-Reina-
"ROSALIE!" Humihingal na bumalikwas ako sa aking kinahihigaan. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Daig ko pa yata ang tumakbo ng ilang kilometro. Sapo ko ang aking dibdib habang sinusubukan kong huminga nang maayos.
Nanaginip na naman ako. Napanaginipan ko na naman siya. Ang babaeng iyon— ang babaeng dumadalaw sa panaginip ko mula noong bata pa ako. Pero this time... hindi na iyong lalaki ang humahabol sa kanya kundi ako. Hinahabol ko siya at hindi ko alam kung bakit. Hindi pa rin malinaw sa akin ang mukha niya dahil nakatalikod pa rin siya. Bakit ganito ang panaginip ko? Bakit hindi na tulad ng dati?
Pumikit ako nang mariin. Pilit kong inaalis ang imaheng iyon sa isip ko. Pero kahit nakapikit ako, nakikita ko pa rin ang sarili ko na tumatakbo...
Pero sa pagkakataon na ito ay hindi ang babaeng iyon ang hinahabol ko. Isang lalaking nakatalikod sa akin... at alam ko, likod pa lang kung sino iyon— si Laurence.
Awtomatiko na bumagsak na naman ang mga luha ko. Lagi na lang! Hindi ba puwedeng hindi na ako umiyak? Hindi ba puwedeng tumigil na lamang itong mga mata na ito?
Sinubukan kong pakalmahin ang aking sarili. Sinubukan kong ayusin ang magulo kong sistema. Pero kahit ano'ng gawin ko, walang nangyayari.
Ang bigat-bigat na ng dibdib ko. Parang may malaking bato na nakadagan dito. Sobrang bigat na hindi ko na alam kung kaya ko pang dalhin. Ang tagal na nitong nananahan sa akin.
Gusto ko nang ilabas ang lahat ng ito pero wala akong mapagsabihan. Kahit na ang best friend ko ay tinalikuran na rin ako. Hindi ko alam kung nasaan si Valerie. Iniwan na rin niya ako. Isa rin siya sa nangakong hindi ako iiwan pero maging siya ay umalis. Oo, mali ako pero gulong gulo pa rin ang isip ko. Hindi ko na maintindihan! Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong gawin.
Si Rondell lang ang tanging nakaka-usap ko pero ayoko siyang makita sa ngayon. Ayoko pa siyang makausap. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang posibilidad na may alam siya pero hindi niya sinasabi sa akin. Pinaglilihiman niya ako. Nagsisinungaling siya. Ang ayoko ay iyong mga sinungaling dahil pagod na ako. Pagod na akong mabuhay sa kasinungalingan.
"Anak... Halika na sa baba. Dinner na saka may bisita ka." Narinig ko ang boses ni Mommy mula sa kabilang panig ng pinto.
Sinubukan kong punasan ang mga mata kong hilam na sa luha. Hindi ako dapat ganito. Hindi ako dapat maging mahina. Kung ayaw ni Laurence na magpakita sa akin, p'wes, ako na mismo ang maghahanap sa kanya. Tama na iyong mga iniluha ko noong nagdaan. Walang mangyayari kung magmumukmok na lamang ako.
Posibleng may alam si Rondell. No! May alam talaga siya at hindi niya sinasabi sa akin. Malaki rin ang posibilidad na may alam ang iba pang miyembro ng Royal Astra. Kung nandito lang si Charles ay siguradong mapapa-amin ko siya kaso nga lang ay wala siya. Wala rin si Rodge... si Earl na lang ang natitira kong pag-asa. Pero nanatiling tikom ang kanyang bibig.
Siguradong may alam siya. Hindi na niya ako puwedeng linlangin. Pagod na ako sa mga palusot nila. Kaibigan siya ni Laurence, bukod doon ay magpinsan pa sila. Isa siyang Madrigal. Napaka-imposible na wala siyang alam kung saan man tinangay ng mangkukulam na iyon si Rence— kung saan man ito dinala ng lola nila. That evil witch! Oo, lola iyon ni Laurence but I could see no reason para tangayin niya ito sa mismong araw ng kasal namin. She's evil. I would never like her. She made my life miserable. I'll chase Rence even if I have to go to the very end of Earth. Kahit pa sa kailaliman ay hahanapin ko siya.
"Reina..."
"Sige, Ma. Susunod na ako sa baba." Bumangon na ako mula sa kama. Naligo rin ako bago bumaba. Umuwi ako na mukhang bruha, ayokong humarap kay Lolo na ganoon na naman ang hitsura.
BINABASA MO ANG
My Miss Blue Rose (Royal Astra #01 and #1.5)
Teen Fiction"Blue rose embodies the desire for the unattainable." Reina grew up with a simple life. Simple lang din naman ang hiling niya, ang magkaroon ng permanenteng tirahan ngunit higit pa pala roon ang makukuha niya. First, she met Laurence, ang taong k...