CHAPTER SEVEN

27.1K 866 57
                                    

Ayaw pa sanang magising ni YZ, pero nagwawala na ang alarm clock niya. Ibig sabihin, alas singko y medya na. Kailangan na niyang bumangon. Uminat-inat siya. At bigla na lang napamulagat ang dalaga nang may makapang matigas na bigla na lang umigkas. Pagbaling niya sa kanyang tagiliran, nakangising mukha ni Ren ang nabungaran niya.

"Good morning," bati pa nito.

Napasigaw siya agad. At bigla siyang napabangon nang ma-realize kung ano ang nahawakan niya. Kaagad niyang binawi ang kamay na parang napaso. Sinipa niya pa ang lalaki.

"Manyak ka! Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Ikaw nga itong bigla na lang nanghipo tapos ako pa ang pagbibintangan mong manyak? Ibang klase ka nga rin naman, ano?" at tumawa pa ito sabay inat-inat. No'n napansin ng dalaga na naka-brief lang ang damuho. At ang kargada n'ya'y bumakat na sa puti niyang boxer briefs. Lalo itong naghumindig. Tumalikod siya agad at minanduan itong lumayas na sa kuwarto niya.

"Bakit dito ka natulog sa kuwarto kong damuho ka?!" tungayaw niya rito.

Bago nakasagot si Ren, may kumatok nang sunud-sunod. Nang hindi siya nagbukas, may pumihit ng seradura. Umingit ang pinto pero hindi ito nagbukas dahil naka-lock. Galit niyang tinakbo ito at nagulat siya nang makita ang nag-aalalang mukha ng ina.

"Mommy, kayo pala." Malumanay na ang boses niya.

"Anong nangyari sa inyo? May narinig akong sigaw. Nag-away ba kayo ng nobyo mo?" at sumilip pa ito sa likuran niya. Parang may hinahanap.

Napalunok ang dalaga. Mabilis siyang nag-isip ng ira-rason.

"S-Si R-Ren po kasi, e. Bigla na lang niyang sinundot ang tagiliran ko. Alam naman niyang may kiliti ako diyan. Loko-loko kasi!"

"Hi, Mom," masaya namang bati ng damuho mula sa likuran ni YZ. Awtomatikong napakuyom ng mga palad ang dalaga. Tinago niya ang mga ito sa likuran. Gusto yatang iiskandaluhin ng mokong ang mommy ko! Pero nang lumingon siya, nakasuot na ng pantalon at t-shirt ang lalaki. Nakahinga siya nang maluwag.

Biglang ngumiti ang mommy niya nang makita si Ren. Magiliw niya itong binati at sinabihang handa na ang almusal kung gusto raw nitong kumain.

"Alam ko namang maaga ang alis mo ngayon, iho, kaya inagahan ko na rin ang pagluluto."

Napamulagat si YZ. Ni minsan ay hindi siya pinagluto ng ina sa umaga, kaya bata pa lang ay natuto na siyang maging independent. Pero ngayon, nagising ito nang maaga para sa peke niyang nobyo? Patay talaga ako nito kapag nalaman niyang mas pobre pa sa amin ang lalaking ito.

"Thanks a lot, Mom," at sumunod na nga ito sa mommy niya. Pero bago tuluyang lumayo, nilingon siya nito at ngumiti. Pinandilatan niya ito.

**********

"Dalian mo nga diyan. Alam mong hinihintay ka na ng nobyo mo, a! Kung bakit hindi ka pa sumabay sa kanyang mag-almusal kanina," apura sa kanya ng ina.

"Bayaan mo iyon. Sinabihan ko na siyang mauna."

Bumulung-bulong ang mommy niya't lumabas ng bahay. Mayamaya'y bumalik ito at nagsabing nandoon pa rin ang Lexus ni Ren at hindi pa rin nakaalis.

"Iwan mo na nga'ng kapeng iyan. Do'n ka na lang magkape sa trabaho mo. Hala, magsepilyo ka na do'n at nang makaalis na kayo. Nakakahiya sa nobyo mo. Mamaya niyan magbago pa ang isip niya sa yo!"

Napatirik siya ng mga mata. Pero wala ring nagawa nang agawin ng ina ang mug niya at iligpit na nga ito. Nagdabog siya papunta sa kuwarto. Makaraan ang ilang sandali, kinatok siya nito. Nang hindi niya pagbuksan, sumigaw ito na umaandar na raw ang kotse at hindi pa siya tapos sa pagbibihis. Hindi ito pinansin ni YZ. Lalo pa nga niyang binagalan ang pagkilos. Paglabas niya half an hour later, binatukan na siya nito.

My Supah Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon