Hindi umalis sa bungad ng pintuan si Dad hangga't hindi kami nakababa ng kama ni Ella. Sigurista! Pinauna ako ni Ella sa ibaba. Magbibihis daw muna siya. Pumayag naman si Dad.
Matalim ang tingin na pinukol niya sa akin habang naglalakad kami pababa ng hagdan. Medyo natakot ako. Pinakita ko lang na kalmado kunwari. Gano'n daw kasi dapat. Kapag walang ginawang masama dapat huwag kabahan.
Tumayo si Mom nang lumapit kaming mag-ama. Parang hindi ito mapakali. Sa mabilisang salita ay nagsumbong agad si Dad tungkol sa naabutan niya sa kuwarto ni Ella. Nanlaki ang mga mata ni Mom at may nangilid pang luha nang mapatingin siya sa akin. Kahit wala akong ginawang masama kay Ella, I felt so guilty.
"Mom," panimula ko. Sasabihan ko sana siyang wala dapat ipag-alala sa amin, pero nang makita ko ang mabagsik na tingin ni Dad sa akin ay nawalan ako ng boses. Napatungo na lamang ako at hinintay ang pagbaba ni Ella.
"Paano mo nagawa ito kay Ella? Hindi mo na inisip ang mga magulang niyang labis ang tiwala sa ating mag-anak," mangiyak-ngiyak na sabi pa ni Mom sa akin. Lalo akong na-guilty. Tumigil lang sa kapapangaral si Mom nang makita nito ang papalapit na si Ella. Ako nama'y medyo natulala. Lalong tumingkad ang kagandahan ni Ella sa tingin ko. Nakalugay kasi ang mahaba niyang buhok at walang pahid ng kung ano ang mukha. Cute pala siya tingnan kung naka-pajamas ng pink. Fresh na fresh. Kaagad kong nilayo kay Ella ang tingin nang mahagip ng mga mata ko ang tiger look ni Dad sa akin. Pinagpuputok ko na lang ang mga knuckles habang naghihintay ng sermon nilang dalawa ni Mom.
"Alam n'yo ba ang kaseryosohan ng ginawa n'yong dalawa?" panimula ng mommy ko pagkaupo na pagkaupo ni Ella sa pang-isahang sofa sa gilid namin. Tahimik ngayon si Dad.
"Wala po kaming ginawang masama ni Matty---Matias po, Tita Sheila," sagot kaagad ni Ella. Napatikhim si Dad sa tabi ni Mom, pero nanatili siyang walang kibo.
"Ano'ng wala? Malinaw ang nakita namin kanina sa kuwarto mo."
Napakamot ng ulo si Ella. Bahagya niyang sinipa ang paa ko. Pinapasalita niya ako.
"Totoo iyon, Mom. Wala kaming ginawang masama. Niloloko ko lang siya kasi nagtutulug-tulugan siya kanina nang datnan ko. Pero totoo po ang sinabi niya. Peks man, mamatay man si Batman, wala po talaga kaming ginawang masama."
"We are dead serious, Matias San Diego!" sabat ni Dad. Tumaas pa ang boses nito.
Napayuko na naman ako. Seryoso naman ako, a!
"May Batman-Batman ka pang nalalaman kasi, gunggong ka!" asik sa akin ni Ella.
Nagpalipat-lipat ng tingin sa amin si Mom. Tila inaarok ang katotohanan sa mga sinabi namin. Napansin siguro ni Dad na mukhang lumalambot na ito kung kaya pinaalala niya rito ang naabutan niyang halikan namin ni Ella. Hindi na kami nakasagot na dalawa.
"Your parents need to hear this," seryosong sabi ni Dad kay Ella sabay tayo.
"Naku, huwag n'yo pong sabihin, Tito Magnus! Baka atakehin sa puso si Papa!"
"Huwag ka ngang padalus-dalos riyan, Magnus. Ibaba mo ang telepono. Sobrang late na. Mag-aalala lang sila. Ipagpabukas na natin ito. Sasabihan ko nito agad si Aling Nene pagkadating na pagkadating natin sa Maynila."
Parang mangiyak-ngiyak na si Ella. Nagmakaawa na naman siya sa mga magulang ko, pero umiling-iling si Mommy. Kapwa kami hindi nakatulog nang gabing iyon. Inumaga kami sa kaka-text sa isa't isa.
**********
Dahil alam kong seryoso si Tita Sheila sa banta niya, inunahan ko na siya kay Mama. Pagkadating sa bahay nang tanghaling iyon, kinausap ko agad nang masinsinan ang nanay ko. Napamulagat siya, siyempre. Nagalit pa. Kulang na lang ay sabunutan niya ako, pero napaliwanagan ko siya nang mabuti. Ang hindi namin alam, nakikinig pala si Papa sa likod ng kurtina. Gulat na gulat kaming mag-ina nang bigla na lamang itong lumitaw sa kusina na madilim ang mukha. Kapwa kami natakot ni Mama.
BINABASA MO ANG
MASTER M (MATIAS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)
HumorSAN DIEGO SIBLINGS SERIES #3 (MATIAS' STORY) Inspired by the movie, MAGIC MIKE starring Channing Tatum! ********** Maliit pa lamang sila ay pinangarap na ni Ella na maging asawa si Matias ngunit binasted siya agad ng kababata pagka-confess niya ng f...