CHAPTER 33 - A SURPRISE PROPOSAL

170 6 4
                                    

8 Years Later

(PAOLO'S POINT OF VIEW)

Isang umaga ay ginising ako ng mga ibong tinutuka ang salamin ng aking bintana sa bandang silangang bahagi ng aking silid. Alas-sais na ng umaga at tila maagang sisikat ang araw ngayon dahil tumatagos mula sa aking mga mapuputing kurtina ang pagliwanag ng kapaligiran sa labas. Bumangon na ako sa aking pagkakadapa at umupo sa kama ng ilang minuto upang doon ay pagmasdan ang una at tanging litrato namin ng mahal kong si Grey. Nakagawian ko na ito araw-araw tuwing pag-gising at kahit pa bago ako matulog. Ito ay ipina-print ko't inilagay sa isang kahoy na frame na nakapatong sa side table ng aking higaan. Hindi rin nawawala sa aking paningin tuwing ako ay nasa kwarto ang damit na ipinahiram sa akin ni Grey noong araw na nabasa kami ng ulan, na huling araw rin na masaya kaming magkasama noong nandito pa siya sa bansa. Hindi ko ito tinatanggal sa hanger at palaging nakasabit sa likuran ng aking pintuan. Mapa ng mundo ang disenyo ng damit, kaya roon ay palagi kong tinitingnan kung gaano ba kalayo ang pagitan naming dalawa, kapag mula Pilipinas hanggang Canada. Kung isang dangkal lamang nga ito kagaya ng makikita dito sa mapa, ay baka maya't-maya ko na siyang binisita roon! Pagkagising ko rin ay binubuksan ko ang aking bintana at doo'y dumurungaw upang malanghap ang sariwang hangin, pati na ang mga mababangong bulaklak sa hardin ni mommy. Kasabay noon ay pinapatugtog ko ang kantang nagpapaalala sa akin kay Grey, sapagkat awit daw ito ng kanyang buhay, na tila mas bagay na sa akin ngayon. Ito ay ang "Right Here Waiting". Hindi ko bilang kung ilang beses ko itong pinapakinggan bawat araw, dahil basta't may libreng oras ako kagaya ng pagda-drive, ay sinasabayan ko iyon. Nakasanayan kong gawin ang mga ito tuwing umaga upang simulang maganda ang aking araw. Ito rin ay para ihanda ang aking sarili sa isang maghapong punong-puno ng stress dala ng kasalukuyan kong trabaho.

25 years old na ako ngayon at kasalukuyang empleyado ng isang malaking construction firm sa Makati, kung saan matagal na ring namamasukan si daddy. Awa ng Diyos ay nakapasa ako agad sa board exam pagkatapos ng aming graduation sa isang kilalang unibersidad sa bansa, sa kinuha kong kursong Bachelor of Science in Civil Engineering. Bunga ito ng aking matinding pagsusumikap para mapatunayan sa aking mga magulang na responsable ako at mapagkakatiwalaan, pagkatapos ng panahong halos itakwil na nila ako noong kanilang malaman ang isang bagay tungkol sa akin ilang taon na rin ang nakakaraan. Kakaumpisa ko pa lang halos sa trabaho kaya patuloy ko pang ipinapakita sa kanila na kaya kong mapantayan ang narating ni daddy, at hindi ako basta-bastang sumusuko sa mga kahaharapin kong mga problema. Subalit, masaya na rin ako kahit ito pa lang ang naaabot ko dahil kahit papaano ay kaya ko nang buhayin ang aking sarili sapagkat kumikita na ako ng sarili kong pera, bagaman at kapisan pa rin ako sa bahay ng aming pamilya.

Sabado ngayon kaya wala akong pasok sa trabaho ngunit, isa pa rin itong abala at importanteng araw para sa aming pamilya, lalo na sa panganay naming kapatid. Ngayon kasi magaganap ang kasal ni Kuya Nico at Ate Abby, kaya maaga pa lamang ay naghahanda na ang lahat dito sa bahay. Ako ang bestman at talaga namang excited ako rito dahil unang pagkakataon ko itong mararanasan! Masayang-masaya ako para sa aking kapatid sapagkat alam kong pinaghirapan niya upang matuloy sa wakas ang selebrasyong ito. Sadyang mahabang proseso ang pinagdaanan ni Nico upang matupad ang kanyang pangako sa mga magulang namin, gayundin sa magulang ng kanyang mapapangasawa. Saksi ako sa pagiging responsable niya upang makatapos siya ng pag-aaral kahit pa nga nadelay ito ng isang taon, dahil kinailangan niya ring alagaan at suportahan ang kanyang mag-ina. Nakahanap ito ng magandang posisyon sa kumpanya na pinapasukan namin ni daddy kaya naman mabilis siyang nakaipon. Sobrang hinahangaan ko talaga si Kuya dahil sa hirap ng kanyang karanasan noon bilang batang ama ay narito siya at tinatamasa na ang pangarap niyang kasiyahan, kalayaan at buhay na kanyang pinili.

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now