"Hindi ka pa rin nagbabago, ipinagpapatuloy mo pa rin ang mga nakagawian mo na noon. Hanggang kailan? Caleb hanggang kailan mo ikalulungkot ang pagkawala ko? Hanggang kailan ko ikukubli ang sarili ko sa inyong lahat?" Ito ang mga tanong ni Czarina sa kaniyang sarili. Tinatanaw niya mula sa malayo ang binatang si Caleb, nakatayo ito sa harap ng isang puntod habang hawak nito sa isang kamay ang tatlong puting oras. Bago umalis ay muli niyang tinitigan ang maamong mukha ng binata. Hanggang ngayon dama pa rin niya ang pagluluksa nito. Nais niyang maalala ang mukhang iyon bago siya tuluyang magpakalayu-layo.
"Paalam Caleb, dalangin ko'y makahanap ka ng babaing magmamahal sa'yo nang sobra." Sinimulan ni Czarina ihakbang ang mga paa niya palayo kahit pa nga paika-ika ang lakad niya dahil magpasahanggang ngayon ay sariwa pa rin ang mga sugat na natamo niya ilang buwan na rin ang nakakalipas. Ayaw niyang may makatuklas na kahit sino na buhay pa siya. Nagdesisyon na rin siyang kalimutan ang lahat-lahat, kabilang na roon si Caleb.
Sumakay si Czarina sa inarkila niyang kotse at sinimulang imaneho ito, hindi niya maiwasang balikan ang huling eksena kung saan kasama pa niya si Caleb at nasa kanlungan pa siya ng mga bisig nito.
Napapikit na lamang si Czarina, hindi na niya kaya pang magsalita, ngunit pinilit niyang manatiling gising kahit man lang ang kaniya diwa. Naririnig niya ang pagtangis ni Caleb sa pag-aakalang wala na siya. Pero kung alam lang ni Caleb, naririnig pa siya ni Czarina, kahit ang tibok ng puso nito ay dinig na dinig ng dalaga. Ilang saglit lang ay muling umalingaw-ngaw ang ingay sa buong paligid, ingay na nagmumula sa elisi ng helicopter. Hindi niya alam kung sino ang nagpadala niyon, basta ang naaalala niya lang, may mga tumulong sa kaniya at naramdaman niyang iniangat siya upang maisakay doon. "Czarina! Magkikita pa tayo! Pangako!" Ang mga katagang iyon ang huling beses na narinig ni Czarina mula sa tinig ni Caleb, hanggang sa tuluyan na ngang mawala ang ulirat niya.
Nang magkamalay si Czarina, natagpuan niya ang sarili sa isang silid. Hindi pamilyar sa kaniya ang lugar, pero alam niya, wala rin siya sa hospital. Nang makita ng nurse na gising siya ay agad itong lumabas nang silid. Ilang sandali lang ay may kasama na ito, "Mabuti naman at gising ka na," may pag-aalala sa tinig nang lalaking kumausap sa kaniya.
Kahit nahihirapan ay nagawa pa ring makilala ni Czarina ang boses na iyon, "U-uncle?"
"Inutusan ko ang mga tauhan ko na sunduin ka. Tauhan ko ang nagdala sayo rito. Huwag kang mag-alala, ligtas ka na."
"Si... Caleb? Kumusta si Caleb?"
"Huwag mo siyang alalahanin, nasa maynila siya, binabantayan ang kapatid niya. At saka, hindi nila alam na nandito ka, na nagkamalay ka na. Halos dalawang linggo ka ring walang malay kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pinalabas ko sa publiko na kailangan kang madala sa mas mainam na hospital sa ibang bansa, pero ang totoo, dinala kita rito sa poder ko. Ano ba ang plano mo? Anuman ang sabihin mo, iyon ang gagawin ko. Ano? Gusto mo na bang bumalik sa kanila? Magpakita kay Caleb?" mahinahong tanong ni Miggy.
"Hu-huwag na Uncle. Ma-mas mabuti nga sigurong tuluyan na akong lumayo sa kanila."
"Anong ibig mong sabihin?"
"A-ayoko na sanang guluhin pa ang mga buhay nila. Ma-mas mainam sigurong patay na ako sa kaalaman nila."
"Teka, sigurado ka ba sa pasya mong iyan? Baka naman nabibigla ka lang?"
"Uncle, tulungan mo akong magbagong buhay. Ayoko ng gawing kumplikado ang lahat. Gu-gusto ko sanang mamuhay ng simple lang, 'yong walang nakakakilala sa akin, walang magtatanong at manggugulo sa akin. Si-sigurado ako, sa oras na lumabas ako sa publiko, tiyak pagkakaguluhan lang nila ako. Pag-uusapan lang nilang lahat ang buhay ko. Ayoko na sanang masira pa ang katahimikang nasa puso ko ngayon." Tinignan ni Miggy ang pamangkin at nakita niyang buo na ang loob nito sa kung ano ang gusto nitong mangyari kaya nagpasya siyang huwag nang pakialaman pa ang naging desisyon nito. Makalipas ang dalawang pang linggo, ay unti-unti na rin namang nanumbalik sa dating lakas ang pangangatawan ni Czarina. Tinulungan din ni Miggy ang pamangkin na palabasin sa mata ng lahat na tuluyan na nga itong namatay. Gumawa siya ng isang replika ni Czarina na gawa sa wax at ito ang ginamit niya para ipakita sa funeral service ng pamangkin. Wala namang nagduda dahil sadyang perpekto ang pagkakakopya sa hitsura ni Czarina, maging ang bawat sugat ay kuhang-kuha rin. Kahit nga sina Caleb at Yllana ay napaniwalang katawan talaga iyon ni Czarina. Pinalabas ni Miggy na sa hospital ng ibang bansa yumao ang pamangkin at iuuwi lang dito sa pilipinas para maisama sa himlayan ng mga mahal nito sa buhay.
![](https://img.wattpad.com/cover/20451935-288-k428188.jpg)
BINABASA MO ANG
Revencher (ACTION) ✔
Action[CZARINA JOY "RINA" JAVIER STORY] Grievous incident can create consummate killings whether they like it or not. A revencher was born, she'll do whatever it takes just to earn the just she thought she deserves. The truth awaits on her, the truth that...