Chapter 4: The Guy From Her Past

365 71 147
                                    

Chapter 4:
The Guy From Her Past


"Hoy, Mayumi!" malakas na tawag ni Trisha sa buong pangalan ni Huimy sabay hampas ng mahina sa braso niyang nakapatong sa lamesa. Nasa canteen sila ng oras na iyon dahil break time nila sa trabaho. Halos mapuno na ang maliit na canteen sa dami ng mga kumakain roon na karamihan ay mga estudiyante galing sa malapit na school roon at mga aplikante nila.

Tila naman nagising si Huimy sa mahabang pagkakatulog at gulat na napatingin sa kaibigan.

"Ha? Anong sabi mo?" wala sa sariling tanong niya.

Sunod-sunod na napailing ito. "Kanina pa ako salita nang salita dito, wala ka naman pa lang naintindihan sa mga sinabi ko."

Nagbuga siya ng malalim na hininga bago matamlay na nagsalita, "sorry."

"Ano ba kasing nangyayari sa'yo?" nag-aalalang tanong nito.

Hindi agad siya nakasagot. Nagbalik na naman sa alaala niya ang nangyari kanina. Muli siyang bumuntong hininga.

"Hoy, ano ba Huimy? Sasabihin mo ba o panay buntong hininga na lang ang gagawin mo? Aba, kanina pa kita napapansin, parang wala ka sa sarili mo ngayon. Na-late ka kanina tapos ngayon tulala ka na."

Lagpas alas nuebe na siya nakabalik sa opisina dahil sa naging katangahan niya kanina. Wala siya sa sariling umuwi ng bahay at bumalik lang nang tawagan siya ni Ma'am Glydel. Hindi raw puwedeng um-absent siya ngayon dahil tambak ang kanyang trabaho at kahit anong pagdadahilan niya ay hindi tinanggap nito. Kaya naman kahit kabado at wala sa kundisyon na magbalik sa opisina ay pinilit pa rin niya ang sariling pumasok kasabay ang dalangin na sana ay hindi na niya makita pa ito.

"Sana guni-guni ko lang iyon," paulit-ulit niyang kinukumbinsi ang sarili.

"Nakita ko ulit siya," halos pabulong na sagot niya.

"Sino?" kunot-noong tanong nito.

"Si Renz."

Agad na nanlaki ang mga mata nito sa gulat.

"Talaga? Saan? Kailan? Paano?" sunod-sunod nitong tanong na hindi makapaniwala sa narinig. Kilala nito si Renz dahil madalas na maikuwento ni Huimy ito noon.

"I'm not sure kung siya nga ba talaga iyon."

"Ha? Paanong hindi sigurado? Saan mo ba kasi nakita?"

"Dito mismo sa agency," nakagat niya ang kanyang labi dahil bigla na namang dinagsa ng kaba ang dibdib niya.

Muling nanlaki ang mga mata ni Trisha. "Talaga? Anong ginagawa niya dito?"

Kumibit balikat siya saka napailing. "Hindi ko rin alam. Baka namalikmata lang ako."

"Namalikmata? Sa reaksiyon mong iyan parang sigurado kang siya iyon. Imposibleng namalikmata ka lang tapos hindi na nawala sa isip mo. Sabihin mo nga sa akin, kinausap ka ba niya?"

Sandali siyang natigilan, inisip ang nangyaring banggaan kanina at ang pangungumusta ni Renz sa kanya.

"Kinumusta niya ako."

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon