CHAPTER 13 - TRUE HAPPINESS

255 10 10
                                    

Mula sa park ay hindi nakatanggi ang aking katukayong ihatid ko siya pauwi. Naglalakad na kami patungo sa kanilang bahay ngunit, sa mga sandaling iyon ay gumugulo pa rin sa aking utak ang tunay na dahilan kung bakit ito nagpunta roon. Hindi kasi ako kumbinsidong nagpahangin lamang siya sapagkat kahit sa labas ng bahay nila ay maaari niya naman itong gawin. Isa pa ay madilim na sa park nang ganoong oras kaya naisip kong may pinagdaraanan nga ito kagaya ng sinabi ni Teacher Liza sa akin. Hindi rin nito sinasagot ang tawag ni Maam kaya malamang ay nais nitong mapag-isa. Bilang bago niyang kaibigan ay tinanong ko sa kanya kung may problema ba siya ngayon, dahil baka sakaling makatulong ako o hindi kaya ay makapagbigay man lang ng payo. Malamang na kapag nalaman ni Faye ang bagay na ito ay tiyak na mahuhulog siyang tuluyan sa akin, sapagkat pinatutunayan kong hindi naman ako isang walang pusong tao. Sa kabilang banda, kung masyado mang personal para sa kaibigan niyang sabihin sa iba ang problema nito ay ayos lang naman. Hindi ko na para husgahan pa siya ngayong nalaman kong may magandang dahilan pala ang ginagawa niya sa akin nitong nakaraang mga linggo. Nais ko lang sanang maging malapit ako sa kaibigan ng taong minamahal ko at pagkatiwalaan din niya kung maaari.

Maya-maya pa ay nag-open up na siya sa akin ng hindi ko naman ito pinilit. Sa darating na Disyembre ay may activity dito sa village namin na project ng Homeowners Association at ito nga ay ang Family Day. Bilang si Teacher Liza ang presidente, ay pinipilit daw nito ang kanyang anak na mag-participate doon. Ito ang dahilan na sinabi niya sa akin kung bakit siya nakakaramdam ng lungkot ngayon. Naisip kong mahiyain kasi talaga si Paolo o Grey kaya ayaw niyang pumunta, pero nagulat ako sa mga sumunod pa niyang ibinahagi sa akin.

Grey: Ayos lang naman na pumunta ako kaso... Hindi lang kasi mawala sa isip ko na sana kumpleto rin ang pamilya ko kagaya ng iba.

Me: Hmm... Bakit? Nasaan ba ang daddy mo? OFW ba siya kaya hindi kayo kumpleto?

Grey: Oo. Actually, limang taon pa lang ako noong huli ko siyang makita. Hindi pa natatagalan nang mamatay ang mommy ko dahil sa cancer ay pumunta si daddy sa ibang bansa para magtrabaho. Umuwi lang siya noong 7 years old ako tapos hindi na nasundan ulit iyon.

Sabi sa akin ni Mommy Liza, may bago na raw siyang pamilya ngayon sa abroad. Tinatawagan niya naman ako occasionally, pero dahil masama pa rin ang loob ko sa ginawa niya, pinipili ko na lang na hindi sagutin iyon!

Me: Ah... Sorry kung naitanong ko iyon! So, ibig sabihin ay hindi mo pala totoong mommy si Teacher Liza? Inampon ka niya?

Grey: Yes, pero kapatid naman siya ng daddy ko eh. Dahil wala pa siyang asawa ay siya na ang kumuha sa akin at nag-alaga. Kaya siya na rin ang kinilala kong tunay na magulang magmula noong nawala na si mommy. Ang laki ng utang na loob ko sa kanya! Dahil sa akin ay hindi na siya tuluyang nakapag-asawa.

Lahat ng tanong ko patungkol kay Teacher Liza ay nasagot ni Grey dahil sa pag-uusap naming iyon. Kung bakit "Miss" ang ginagamit niya kahit pa may anak na siya. Kung bakit hindi kalat sa school na may anak ito at schoolmate pa namin iyon. Napagtanto ko na talagang maselan nga itong usapin, lalo pa at personal nila itong buhay. Malamang ay pinoprotektahan lang ni Maam ang kanyang itinuturing na anak mula sa mga taong mapanghusga sakaling malaman ng nakararami ang katotohanan.

Grey: Ikaw, ang swerte mo dahil buo ang pamilya mo. Siguradong masaya kayo!

Me: Hindi naman dahil kumpleto kami ay masaya na. May mga pagsubok din namang dumarating sa amin!

Grey: Ang mahalaga ay pinagdaraanan at nalalagpasan niyo ang problema na magkakasama kayo! Hindi kagaya ko na ako lang ang natira sa dulo. Kaya dapat magpasalamat ka dahil kasama mo pa silang nabubuhay. Lahat ng materyal na bagay maaari mong makuha at mapalitan ano mang oras. Pero, ang saya na dala ng pamilya mo, hinding-hindi iyan mapapantayan.

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now