CHAPTER SEVENTEEN

50.9K 1.7K 141
                                    

Alam ni Vina na nakita ni Marius ang panunulak sa kanya ni Marie nang dumaan siya sa grupo nito sa corridor, pero hindi na ito nakialam kagaya ng dati. Lalapit sana si Markus para tulungan siya, pero pinigilan ito ni Marius.

"O ano? Natameme ka? Ngayong nauntog na't natauhan si Marius, sino na ang pinagmamalaki mo?" sunud-sunod na tanong ni Marie. Nakapamaywang pa ito sa harapan niya.

"I'm busy. I don't have time to entertain your attention-seeking behavior," sagot niya rito sa mahina ngunit matigas na boses. Lalampasan na sana niya ito, pero dinaklot nito ang braso niya.

"Kahit ang poor-poor mo na arogante ka pa rin!"

"Look Marie, I came here to study. Kaya pwede ba paraanin mo na ako?"

"She came here to study daw, o!" panggagagad ni Marie.

Tumawa ang mga barkada nito. Nakitawa na rin ang mga miron na nakatambay sa corridor. Kumulo naman ang dugo ni Vina, pero nagpigil siya. Tinabig niya ang kamay ni Marie na nakahawak sa braso niya at tinalikuran niya ito kaya gano'n na lamang ang galit nito't hinablot ang buhok niya. Napabalik siya sa harapan nito.

"Marie, ano ba?!"

Hinigpitan ni Marie ang pagkakahawak sa buhok niya. Naramdaman ni Vina ang matinding tensyon sa kanyang leeg. Iyong feeling na mapipigtas ang ulo niya. Tinaas niya ang kamay at piniga ang pulsong may hawak sa buhok niya. Nabitawan siya bigla ni Marie at napadaing ito sa sakit. Sinugod siya ng kalmot ng mga alipores nito. Buti na lang naipanangga niya ang dala-dalang shoulder bag. Hinampas niya ang mga ito at nang makakita ng pagkakataong makatakas ay mabilis siyang tumakbo palayo. Narinig niyang nagsisigaw ng, "Bitch!" ang mga kabarkada nito. Nagbanta pa ang huli na malilintikan na raw siya sa susunod nilang pagtatagpo.

Pagdating sa classroom, nandoon na halos lahat ng mga kaklase niya at nagro-roll call na ang teacher. Timing ang dating niya sa pagtawag nito ng pangalan niya. Gano'n pa man, hindi nito nagustuhan na halos late na siyang pumasok.

"Ms. McPhail, how many times do I have to tell you not to be late in my class?"

"I made it to your roll call, ma'am."

Binaba nito ang salamin at tinitigan siya nang matiim. Napayuko siya.

"Class, what did we say about punctuality? Is it coming to my class just in time for your name to be called?"

"No, ma'am," sabay-sabay na sagot ng klase.

"Then could you refresh Ms. McPhail's memory about what we agreed on?"

Para namang robot na sabay-sabay na nagsabi ang klase na dapat siyang dumating bago mag-ring ang bell kung ayaw niyang markahan ng late. Napayuko siya uli at humingi na ng dispensa. Saka lang siya pinaupo ng guro. Nag-init ang kanyang pisngi. Hiyang-hiya.

Nang mapatingin siya sa gawi ng kambal, nakatingin pa rin si Markus sa kanya. Parang nagtatanong ang mga mata. Si Marius nama'y nakatitig na sa harapan. Mayamaya pa, nag-vibrate ang phone niya. Nang silipin niya ito, nakita niyang may text siya galing kay Markus. Nagtatanong ito kung okay lang siya. Hindi na niya sinagot ito. Tumingin na lang siya rito at tumango.

Pagkatapos ng klase, sinadya niyang magpaiwan dahil hindi pa lumalabas si Marius. Nagkunwari siyang nagliligpit pa ng gamit. Nang dumaan ito sa harapan niya, napaangat siya ng mukha. Gusto sana niyang tumingin man lang ito sa kanya kahit saglit lang, pero dere-deretso itong lumabas ng classroom. Si Markus lang ang tumigil sa harapan niya.

"Is everything all right?" tanong nito.

"Y-yeah," pagsisinungaling niya.

"Markus, let's go!" naiinis na sabi ni Marius sa likod ng pintuan.

PEKS MAN, CROSS MY HEART! (MARIUS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon