Natapos na ang aming flag ceremony. Nagsialisan na ang mga estudyante sa quadrangle papunta sa kanilang mga sariling classroom. Dumiretso naman na kami ni Kira sa room.
Pagkarating ay kinuha ko ang bag ko at iniwan si Kira sa room. Patungo ako ngayon sa Room 11 kung saan magpapractice ang mga napiling lalahok sa contest sa pagsusulat sa susunod na linggo.
Pero bago ako tumungo ay dumaan muna ako sa faculty room upang tanungin sa school paper adviser kung bakit nakuha parin ako kung tinanggihan ko naman ang alok nila nung una.
Magalang kong binati ang mga guro na nasa loob ng faculty room at tinungo ang mesa kung saan nakaupo ang hinahanap kong guro. Kasalukuyan itong nagbabasa ng kung ano-anong mahahalagang papel.
Agad naman niya itong ibinaba nang makitang papalapit ako sa kanya. Binati ko siya upang magbigay galang.
"Anong sadya mo dito Vielle?" Tanong nito sa akin nang makarating ako sa harapan niya
"Ma'am, gusto ko lang po malaman kung bakit nasali parin ako sa contest eh tinanggihan ko naman ang alok niyo." Agad kong sagot sa aking guro.
Ngumiti naman ito sa akin.
"Mukhang nakarating sa papa mo ang pagtanggi mo sa alok. Kamakailan lang ay nakatanggap ako ng mensahe mula sa kanya na nagsasabing isali kita. Kaya yun." Pagpapaliwanag naman ni Ma'am.
"Sige po ma'am. Salamat." Pagpapaalam ko dito at umalis na sa faculty room.
Pagkalabas ko dito ay nakita ko naman si Xiarine na patungo din sa Room 11. Nakita niya ako kaya nilapitan ako.
"Uy Vielle, papunta ka na din ba sa Room 11?" Tanong ni Xia sa akin nang makalapit ito sa akin.
Tumango ako bilang tugon.
"Sabay na tayo." Aya nito sa akin at sumabay sa lakad ko.
Di naman kami ganun kaclose ni Xia pero masasabi kong magkaibigan kami. Nagsama na kami sa mga nakaraang contest kaya ko siya naging kaibigan.
Natatanaw na namin ang Room 11 na hanggang ngayon ay nakasara ang pinto. Mukhang wala pang tao rito.
Tinulak ni Xia ang pinto at bumukas ito. Mukhang may nauna na sa amin dahil madalas ay nakalock ito kapag wala pang tao sa loob.
Pumasok na kami ni Xia sa loob at nakita namin si Shan na nasa dulo ng room. Nakatutok ito sa monitor ng kanyang laptop at mukhang may pinagkakaabalahan.
Umupo si Xia sa harap nito at agad naman isinara ni Shan ang kanyang laptop at tumingin kay Xia. Nakita kong nag-usap sila at mukhang malapit sa isa't isa.
Umupo naman ako sa kabilang dulo at hinintay ang mga kasama namin. Inilabas ko ang cellphone ko at naglaro upang mag-aksaya ng oras. Habang busy ako sa paglalaro ay nakarinig ako ng mga hagalpak na nagmumula kila Shan at Xia.
Napadako ang tingin ko sa kanila. Nakita ko ang mga mukha nilang tawang-tawa. Halos mangiyak-iyak na sila sa hindi ko malamang dahilan. Ngayon ko lang nakita ang Presidenteng ganito kasaya.
Pero may napansin ako. Nakita ko ang kamay nila sa ilalim ng mesa na magkahawak. It was perfectly intertwined. Dun ko napagtanto na may something sila.
Nang nagsidatingan ang mga kasamahan namin ay agad na pinaghiwalay nila ang kanilang kamay. Bumalik naman sa dating gawain si Shan at muling nagmukhang abala.
Tumayo naman si Xia at lumipat ng ibang upuan. Medyo malayo na ito kay Shan at umakto silang parang walang nangyari.
Pumasok na ang school paper adviser kaya umayos na kami ng upo at binati ang guro.
"Sa susunod na linggo na ang contest kaya kailangan na nating magpractice. Sana ay makipagcooperate ng lahat." Panimula nito sa amin at binigyan kami ng aming kanya-kanyang trabaho.
Sinimulan ko na ang pagsusulat para matapos ang binigay na trabaho sa akin. Napadako naman ang tingin ko kay Mr. President na nahuli kong nakatingin kay Xia na seryosong nagsusulat. Napansin niya namang nakatingin ako sa kanya kaya umiwas ako agad at ibinalik ang atensyon ko sa aking ginagawa.
Napansin ko sa peripheral vision ko na kinuha ni Mr. President ang cellphone nito at biglang nagtipa ng mensahe. Narinig ko naman ang pagtunog ng isang cellphone na pagmamay-ari ni Xia. Mukhang siya ang tinext ni Mr. President.
Hindi ko nalang sila pinansin at tinapos na agad ang gawain ko. Nang makaraan ang ilang minuto ay nakaramdam ako ng tawag ng kalikasan. Lumabas ako sa at tumungo sa CR na nasa harapan lamang ng room kung nasaan kami.
Pumasok ako sa isang cubicle at umihi. Habang umiihi ako ay narinig ko ang pagbukas ng pinto at ang mga yapak ng isang tao at nang kalaunan ay ang pagbukas ng faucet. Tumindig ang balahibo ko dahil baka isa itong multo.
Bali-balita pa man din na may mga multo dito. Lalo na sa mga rooms na hindi na masyadong ginagamit. At kabilang na din dito ang banyo kung nasaan ako ngayon.
Dahil sa takot ko ay agad kong tinapos ang pag-ihi ko. Pinakiramdaman ko ang paligid at pinigil ang paghinga. Maya-maya ay pinatay na nito ang faucet. Tahimik na ang buong paligid at mas lalo itong nagbigay ng kilabot sa buong sistema ko.
Pagkaraan lang ng isang segundo ay narinig ko ang mga yapak nito na patungo sa cubicle kung nasaan ako ngayon. Napaatras ako sa pinakadulong bahagi ng napakaliit na cubicle ito ng makita ang paa nito sa ibaba ng pintuan.
Agad akong binalot ng kaba at takot nang makitang ito ay nakablack shoes na tila ba'y isang estudyante. Nanindig ang balahibo ko nang maalala ang kwento ng isa sa mga kaklase ko na may isang estudyante daw dito na pinatay mismo sa loob ng CR.
Napahawak ako ng mahigpit sa kung saan dahil sa matinding pagkatakot.
Bigla ko nalang narinig ang katok nito sa aking pintuan. Mas lalo akong binalot ng kaba. Hanggang sa nagsalita ito.
"Vielle! Nandiyan ka pa ba? Tagal mo na diyan. Okay ka lang ba?" Tanong nito sa akin. At agad ko namang napagtanto na boses ito ni Xia. Binatukan ko nalang ang sarili ko dahil sa katangahan bago buksan ang pinto.
Agad naman akong sinalubong ni Xia na may mukhang nagtataka at nag-aalala.
"Bakit ang tagal mo sa loob? Akala ko kung napano ka na. Okay ka lang ba?" Tanong nito sa akin.
"Natakot ako e, akala ko multo ka." Pag-amin ko dito.
Bigla naman itong napahagalpak sa tawa. Habang tumatawa ito ay pinagmasdan ko siya. She's simple yet attractive. Wala siyang kaarte-arte pero litaw ang kagandahan nito. Idagdag mo pa ang mala-anghel niyang kabaitan. No wonder na mahulog si Mr. President sa isang tulad niya.
Agad itong nagtungo sa salamin at nagsuklay. Wala kang makikitang kahit anong kolorete sa mukha nito, di gaya kay Ania na kulang nalang ay gawing rainbow ang mukha.
Aalis na sana ako pero bigla siyang nagsalita.
"Vielle, wait lang." Nilingon ko naman siya. At hinintay ang kanyang susunod na sasabihin.
"Ang totoo kasi niyan, sinundan talaga kita dito dahil may gusto akong sabihin sayo." Pagpapatuloy niya.
"Lahat ng mga nakita mo sa amin ni Shan, pwede bang huwag mong ipagsabi kahit kanino? Please?" Pakiusap nito sa akin.
Di ko maintindihan kung bakit kailangan nilang itago ang kanilang relasyon. They will make a perfect couple. Baka nga maging ShaXi shipper pa ako kapag nagkataon.
"Please?" Ulit nito nang di ako sumagot.
Tumango ako bilang sagot. Di ko man maintindihan pero alam kong may dahilan.
Ngumiti ito sa akin at lumapit.
"Salamat." Sabi nito at saka ako inaya na bumalik na sa room.