Chapter 9: More Closer

275 50 63
                                    

Chapter 9:
More Closer

October 2004

Pagkatapos maglaro ng basketball ni Renz kasama ang mga kaibigan ay nagkayayaan silang manood ng Slamdunk sa bahay ng kanilang pinsan na malapit rin sa basketball court. Paborito niya ang palabas na iyon tuwing hapon.

Habang abala sa panonood ay naramdaman niya ang pagkalabit sa kanya. Nang lingunin niya ito ay ang kaibigan niyang si Gab ang kanyang nakita.

"Hinahanap ka ni Huimy," bulong nito. Hindi niya pinansin ang sinabi nito dahil madalas na pinagti-tripan siya nito patungkol kay Huimy. Alam kasi ng mga ito na malapit sila sa isa't isa. Inisip rin niyang imposibleng makarating si Huimy doon. Pinagpatuloy na lamang niya ang panonood.

Naramdaman niyang umalis ito sa kanyang tabi nang hindi niya pansinin.

Makalipas lang ang ilang minuto, may kumalabit na naman sa kanya. Hindi niya iyon nilingon sa pag-aakalang si Gab na naman iyon.

"Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ng isang pamilyar na tinig.

Huimy? Imposible. Sandaling kumunot ang kanyang noo pero hindi pa rin nilingon ang nagsalita.

"Sandali lang. Tatapusin ko lang itong pinapanood ko," sambit na lang niya na nakatuon pa rin ang atensyon sa pinapanood. Naramdaman muli niya ang pag-alis niyon sa kanyang tabi. Nang lingunin niya ito ay naglalakad na iyon palayo.

Teka! Si Huimy nga ba iyon o namamalik-mata lang ako? Makailang ulit niyang ikinurap ang mga mata. Hindi siya makapaniwalang naroon nga ito ngayon. Patungo ito sa mga basketball court at naupo sa may bench na naroon. Malungkot ang mukha nito at tila umiiyak.

Patakbo niyang nilapitan ito at umupo sa tabi nito. Lumingon si Huimy na bakas ang mga luha sa mga mata. Agad nitong pinunasan ang luha sa pisngi nang makita siya.

"Renz?" sambit ni Huimy na parang nagulat pa.

"Kumusta? Napasugod ka yata ah. Biglang-bigla ang pagbalik mo. Hindi mo man lang ako sinabihang babalik ka." Pinilit ni Renz na pasiglahin ang boses kahit nag-aalala siya para kay Huimy. Naisip niyang baka may problema ito kaya biglaan ang pag-uwi nito sa Bicol.

"Bakit ka nag-goodbye sa akin?" tanong nito na ipinagtaka niya.

"Ha? Anong goodbye?"

"Hindi mo alam na nag-text ka sa akin at sinabi mo na iyon na ang huling message mo sa akin? Nag-goodbye ka pa nga," masama ang loob na sabi ni Huimy.

Wala siyang kaalam-alam sa tinutukoy ng dalaga.

"Paanong nangyari iyon? Hindi nga ako nakakapag-text sa'yo kasi sobrang busy ko nitong mga nagdaang araw. Nag-aaral kasi ako, alam mo naman iyon."

"Busy ka lang, kailangan mag-goodbye agad?" sarkastiko niyang tanong.

"Ano bang sinasabi mong goodbye? Bakit ko gagawin 'yon?"

"Hindi ko alam sa'yo, kaya nga ako nandito para alamin sa iyo ang dahilan mo. Alam mo bang nasaktan ako dahil sa sinabi mo? Nag-goodbye ka dahil lang busy ka sa pag-aaral? Ano bang klaseng dahilan iyon?" Hindi naiwasan ni Huimy na ilabas ang sama ng loob kasabay ang pagpatak ng kanyang luha.

"Pero hindi nga ako nagte-text sa'yo ng kahit ano dahil wala naman akong celphone. Kay Mama ang ginagamit ko at pinagbawalan niya akong gamitin iyon habang nag-aaral ako. Sorry kung hindi ko man lang sinabi sa'yo. Makikihiram nga sana ako ng celphone kahit sa kaklase ko pero laging walang load kaya hindi kita magawang kumustahin man lang. Sorry na."

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon