Napabalikwas ako sa aking kama at kinusot ang aking mga mata at sinulyap ang bintana na nasa aking kanang bahagi. Napasigaw ako sa gulat ng nakita kong maliwanag na sa labas. Agad agad kong hinanap ang aking cellphone na di ko alam kung nasaang bahagi ng kama ko.
Inalis ko ang comforter ko ngunit wala akong nakitang cellphone. Tinignan ko sa ilalim ng mga unan ngunit wala din ito.
Napaupo ako sa kama habang inaalala kung saan ko ito inilagay. Napuyat kasi ako kagabi dahil sa dami ng homeworks na binigay sa amin.
Napatayo ako sa gulat ng nagring ang cellphone ko. Hinanap ko kung saan ito nanggagaling at nakita ko ito sa ilalim ng kama ko. Marahil ay nahulog ito habanh natutulog ako.
Nakita kong tumatawag si Kira kaya agad ko itong sinagot.
"Uy Ga! Nasaan ka na? Malapit na ang flag ceremony!" Sabi ng nasa kabilang linya.
"Kagigising ko lang! Di ko namalayan e." Sagot ko habang papasok sa banyo. Agad-agad kong kinuha ang toothbrush ko at nilagyan ng toothpaste.
Narinig ko naman sa kabilang linya ang tunog ng buzzer na hudyat na flag ceremony na. Agad kong pinatay ang tawag at tinignan ang oras.
7:15 na. Patay. 15 minuto nalang bago ang first period namin. Binilisan ko ang pagsisipilyo at agad na naligo. Di ko nga alam kung may epekto pa ba ang aking pagligo dahil sa bilis nito.
Di ko na din inabala pang kumain dahil alam kong paniguradong matatagalan lang ako.
Umalis na ako at nilock ang bahay na halos di ko pa magawa dahil sa pagkataranta. Kumaripas ako ng takbo para mag-abang ng tricycle. May naaninag naman akong tricy na paparating kaya inabangan ko ito.
Nang medyo papalapit na ito at akmang papara na ako ay lumiko naman siya tungo sa ibang kalsada. Paasa. Di pala yun dadaan dito.
Kinapa ko ang aking bulsa upang kunin ang aking cellphone at makita ang oras ngunit wala akong makapa. Tinignan ko ang aking bag ngunit wala din dito.
Agad akong pumasok sa bahay at hinanap ang cellphone ko. Ilang minuto ang nasayang sa aking paghahanap.
Sinulyapan ko ang aking cellphone na nahanap ko sa loob ng closet ko. Kumaripas ako ng takbo ng makitang 7:35 na.
Binilisan ko ang aking takbo papuntang kalsada at laking tuwa ko nang makita ang isang tricycle na malapit na sa akin. Agad ko itong pinara at sumakay na.
Binalot ako ng kaba habang natatanaw ang gate ng aming school. Nasilayan ko ang mga ilang SSG officers na nagbabantay at naglilista ng mga late.
Nang nasa tapat na ako ay agad kong inabot ang aking pamasahe at dumiretso sa gate. Agad akong hinarang ng aming SSG Secretary na gustong-gusto kong patayin sa kaartehan. Aniamar Pavilon. Ania for short.
Agad niya akong tinaasan ng kilay. At sinermonan.
"Ms. Alcantara. You're always late. Di ka ba nagsasawang buong buhay mo ay naglilinis ka sa buong campus dahil lang sa pagiging late mo? Mukhang kailangan mong mabigyan ng matinding parusa para matuto ka." Mahabang sermon nito sa akin.
Napairap nalang ako sa kanyang inasta ngunit di ko inaasahang nakita niya ito.
"At nagawa mo pa akong irapan ha? Gusto mong masapak?" Pagtataray nito sa akin.
Agad namang nakuha niya ang atensyon ng SSG President dahil sa pagtaas ng boses nito. Agad siyang lumapit sa amin.
"Anong nangyayari dito?" Sambit nito na hinarap kaming dalawa.
"Tinuturuan ko lang ng leksyon ang babaeng to." Sagot nito at tinuro ako.
Tinawag naman ni Mr. President si Kai na kasalukuyang sinusulat ang pangalan ng isang estudyanteng late.
"Bakit?" Sagot nito ng makalapit ito pagkatapos niyang nagsulat. Bakas ang walang emosyong pagkakasabi nito.
"Asikasuhin mo yan." Utos nito kay Kai na ang tinutukoy ay ako.
"Tara na sa loob Ania." Anyaya niya sa Secretary ng Kaartehan. Agad naman silang pumasok sa loob ng campus.
Napabalik ako sa aking sarili ng tanungin ako ni Kai.
"Anong pangalan mo?"
"Di niyo pa ba alam? Akala ko ba kotang-kota na'ko sa listahan niyo?" Asar na sambit ko.
"Anong pangalan mo?" Ulit na tanong nito. Okay, masyado namang seryoso ang lalaking to. Sinambit ko nalang ang pangalan ko at akmang aalis na ngunit hinawakan niya ang kamay ko.
Napatigil ako at nagtataka akong napatingin sa kanya. Napatingin din ako sa kanyang kamay na nakahawak sa akin at napansin niya din ito. Agad niya itong inalis at inayos ang pagtayo.
"Kailangan mong linisin ang buong gymnasium mamaya bilang parusa." Sabi nito at pumasok na sa loob ng campus.
Pumasok na din ako pagkatapos kong magmuni-muni sandali. Nakabusangot akong pumasok sa aking klase. Sinalubong naman ako ni Kira.
"Uy Ga! What's with that face?" Tanong nito sa akin ng napansin ang nakabusangot kong mukha.
"Naparusahan na naman ako. Maglilinis ako ng gymnasium mamaya." Sagot ko na halatang mahina at tunog matamlay.
Nagulat nalang ako nang biglang tumalon si Kira.
"Woo yes!" Sigaw nito habang may patalon talon pa. Nagsitinginan naman ang lahat ng kaklase namin kaya hinila ko siya pababa sa kanyang upuan.
"Anong tinatalon talon mo diyan? Mahiya ka nga." Sabi ko sa kanya na hanggang ngayon ay di mapawi ang kasiyahan.
"Ang tadhana na ang gumagawa ng paraan!" Sambit nito habang may pataas taas pa ng kamay na parang may sinasamba.
Binatukan ko nalang siya para manahimik. Pagkaraan lang ng ilang sandali ay pumasok na ang aming guro.
Nagkaklase kami ng biglang may kumatok sa aming pintuan. Napatingin ako dito at si Mr. President ito.
"Magandang umaga Sir. May gusto lang sana akong sabihin sa lahat." Magalang na sambit nito sa aming guro. Halata sa kanyang tindig ang pagiging student leader.
Sumenyas naman ang aming guro bilang pagpapahiwatig na ituloy niya ang kanyang anunsyo.
"Gustong iparating ng school paper adviser na iexcuse ang mga susunod na estudyante sa mga susunod na araw." Panimula nito habang hawak ang isang papel na naglalaman ng mga pangalan.
"Xiarine Gilera, Crein Ilihan, bla bla bla bla bla... At Vielle Alcantara." Pagpapatuloy nito. Napatingin naman ako nang marinig ang pangalan ko.
Bukod kasi sa pagiging SSG President, ay siya rin ang Associate Editor ng school publication. Editor in Chief naman si Xiarine.
Nagtaka naman ako kung bakit nasama ang pangalan ko sa listahan. Tinanggihan ko naman ang offer ng teacher namin.
Bumalik na kami sa aming naudlot na klase. Lumipas ang ilang oras, at di ko namalayang 5:00 pm na pala. Uwian na. Agad kong kinuha ang aking bag para makauwi na.
Habang nasa gate ako ay may humila sa damit ko at kinaladkad sa gymnasium.
"Huwag mong balaking tumakas." Sambit nito. Napatingin ako at si Mr. President pala.
"Di naman ako tata-" Di ko pa man din natutuloy ang aking sasabihin ay umalis na ito.
Wala naman talaga akong balak tumakas. Sadyang nawala lang sa isip ko. Gusto ko lang naman magpahinga. At gutom na rin ako.
Nakasimangot kong kinuha ang walis sa backstage at sinimulan ang paglilinis. Iniisip ko nalang na ang mga SSG officers ang sahig nito. Mas lalo kong diniinan ang pagwawalis ko na parang dinudurog na ang sahig.
"Ganyan ba ang maglinis?" Napatingin ako sa aking harapan dahil sa nagtanong.
"Ayusin mo. Babantayan kita." Sabi nito sabay upo sa may bleachers. Wala na akong nagawa kundi ang maglinis ng maayos dahil ang Bise Presidente ay nagbabantay.
