Chapter Two

4.2K 41 5
                                    

Chapter Two

Kinagabihan ay muling bumalik sina Regiena sa kaulapan. Nagpahinga siya sa kanyang tahanan na gawa sa walang bahid dungis na mga ulap hanggang sa dinalaw siya ng antok habang nakadukdok sa unang sa ulap din ang yari. Masyado siyang napagod sa unang araw ng kanyang pagsasanay bilang anghel dela guardia. Isang hindi inaasahang panaginip ang dumalaw sa kanyang pagtulog.

"Bakit ba nila tayo pinagbabawalang umibig?" lumapit si Regiena sa likod ni Jelor. Makahulugan niyang hinaplos ang mga balikat nito. "Mahal kita." Bulong niya rito. Matagal na silang umiibig sa isa't-isa ngunit saksi ang langit sa bawal na pag-iibigan. Hindi nila iyon mailabas. Sinisikil nila ang kanilang mga damdamin. Mga lihim na pagtatagpo. Nakaw na halik at mga patagong pagkikita. Ang mga iyon lang ang kaya nilang ibigay sa isa't-isa. Limitado. Bantay-sarado. Delikado.

Humarap ito sa kanya saka hinaplos ang kanyang pisngi. Hindi matibag ang mga titig nito na nag-uumapaw sa pag-ibig. "Mahal na mahal din kita Regiena. Hayaan mo't alam kong darating din ang panahon kung kalian maipapahayag na natin ang pag-ibig natin para sa isa't-isa na walang hahadlang at walang mga limitasyon. Hindi lihim kundi pinagsisigawan. Pangako yan."

Sa kanilang sitwasyon ang pangakong iyon ay napakahalaga para sa kanya. Panghahawakan niya iyon kasama ang pag-ibig ng makisig na anghel. Kinuha nito ang kanyang kanang kamay saka sila nagtatakbo sa ilalim ng mga ulap. Nakabaligtad silang naglalakad sa karaniwan. Doon sila dumaan upang walang makakita sa kanila sa ibabaw ng ulap. Nakalahad din ang kanilang mga pakpak upang hindi sila mawalan ng balanse.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong ni Regiena.

"May surpresa ako para sa iyo." Tugon ni Jelor.

"Ano ang iyong surpresa?" bigla siyang nakaramdam ng pananabik. Hindi pa man din basta-basta ang mga pakulo ng kanyang kasintahan pagdating sa mga surpresa nito para sa kanya.

"Kapag sinabi ko sayo'y hindi na ito surpresa." Sambit nito.

Bumilis pa ang kanilang paglakad hanggang sa bitawan nito ang kanyang kamay. Naiwan siyang nakatayo ng baligtad. Kumuha si Jelor ng malaking tumpok ng ulap sa bahaging maitim kung saan posibleng may tubig saka lumipad sa himpapawid kung saan nakatakip ang ulap na kinaroroonan niya. Doon ito lumipad at gumawa ng korteng puso gamit ang tumpok ng ulap na kinuha nito. Napangiti siya. Diretso sa kanyang puso ang ginawa nito. Halos lumabas na iyon sa kanyang dibdib at saka tumalon pababa.

Alam nilang posibleng may makakita sa ginawa nito kaya naman binuka ng lalaki ang mga pakpak saka buong lakas na kinampay ang mga 'yon. Unti-unting nagbagong anyo ang ulap dahil sa hangin na nagmumula sa mga pakpak ni Jelor. Naging itong tubig at dahil nakaharap ito sa kanya habang ginagawa iyon ay sa kanya tumatalsik ang tubig. Hanggang sa tuluyan na siyang maligo sa dapat sanay ulan na ibabagsak sa lupa. Ang mga katulad ni Jelor na may mataas ng ranggo bilang tagapagsanay ng mga anghel dela guardia ay may kakayahang kontrolin ang mga ulap. Kung tutuusin ay tirahin iyon ng mga anghel. Malambot ngunit maaring maging katumbas ng semento at mga bakal sa lupa kung ang gamit ay kanilang tahanan. Kung ang ulap ay makapal at maitim ay pihong may lamang tubig iyon na handang maging ulan para sa mga tao. Kung ito ay makapal ngunit labis ang kaputian, lingid sa kaalaman ng mortal ay para itong bulak sa lambot at walang tubig sa loob. Kapag ganoon ang ulap ay kadalsang ginagawang pahingahan at parke ng mga anghel ang ulap.

Saglit siyang nilamig dahil sa nahihipan din siya ng hangin. Ilang sandali pa'y nakadama na siya ng init. Nakalipad na patungo sa kanya ang lalaking anghel. Nakayakap ito sa kanya hindi lang ang mga kamay nito ang nakapalibot sa kanya maging ang mga pakpak nito. Kung titingnan sila sa malayuan ay para silang cocoon ng paru-paro sa ilalim ng ulap na ang nasa loob ay dalawang anghel na nagmamahalan.

AN ANGELIC REVENGETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon