Gulat na gulat si YZ nang masilayan ang nilalaman ng sobre. Ang daming papeles at lahat ay katibayan kung paano sila pinagnakawan ng papa ni Alfred. Naglaro sa kanyang alaala ang ginawa ng mga magulang nito nang minsang dumalaw uli ang mga ito sa kanila para pag-usapan ang pinal na plano tungkol sa kasal ng anak at ng kanyang Ate Claire. Naglalakad siya no'n papunta na sa bahay nila nang bigla na lang dumating ang Chedeng at pinakain siya ng alikabok. Galing pala kay Lola ang pinambili ng hambog na iyon! Napakuyom na naman ang mga palad ng dalaga. Parang gusto niyang ingudngud sa inidoro ang mukha ng mama ni Alfred na grabe kung makapanlait sa kanya. Magbabayad kayo!
Habang abala sa pag-iisip ng kung paano makapaghigante sa mag-asawang iyon, naalala niya si Alfred. Ni minsan ay hindi ito naging arogante o bastos sa kanya. Katunayan, tumawag pa ito pagkatapos ng pamamanhikan at hiningi ng paumanhin ang inasal ng ina. Naalala rin niyang kada dalaw nito noon sa Ate Claire niya, lagi na lang itong may dalang pasalubong para sa kanya. Buti pa nga ito't maalalahanin. Hindi kagaya ni Conrad, ang naging asawa naman ng Ate Caroline niya. Aaahh! Naguguluhan siya.
"Balak kong hindi muna magpakilala sa kanila habang hindi pa tayo kasal," sabi ni Ren na ikinagulat na naman niya. Ano'ng kasal? Wala ng kasal na magaganap! Iyon nga ang sinabi niya sa binata.
"We must get married. Ngayong napasubo na tayo, totohanin na natin 'to. I realized na mas marami akong magagawa para kay Lola, sa taong nag-aruga sa amin ni Mama nang kami'y walang-wala, kung kasal na tayo. Siyempre, as your husband may karapatan na akong panghimasukan ang nangyari sa kompanya ninyo."
Tiningnan ito ni YZ nang may pagdududa. Talaga lang, ha? Hindi kaya isa rin ang unggoy na ito sa kumamkam ng salapi ng pamilya ko?
"What are you thinking again?" nakangising tanong ni Ren. Tila nahulaan na naman ang iniisip niya. Nang hindi siya sumagot, tumawa ito nang mahina at napailing-iling.
"Ba't naman ako maniniwala sa iyo? In the first place, hindi kita kilala. Pangalawa, ikaw lang ang nagsasabi na nalugi na ang negosyo ni Lola. Maniniwala lamang ako kung nakausap ko na ang abogado niya."
"All right. Tatawagan ko ngayon din si Attorney Ferrer," at pinindot-pindot nito ang cell phone.
"Teka," pigil niya rito. "Baka naman tauhan mo lang iyan na magpapanggap na abogado kuno ni Lola. Malay ko ba naman."
Napatirik ang mga mata ni Ren at tinigil ang pagtawag.
"Sa tingin ko, pwede namang hindi tayo ikasal. Ipakilala mo na lang sa akin ang abogado ng pamilya. Ako na ang haharap sa problema ni Lola. Kailangan ko lang ng abogadong aagapay sa akin."
Nagtaas ng kilay si Ren.
"May alam ka ba sa pagpapatakbo ng business? O di kaya sa pasikot-sikot sa batas? Hindi ba't ang tanging karanasan mo lang ay ang pagiging shelf stocker sa supermarket ko?"
Nagpanting ang tainga ni YZ sa huli nitong sinabi.
"Huwag mo akong insultuhin! Wala man akong sapat na karanasan sa negosyo, madali naman akong matuto! Tsaka malay ko nga kung isa ka rin pala sa nanloloko sa lola ko?" asik niya rito.
Napabuntong-hininga si Ren at nagsabi ng, "Fine!" Tumayo na ito pagkatapos at lumabas ng cabin. Hinabol ito ng dalaga. Tumigil ito sa pintuan at tinitigan ang huli.
"Ihatid mo ako sa amin. Wala na akong masakyang dyip ngayon dahil halos hatinggabi na."
"Magpapahatid ka rin pala. Kung makapagsalita ka kanina, ang yabang-yabang mo."
BINABASA MO ANG
My Supah Love (COMPLETED)
ChickLitHindi naniniwala ang mga magulang ni YZ na may pakinabang siya sa pamilya kung kaya hindi na siya pinag-aral ng mga ito. Ang dahilan? Sa hitsura't tindig palang daw niya hindi naman siya makakakita ng disenteng trabaho. Sayang lang daw ang pang-matr...