Chapter 13: Reconciliation in the Past

226 50 32
                                    

Chapter 13:
Reconciliation in the Past

Dumating na mga magulang ni Huimy para sunduin siya. Masaya niyang sinalubong ang mga ito pagkababa pa lamang sa sinakyang bus. Mahigpit niyang niyakap ang mga ito na para bang taon na mula nang huli silang magkita. Inaaamin niyang na-miss niya ng sobra ang mga ito. Hindi niya napigilan ang sariling mapaluha.

"Na-miss ko po kayo, sorry po sa nagawa ko," humihikbing turan niya habang nakayakap pa rin sa ama. Inaamin niya ang pagkakamaling nagawa niya at nagi-guilty siya sa ginawang pag-alis at pagpapabaya sa kanyang pag-aaral dahil sa kanyang kabaliwan. Masyado siyang nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin.

"Huwag mo nang alalahanin iyon. Ang mahalaga, na-realize mo na ang pagkakamali mo," sabi naman ng kanyang ama.

"Basta tandaan mo anak, hindi mo kailangang madaliin ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may nakatakdang panahon," sabi naman ng kanyang ina.

Napatango na lamang siya at humiwalay na ng yakap sa mga magulang. "Tayo na po sa loob, baka nagutom po kayo sa biyahe. May inihanda po si Tita Mercy na masarap na laing."

"Oh talaga ba? Bigla akong nagutom a." Humawak pa sa tiyan ang kanyang ama at hinimas-himas iyon. Natawa naman silang mag-ina saka sabay-sabay na silang nagsipasok sa loob ng bahay.

Masayang nagkuwentuhan ang kanyang mga magulang at ang ilang mga kamag-anak nila. Tila sabik na sabik sa isa't isa. Samantalang siya ay tahimik lang na nakikinig habang kumakain.

"Tamang-tama ang pag-uwi ninyo, fiesta na rito sa susunod na tatlong araw. Manatili na muna kayo para makisaya," ani Tita Mercy.

"Magandang ideya iyan. Mabuti na lamang at naka-file na ako ng leave ng isang linggo," sang-ayon naman ng kanyang ama. Nagtatrabaho ang kanyang ama bilang broker sa isang cargo shipping company. Regular na ito roon kaya walang problema kahit mag-file ito ng bakasyon paminsan-minsan. May bayad pa rin naman iyon.

"Okay lang naman sa'yo, Huimy na magtagal pa ng ilang araw hindi ba?" Kumindat pa ang kanyang ama sa kanya. Ngiti lang ang itinugon niya.

Ang totoo, may isang bahagi ng kanyang pagkatao ang ayaw pang umalis sa lugar na iyon. Isinisigaw pa rin nito ang pangalan ni Renz at ayaw pumayag na umalis siya na hindi man lang sila nagkakausap. Ngunit alam niyang hindi na maaari pa ang kagustuhan ng pagkatao niyang iyon dahil hindi siya puwedeng mabuhay sa hindi niya lugar. Wala siyang lugar sa baryong iyon, napatunayan niya iyon dahil sa mga tsismis na kumalat tungkol sa kanya. At gusto na lang niyang ibaon sa limot ang mga masasakit na narinig mula sa ibang tao. At siyempre pa, kalimutan na rin ang lalaking naging dahilan noon.

"Huimy!" Halos sabay-sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon. Patakbong lumapit sa kanila si Carol. Hinawakan siya nito sa braso at tila nae-excite. "Tara, manood ng basketball. Championship ngayon!"

Tiningnan muna niya ang mga magulang na parang nagpapaalam. Tumango naman ang mga ito saka siya sumama kay Carol patungo sa basketball court.

Doon pa rin siya pumwesto sa lugar na lagi nilang pinupwestuhan kapag nanonood ng basketball. Nasanay na rin yata ang mga tagaroon na doon siya lagi nakatambay kaya naman nakita pa lang siya ng mga ito ay umalis na at pinapuwesto siya.

Wala naman ang atensyon niya sa mga naglalaro. Malalim ang kanyang iniisip at nasa iisang tao lamang. Walang laman ang isip niya kundi si Renz lang. Mga masasayang alaalang pinagsamahan nila kasama na rin ang huling pagkikita nila.

Nakatulala lang siya pero hindi maiwasang pumatak ang luha sa kanyang mata. Agad niyang pinahid iyon sa pamamagitan ng daliri.

Hindi ko na dapat iniisip pa siya, aniya sa sarili.

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon