buntong-hininga niya sa trabaho.

"Hala! E, paano na iyan? In less than three months ay ikakasal na ang ate mo. Kung sasabay kayo sa kanila, dapat ay inaasikaso n'yo na ang mga kakailanganing lisensiya at kung anu-ano pa. Dahil twenty ka pa lang kakailanganin mo pa ang parents' consent."

"Wala ngang kasal na magaganap. Ano ka ba?" singhal niya sa kaibigan.

"Oo nga pala, no," at napahagikhik ito.

"Ang pinoproblema ko ay hindi iyong kasal kundi ang magiging reaksiyon ng mga magulang ko kapag nalaman nilang niloko lang namin sila."

Paika-ika silang dalawa habang pinagtutulungang dalhin ang isang malaking karton ng mga gatas sa isle ng mga baby formula nang bigla na lang may umagaw no'n sa kanilang kamay. Si Ren! Walang sali-salita na binuhat nito nang walang ka-effort-effort ang nasabing kahon. Napahawak si YZ sa dibdib sa kabiglaanan. Sisigawan niya sana ang damuho, pero pinigilan siya ni Lota. Nakangiti ang huli habang nakamasid sa papalayong likuran ng pinag-uusapan nila kanina.

"Mukhang concern din sa iyo ang groom mo," panunudyo pa nito.

"Heh! Tigilan mo nga ako riyan."

Pagdating nila sa isle kung saan dapat i-display ang mga gatas, wala na ro'n si Ren. Nakalagay lang ang kahon sa sahig.

"Kita mo na? Hindi pa nilubus-lubos ang pagtulong," himutok ng dalaga.

"Pasalamat na lang tayo at tumulong pa sa atin. Hindi naman siya ganoon."

"Wala ka bang napapansin sa kanya?"

"Marami," kaswal na sagot ni Lota at sinimulan na ang pagdi-display. Natigil sa ginagawa si YZ at tumingin dito. Naghintay ng karugtong sa sinabi ng kaibigan.

"Gaya ng?" untag niya nang hindi na nito dinugtungan ang sinabi.

"Well, una sa lahat, ang guwapo-guwapo niya," at kilig na kilig na napabungisngis si Lota na sinagot naman ni YZ ng pagtirik ng mga mata. "Aminin! Ang guwapo niya, di ba?"

"Oo na! Ano nga ang mga napansin mo maliban sa obvious? Nakakainis ka minsan!"

"Ang kinis-kinis ng kutis niya! At ang ganda pa ng mga mata!"

Nabuwisit na si YZ. Bumalik siya sa pagtatrabaho nang hindi na umiimik.

"Ano bang klaseng sagot ang gusto mo?" tanong ni Lota. Napansin siguro ang pag-init ng ulo niya. Pero kinikilig pa rin ito. Nang hindi niya sagutin, nagpatuloy ito. "Kaya nga minsan, parang ayaw kong maniwala na mahirap siya, e. Kasi kahit saang anggulo mo tingnan, mukhang mayaman. Ang bango pa palagi."

Natigil uli sa ginagawa si YZ at napatingin sa kaibigan. Naging interesado na siya rito.

"Para mo na ring sinabi na wala nang karapatang maging guwapo't maganda ang mga mahihirap. Marami kaya riyan na aakalain mong anak ng milyonaryo, pero taga-squatters lang pala. Tsaka marami ring mayaman na akala mo tsimay."

Tumawa nang malakas si Lota. May naalala raw siya sa sinabi niya. Kapwa sila napangiti. May kilala silang VIP na gano'n nga.

"Pero iba kasi itong pinapakita ni Ren minsan," patuloy pa ni Lota. "May kakaiba sa kanya. Narinig ko siyang umingles minsan. Ang galing! Tsaka ito pa," at hinila palapit si YZ. "Nakita ko siyang nagda-drive ng magarang kotse!"

"Sa kaibigan daw niya iyon. Pero parang ayaw ko ring maniwala. Hindi kaya mayaman siya talaga at nagbabalatkayo lang na mahirap dahil may iniiwasan sa circle nila?" sang-ayon naman ng dalaga.

My Supah Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon