Chapter 18: Surprise

232 49 29
                                    

Chapter 18:
Surprise

September 2009

Abala si Huimy sa pagtitiklop ng damit nang makatanggap siya ng tawag mula kay Shane. Mula nang magkausap sila noon sa Bicol ay naging malapit na rin sila sa isa't isa. Noong una ay nagulat pa siya kung paanong nalaman nito ang number niya gayong matagal na rin nang huli silang mag-usap nito. Ngunit napag-alaman niyang kinuha nito kay Renz ang number niya. Kaya mula noon ay madalas na rin itong mangumusta sa kanya at laging tinatanong ang status nilang dalawa ni Renz. Tinatawanan na lamang niya iyon dahil wala naman siyang maisagot kundi complicated.

Natutuwa naman siya dahil parang botong-boto ito sa kanya para kay Renz. Katunayan ay halos lahat ng kapatid ni Renz at mga pinsan ay boto sa kanya at gustong magkatuluyan sila maliban na lamang sa ina ni Renz na hanggang ngayon ay mukhang malabo pa ring magustuhan siya.

"Oh ano, makakapunta ka ba? Hihintayin kita ha?" Niyaya siya ni Shane na magpunta sa Laguna para um-attend ng birthday party para sa pamangkin nitong si Dada. Danica ang real name nito pero ang tawag nila dito ay Dada dahil sa sobrang kadaldalan nito. Five years old pa lang ito ngunit parang matanda na kung umasta. Ang dami ng alam! Kapag nag-uusap sila ni Shane, nakikipag-usap din ito sa kanya. Naaaliw naman siyang kausap ito. Nang-iintriga din iyon sa lovelife nila ni Renz. Ewan niya ba kung sino ang nagturo doon, siguro si Shane.

"Hindi ako sigurado kasi busy ako bukas. Family day namin ang Linggo at hindi kami puwedeng um-absent dahil parang may attendance si Lolo," tanggi niya rito. Umuuwi kasi siya sa probinsiya nila sa Cavite at naglalagi sa bahay ng kanilang lolo tuwing Linggo. Iyon ang bonding time ng pamilya nila at iyon din kasi ang araw na nabubuo sila.

"Kahit sabihin ko sa'yong pupunta si Renz dito bukas?"

Bigla namang nagningning ang mga mata niya nang marinig ang pangalan ng binata at tila tumalon ang kanyang puso sa pagkasabik.

"Nagbibiro ka ba? Totoo ba iyang sinasabi mo?"

"It's true kahit tanungin mo pa siya pero huwag pala, kasi balak kong surpresahin siya. Hindi niya alam na inimbitahan kita."

"Surprise? Wow exciting!" Hindi na napigilan ni Huimy ang tuwa niya dahil sa wakas, magkikita na ulit sila ng binatang kanyang labis na minamahal.

"I know na mae-excite ka talaga sa muli ninyong pagkikita. Yiiieee, ngayon pa lang kinikilig na ako sa inyong dalawa."

Hindi maikakailang ganoon nga ang nararamdaman niya. Ngunit biglang naglaho ang pagkasabik niya nang maisip ang family day bukas.

"Pero Shane, hindi pa ako sigurado kung makakapunta," malungkot niyang saad.

"Nagawa mo ngang umuwi ng Bicol noon e, ito pa kayang Laguna lang?" anitong tila pinapaalala pa ang kanyang kabaliwan noon. Nasa Laguna lang kasi ito naninirahan dahil doon na rin ito nagtatrabaho kasama ang tiyahin na ina ni Danica.

"Pinaalala mo pa talaga ang kabaliwan ko noon," natatawang sabi niya. "Pero sige, gagawan ko ng paraan para makapunta lang diyan. Susubukan kong magpaalam kay Mama. Sana payagan ako."

"Cool! Sige, hintayin kita dito bukas ha? Asahan ko," anito saka nagpaalam na sa kanya.

Pagkatapos na pagkatapos ng tawag na iyon ay mabilis siyang pumanaog pababa ng hagdan at agad na hinanap ang kanyang ina. Nakita naman niya ito sa kusina na abala sa pagluluto ng hapunan. Mabilis niyang nilapitan ito at niyakap patalikod. Isiniksik niya ang kanyang mukha sa leeg nito bilang paglalambing.

"Ma, puwede po bang hindi ako sumama sa inyo bukas kina Lolo?"

Napalingon ang kanyang ina na nakakunot ang noo. "At bakit naman?"

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon