THE AFTER STORY (THE HAPPILY EVER AFTER)

324 11 25
                                    

Matapos ang ilang buwang pagiging bukas ng relasyon ni Grey at Paolo sa kanilang mga mahal sa buhay ay mayroon pa ring mga maliliit at malalaking pagsubok ang kanilang kinaharap. Unang-una na riyan ang pagkakabunyag sa aksidenteng nangyari sa pagitan nina Paolo at Billy. Ito ay matapos makita ni Grey ang naiwanang eye glasses ng kanyang kaibigan noong gabing sinundan niya si Paolo patungo sa bahay na iyon. Kahit nga mahirap at alam niyang nakataya ang kanilang pagsasama ay inamin ni Paolo ang lahat kay Grey dahil nakokonsensya ito. Bukod doon ay sapagkat ayaw niyang magtago pa ng kung ano mang lihim sa kanyang pinakamamahal. Ipinaliwanag niya naman na aksidente ang nangyari sa kanilang iyon dahil pareho silang lasing noong mga sandaling ito ay naganap. Ilang linggo ring naging malamig ang pakikitungo ni Grey kay Paolo subalit nang lumaon naman ay natanggap na niya ito, dahil na rin sa pakikiusap ni Billy na patawarin na niya silang dalawa, at paniwalaan si Paolo na wala itong kasalanan sa pagkakamaling iyon.

Si Billy naman ay patuloy na nasaktan sa pagkakabigo niya sa pag-ibig mula sa dalawang taong kanyang nagustuhan. Pero hindi rin naman ito nagtagal sapagkat nagkakilala sila ni Atty. Sean Villanueva doon mismo sa party nina Grey at Paolo. Siya ang anak ni Madam Shonie na noon ay may-ari ng antique shop. Nagsimula ang dalawa sa pagkain sa labas at naglaon ay naging magkasintahan na rin dahil sa pagkakaroon nila ng mga pagkakaparehong hilig lalong lalo na sa iba't-ibang uri ng kape, na tama namang business ni Billy sa kasalukuyan.

Nagkaroon na rin ng anak isang taon lamang matapos ikasal sina Cholo at Faye. Hindi nila inaasahan na hindi lang isa ang madaragdag sa kanilang pamilya, kaya naman masayang-masaya sila noong nalaman ng mag-asawang kambal ang nasa sinapupunan ni Faye. Kagaya nila ay labis din ang tuwa ng mga magulang ni Faye sa pagkakaroon ng mga apo sa kanilang nag-iisang anak. Kahit ilang taon na rin ang nakalipas ay medyo mailap pa rin si Paolo sa kanila dahil sa mga sinabi nila ditong masasakit noong mga panahong sila pa ng kanilang anak. Wala naman na siyang sama ng loob ngayon at naintindihan na nito ang lahat bilang isa na rin siyang adult ngunit, tila tumatak na iyon sa isip niya na dapat na silang layuan bilang pag-galang na rin sa kanyang pride. Sa kabilang banda ay nagpapasalamat siya sa kanila sapagkat naging maayos ang pagtanggap nila sa kanyang bestfriend na si Cholo, na dahilan kung bakit isang masayang pamilya rin sila ngayon. Kagaya ng inaasahan ay ninong si Paolo at Grey sa mga anak ni Cholo at Faye, at dahil doon ay sadyang mas tumibay pa ang kanikanilang pag-kakaibigan.

Hindi nagtagal ay nakatapos na rin ng kanyang pag-aaral si Nikki. Tinupad niya ang kanyang pangako sa kanyang mga magulang na hinding-hindi muna magpapaligaw hanggang sa maka-graduate ito. Naging mas malapit siya sa Kuya Paolo at Kuya Grey niya sapagkat sa kanila ito kumukuha ng inspirasyon sa mga ginagawang paintings nito. Number 1 fan pa rin siya ng love team na #GrePao at hindi na magbabago iyon! Nagkaroon na rin siya ng boyfriend ilang buwan ang nakalipas at ito ay ang makulit na stalker na kanilang kapitbahay na si Louigee.

Si Nico at Abby ay nagkaroon ng kanilang sariling business, kung saan sila ay ang nagsu-supply ng mga materyales na ginagamit sa construction. Katuwang nila rito ang kanilang ama bilang ito ay may executive position na sa kanilang pinapasukang kumpanya. Inirerekomenda niya ang kanyang anak sa mga bidding kung mayroon mang bagong proyekto sa kanilang opisina. Sa kabilang banda, si Mrs. Montecillo naman ay isa na sa owner ng school kung saan siya ay principal noon. Madalas na lamang siya ngayon sa kanilang bahay at maraming oras upang asikasuhin ang kanyang kabiyak, ang bunso nilang si Nikki, at mga apo niya kay Nico na palagi namang dumalaw sa kanilang tirahan.

Mayroon na ring mga anak at masayang namumuhay ang pamilya ni Teacher Liza at Sir Arthur. Bukod sa pagiging guro ay nagsimula na rin si maam na tumanggap ng mga orders via online ng kanyang mga pastries na talaga namang nagustuhan ng mga tao. Hindi nagtagal ay nakapagpundar sila ng sarili nilang maliit na cake shop sa isang mall at naging matagumpay ito. Si Mr. Valdez naman o ang tatay ni Grey ay pabalik-balik sa Pilipinas upang dalawin ang kanyang panganay na anak. Maganda ang kanilang relasyon ni Grey kahit pa nga hindi ito tanggap ng kanyang bagong pamilya. Hindi naman na iniisip iyon ni Grey sapagkat ramdam na nito ngayong marami ang nagmamahal sa kanya kahit pa nga hindi niya ito mga kadugo. Syempre unang-una na riyan ay si Paolo na nagbibigay sa kanya ng pagmamahal na totoo. Ang pagmamahal naman ng isang pamilya ay kanyang natatanggap mula sa mga Montecillo, at gayundin sa pamilya ni Teacher Liza sapagkat tinupad nga ni Sir Arthur ang kanyang pangako sa kanyang asawa na tatanggapin niya bilang totoong anak si Grey. Katunayan nga ay nakatatandang kapatid na rin ang turing ng kanilang mga anak dito na lubhang ikinatutuwa ng ating bida.

Sa kabila ng mga masasayang bagay na nangyayari ay minsan pa ring nalulungkot si Paolo at Grey tuwing iniisip nila ang kanilang hinaharap. Ang kanilang pagtanda na walang kasiguraduhan ang hahantungan. Hindi kasi maiiwasang sumagi sa kanilang utak na ang pamilya ay pinagbubuklod ng pagmamahal ng mga anak, kaya naman nakakaramdam sila ng pagka-inggit sa kanilang mga kakilala o kaibigang may mga supling na, at sa tuwing sila ay may nakakasalubong na buong pamilya. Madalas nagi-guilty si Grey dahil tingin nito ay sinira niya ang maganda sanang hinaharap ni Paolo, ngunit si Paolo naman ay patuloy ang pagtatanggal nito sa isipan ng kanyang pinakamamahal. Dahil doon ay naiisipan nilang mag-ampon na lamang subalit, sa sobrang abala ng dalawa sa kani-kanilang mga trabaho ay hindi ito agad naaasikaso. Ngunit, sadyang mapagbiro talaga ang tadhana para sa magkasintahang ito. Ito ay nang minsang nilapitan ni Tracy/TJ si Paolo upang humingi ng tulong sa kanya. Nagkaroon kasi ng dengue ang anak nito at kinailangang masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon. Tipo ng dugong bibihira o iilan lamang na tao ang mayroon. Agad namang pumayag si Paolo sa hiling na ito dahil sa pagkakataong iyon ay inamin ni Tracy sa kanya na siya pala ang tunay na ama ng batang iyon. Bunga ng kanilang pagkakamali sa loob ng sasakyan ni Tracy, isang gabi nang nagtapat ito ng pag-ibig niya para kay Paolo. Ayon kay Tracy ay itinago niya ang katotohanan upang makaiwas na rin sa kahihiyan at maprotektahan ang reputasyon ng kanilang pamilya na aktibo sa pulitiko. Natanggap naman daw kasi niya noon na hindi siya mahal ni Paolo kaya kanyang sinagot na ang lalaking dati ay inirereto ng kaniyang mga magulang para sa kanya. Handa naman daw nitong panagutan ang kanyang anak kaya kanilang pinalabas na ito ay bunga ng kanilang pagmamahalan at kaya sa lalong madaling panahon ay nagpakasal na nga ang dalawa.

Isang pasakit ito para kay Grey, ang tanggapin ang katotohanang kanyang natuklasan. Dumaan pa siya sa pagkakataong napagseselosan niya ang bata sa atensyong ibinibigay ng kanyang mahal para rito. Pero hindi naman siya sinukuan ni Paolo at nangako itong hindi mababawasan ang kanyang pagmamahal, kahit pa nga dumating sa kanilang buhay ang anghel na pinangalanang si Isaiah. Isinunod sa ikalawang pangalan ni Paolo. Ang hiningi lang ni Paolo na kondisyon ay ang pagtanggap ni Grey sa kanyang anak at hindi naman nagtagal ay nagawa ni Grey dahil sa pagiging open minded na niya ngayon. Tinanggap niya rin ito bilang consequence niya sa pag-iwan nito kay Paolo ng ilang taon, at ang naisip niya na ang mahalaga naman ngayon ay may asawa na rin si Tracy kaya wala nang dapat pang ikasama ang kanyang loob o pagselosan pa ang ina ng anak ni Paolo. Hindi rin naman kasi naging maramot si Tracy at ang asawa nito, katunayan ay ipinapahiram nila ang kanyang anak kay Paolo at Grey ilang araw sa isang linggo. Bagaman at hindi nila palaging nakakasama si Isaiah, ito na nga ngayon ang itinuturing na anak ng ating mga bida, na siya ring mas lalong nagpatibay sa kanilang samahan, naging inspirasyon nila sa bawat araw, naging kasiyahan at naging dahilan upang mahalin pa nila ang isa't-isa. Kaya sa dulo ay hindi na nga sila nag-hanap ng kanilang maaampong bata.

Wala naman talagang perpektong relasyon. Mayroon lamang na maganda ang takbo sapagkat nasa mga taong involved naman nakasalalay ang kung paano nila ito hinahawakan, o kung paano nila gagampanan ang pagiging committed sa isa't-isa. Hindi nauubos ang pagsubok at hadlang sa isang pagsasama. Nakapalibot lamang iyan at sa katunayan nga ay tayo pa minsan ang gumagawa nito, aksidente man iyan o intensyon natin. Basta ba't sosolusyunan mo ito ay wala namang problemang hindi malalagpasan. Huwag mo lamang aasahang kapag ang tiwala na ang nasira ay isang buo itong maibabalik sa iyo. Kailangan nating maging maingat kung ang nakataya rito ay ang mga bagay o taong nagpapasaya sa iyo ng lubos, dahil baka ang akala nating kakulungan niya ay mayroon palang pinanggagalingan, at ikaw bilang nasasaktan ay gumawa pa ng mitsa sa lalong ikakagulo ng inyong pag-sasama. Ang sadyang kailangan natin ay ang maayos na pag-uusap upang magkasundo o magkaintindihan kung paano hihilumin ang inyong mga pusong nasugatan. Hindi makabuluhan ang katapusan ng libro kung hindi mo babasahin ang mga pahinang nauna rito. Ika nga nila "It's not about the destination, but the journey". Walang konklusyong tama kung kakalimutan mo ang kahit isang detalye ng kwento. Walang happy ending kung walang mga paghihirap kayong mapagdaraanan. Iba't-iba ang ating kapalaran pero iisa lamang naman ang logic at pattern, ito ay sa bawat dilim ay asahang may nakaabang na liwanag sa dulo para sa atin. Magmahal ka kung nais mo sapagkat ito ang tanging pinaka magandang bagay sa mundo. Walang sino o bakit, basta't gusto ng puso mo ay walang dapat na maging hadlang sa iyo upang iparamdam ito.

- The Perfect One -
by: zeric0207

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 04 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now