Chapter 30: Secret Revealed

190 39 24
                                    

Chapter 30:
Secret Revealed

Abala si Huimy sa paglilinis sa sala nang mag-ring ang door bell. Wala siyang inaasahang bisitang darating ngayon. Ngunit naisip niyang baka si Trisha iyon dahil ang babaing iyon lang naman ang mahilig manggulo sa tahimik niyang mundo.

Agad siyang lumabas ng bahay at tinungo ang gate ngunit agad na sinalakay ng kaba ang kanyang dibdib nang makita si Renz na nakatayo sa labas ng gate. Makisig pa rin itong tingnan kahit na nga simpleng printed gray t-shirt at pantalon lang ang suot. Ngumiti ito sa kanya kahit pa nga kita sa mga mata nito ang lungkot.

"Bakit ka nagpunta dito?" agad niyang tanong matapos buksan ang gate.

"Puwede ba tayong mag-usap?"

"Wala na tayong dapat pag-usapan, Renz. Nagkasundo na tayo, hindi ba?"

"Pakinggan mo muna ako puwede ba?"

Bumuntong hininga muna siya bago nagpasyang papasukin ito sa loob ng bahay. Pinaupo niya ito sa may sofa.

"Nasaan si Clark?" tanong nito habang palinga-linga sa paligid.

"Wala si Clark. Sinundo ni Kit. Ipapasyal daw niya sa Star City. Bakit ka ba nagpunta dito? 'Di ba't sinabi ko na sa'yong tigilan mo na kami ni Clark."

"Hindi ko gagawin ang sinasabi mo. Gusto ko kayong makasama ng anak ko."

"Hindi puwede ang sinasabi mo. May girlfriend ka na at ikakasal na kayo."

"Hindi ako magpapakasal sa kanya kung papayag kang maging bahagi muli ako ng buhay mo."

Agad siyang napailing. "Imposible. Hindi mo puwedeng gawin iyon. Masasaktan siya."

"Mas masasaktan ko siya kung ipagpapatuloy ko pa ang relasyon naming dalawa. Hindi ko kayang maging masaya sa piling niya. Ikaw pa rin ang mahal ko." Hinawakan ni Renz ang kanyang kamay at bahagyang pinisil iyon. Tinitigan siya nito at kita niya sa mga mata nito ang sinsiredad sa mga sinasabi nito. Kitang-kita rin ang lungkot mula roon dahil may mga luhang wari'y nagbabadyang pumatak.

Gusto niyang maging masaya sa mga naririnig ngunit kabaligtaran ang nararamdaman niya. Mas bumibigat ang pakiramdam niya sa isiping pagmamay-ari na ito ng iba at imposibleng maging sila. Alam niyang mahirap para sa kanilang dalawa ngunit kailangan niyang umiwas. Hindi tamang agawin niya ito sa babaing nagmahal at nakasama nito nang matagal.

"Mahal kita, Huimy. So please give me a chance," nagmamakaawang sambit pa ni Renz.

"Sinasabi ko na nga ba!" isang sigaw mula sa pintuan ang nagpalingon sa kanilang dalawa. Agad silang napabitiw sa pagkakahawak ng kamay nang makita ang galit na galit mukha ni Monique. Para itong isang leon na anumang oras ay puwede siyang sakmalin.

Sumugod ito palapit sa kanila at mabilis na hinila ang kanyang buhok. Hindi agad siya nakaiwas dahil sa pagkagulat. Nawalan din siya ng balanse at tumama ang katawan sa may center table.

Mabilis namang hinawakan ni Renz sa magkabilang braso ang babae at pilit na inilalayo ito sa kanya dahil aktong susugod na naman ito.

"Huwag kang mag-iskandalo dito, Monique," awat ni Renz. Ngunit pilit pa rin siya nitong inaabot upang saktan.

"Mga walang hiya kayo! Pinagmukha n'yo akong tanga!" Halos maglabasan ang mga litid nito sa leeg dahil sa sobrang galit. Hilam din ng mga luha nito sa labis na pag-iyak.

Agad na tumulo ang mga luha ni Huimy. Hindi lang siya nasasaktan dahil sa sakit ng ginawang pagsabunot nito sa kanya kundi dahil alam niya kung ano ang nararamdaman nito.

"Bakit 'di n'yo sinabi sa akin? Nagtiwala ako sa'yo! Tinuring kitang kaibigan dahil alam kong best friend ka ni Renz. Pero hindi ko alam na ahas ka pala!" Hilam ang mga luha niya habang patuloy ang pagkawala sa pagkakahawak ni Renz sa mga braso nito.

MY LAST STAR (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon