1: Dream to Reality

418 73 156
                                    


"Sa wakas! Bakasyon na!" masigla at sabik na sambit niya.

Hindi lang para sa kanya ang pinakamasayang panahong iyon kundi para na rin sa karamihan ng mga estudyante dahil pahinga muna sa pag-aaral. Tapos na rin siya sa highschool kaya naman bago sumabak sa college life ay makakapag-relax muna siya. Excited na rin siya habang nag-i impake ng mga gamit matapos sabihin ng kanyang Mama na uuwi sila sa Bicol para dalawin ang kanyang Lola at makasama ang mga kamag-anak nila. Parang magiging grand reunion ito pagkatapos ng mahabang panahon na hindi pagkikita.

Matagal na rin silang hindi nakakabalik sa lugar na iyon. Sa pagkakantanda niya, bata pa siya nang huli siyang dalhin ng kanyang mga magulang doon. Nasa anim na taong gulang pa lang yata siya noon nang umalis sila roon at manirahan sa Cavite. Doon na kasi nagkaroon ng hanap-buhay ang kanyang mga magulang at nagkaroon ng sariling bahay. Ngayon ay labing-anim na taon na siya kaya halos sampung taon na rin mula nang huli siyang makapunta roon.

Halos hindi na niya matandaan ang itsura ng lugar na iyon. Ang tanging natatandaan lamang niya ay ang sapa malapit sa bahay ng kanyang mga tiyahin. Dati ay naliligo sila doon at nanghuhuli ng hipon at alimango kasama ang kanyang mga pinsan. Doon din naglalaba ang kanyang mga tiyahin. Tandang-tanda pa niya ang malinaw at malamig na tubig nito.

Sa wakas, natapos na niyang ilagay lahat ng kaniyang gamit, pati na rin 'yong mga gamit ni Marikit. Si Marikit ay kanyang nakababatang kapatid. Pangalawa sa limang magkakapatid. Tatlong taon lamang ang pagitan nilang dalawa at siya ang panganay. Silang dalawa lamang ni Marikit ang sasama sa Bicol para magbakasyon. Ang tatlo pa niyang kapatid na babae ay maiiwan sa kanilang Lola na ina ng kanyang Papa.

Tulad ng nakaugalian niya bago matulog, tumingala muna siya sa langit. Tinitigan niya ang paboritong bituin na pinangalanan niyang Venus. Ito ang pinakamalaking star na nakikita malapit sa buwan. Sabi ng iba, planeta daw 'yon na malapit sa Earth at bihira lang 'yon magpakita. Kapag nagpapakita na ito, kinakausap niya iyon. Natatawa na lamang siya kapag iniisip na tila nababaliw na siya. Ngunit ito na talaga ang tinuturing niyang bestfriend bukod kay Lord. Si Lord ang number one bestfriend niya at hindi rin puwedeng hindi niya kakausapin si Lord bago siya matulog at pagkagising sa umaga. Ito ang isa sa mabuting itinuro ng kanyang lola at nadala na niya hanggang sa pagtanda.

"Ano kayang adventure ang naghihintay sa akin doon?" sambit niya. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa ilalim ng babâ habang nakatitig pa rin sa mga bituin. Iniisip pa lamang niya kung anong mangyayari sa bakasyon ay nakakaramdam na siya ng hindi maipaliwanag na labis na pagkasabik.

"Sana doon ko na makita ang lalaking magtatagal sa buhay ko... ang aking FOREVER."

Natawa siya sa kanyang sarili. Masyado siyang naging hopeless romantic mula nang matutunan niya ang salitang pag-ibig. Umaasa siyang magkakaroon din siya ng masayang lovelife kapag nagdalaga na siya pero naka-graduate siya ng highschool na hindi man lang naranasan ang magkaroon ng nobyo. Hanggang crush lang talaga siya at ni hindi sumagi sa isip niya ang magnobyo. Para sa kanya, kapag nagkaroon siya nito ay iyon na ang lalaking mamahalin niya habang buhay.

"Hay naku, Venus. Nangarap na naman ako kahit alam kong imposible iyon. Para talaga akong baliw na kinakausap ka, ano? Sino kayang tao na mahilig din tumingin sa'yo at nakikipag-usap din na gaya ko?" Nakahalumbaba pa rin siya habang titig na titig pa rin sa makislap na mga bituin. Bukod kay Venus, humahanga siya sa ganda ng kalangitan sa gabi lalo na kapag sadyang maliwanag ang buwan at napakaraming bituin.

"May lalaki kayang mahilig ring mag-star gazing?" wala sa sariling naibulong niya. Maya-maya pa'y bigla na lamang siyang napangiti nang sobrang tamis. May kakaibang ideya na pumasok sa kanyang isip.

"Posible kaya na may isang lalaking nakatingin rin sa'yo ngayon at kinakausap ka?" tanong pa niya. "Bulong mo naman sa akin oh para makilala ko rin siya."

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon