CHAPTER SIXTEEN

51.2K 1.7K 124
                                    


Nang makita nila Marius at Markus ang sasakyan ng presidente ng St. John's na palabas sa bakuran nila, natiyak kaagad nilang magkapatid na nagsumbong ito sa kanilang mga magulang tungkol sa nangyari noong isang araw. Tama nga ang kutob nila dahil magkasalubong na ang kilay ng kanilang ama pagpasok pa lang nila sa bahay. Ang kanilang ina naman ay mukhang nababahala. Tinatapik-tapik nito ang braso ng papa nila na para bagang pinipigilan itong magalit. Sina Matias, Morris at Moses naman ay nakayuko sa isang tabi. Parang basang sisiw.

"Magdi-dinner na tayo. Puwedeng mamaya mo na lang pagsabihan ang mga bata?" narinig nilang pagsusumamo ng kanilang ina.

Hindi kumibo ang kanilang ama. Sa halip nauna na itong pumasok sa kumedor. Nang wala na ito sa living room, saka lang sila lumitaw ni Markus. Nang makita sila ng ina, kaagad itong nang-usisa bago pa man sila makahalik sa pisngi nito.

"Totoo bang kayong dalawa pa ang nag-utos sa mga nakababata n'yong kapatid na mag-download ng porn movies at ipakita sa buong estudyante ng St. John's?"

"Ha? Iyan ba ang sinabi ni Mr. Facundo? And who was his source? Iyong tabatsoy na Italyano?" naiinis na sagot ni Marius.

Napahalukipkip ang kanilang ina at tumalim ang ekspresyon sa mukha nito.

"That's not true, Ma," malumanay namang sagot ni Markus sabay akbay sa mama nila. "Mr. Facundo's exaggerating. He's just telling you one side of the story. You know us. Why would we do that for no reason at all?"

"That's what I've been telling your father." Lumambot na ang ekspresyon sa mukha ng mama nila. Napabuntong-hininga ito at sinabihan na silang lima na mauna na sa kumedor dahil baka lalong uminit ang ulo ng ama kapag pinaghintay pa nila. May tinawagan ito sa intercom at mayamaya'y tumatakbo nang pababa ng hagdanan si Shelby. Pagkakita sa kanilang dalawa ni Markus ay naglambitin ito. Hinawakan niya ito sa magkabilang kili-kili at binuhat na.

Pagpasok nilang apat sa dining hall, nakaupo na sa kani-kanilang puwesto sina Matias, Moses, at Morris. Halos hindi humihinga ang mga ito. Ang kanilang ama nama'y nakatukod ang siko sa mesa at nakadaop ang mga palad. Namumula pa rin ang pisngi nito sa galit.

"Hi, Daddy!" masiglang bati ni Shelby. Binaba agad ito ni Marius at dumeretso na siya sa kanyang upuan. Siya ang sa pinakadulo, kaharap ng kanilang ama. Katabi niya si Markus at Matias. Ang mama naman nila ang nasa kanan ng ama at sa kaliwa'y ang kapatid nilang babae. Magkaharap sa gitna sina Moses at Morris.

Masiglang nag-lead ng prayer si Shelby. Parang wala pa itong kamuwang-muwang sa nangyayari sa paligid niya. Pagkatapos magdasal, nagkuwento na ito tungkol sa buong araw niya sa school. "Oh, really?" at "Uh-huh." lang ang tanging sagot dito ng ama. Nabatid ni Marius na kanina pa atat ang amang sitahin silang dalawa ng kakambal. Mukhang nagpipigil lang. Pero makaraan ang ilang sandali'y dumagundong na ang boses nito. Nagulat silang lahat. Napapiksi sina Moses at Morris samantalang kalmado lang silang tatlo nina Matias at Markus. Ganunpaman, nandoon ang takot. Si Shelby nama'y napamaang. Kaagad na napatingin ito sa kada isa sa kanila na parang nagtataka. Ang mama naman nila'y humagud-hagod sa braso ng ama at pinapatigil ito.

"I said, since you two are the eldest, explain what you did in school the other day."

Napatingin sa kanya si Markus. Parang sinasabi nito na siya na ang sumagot. Nagbilang muna siya hanggang sampo para pakalmahin ang sarili bago sumagot sa malumanay na tinig.

"If we tell you the truth, will you believe us?"

"Ano'ng klaseng sagot iyan?" Lalong tumaas ang boses ng papa nila. Nahagip niya ang makahulugang tingin ng ina na ibig sabihin ay tumahimik na lamang siya at ito na ang bahala. Kinagat na lang niya ang labi. Hindi na nga siya umimik pa.

PEKS MAN, CROSS MY HEART! (MARIUS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon