CHAPTER 18 - FEAR NO MORE

216 11 3
                                    

January 2017

Nagdaan ang Pasko pati na ang Bagong Taon at ipinagdiwang ko ang mga okasyong ito kasama ang aking pamilya. Kahit pa kami ay nanatili lang dito sa Maynila ay naging masaya naman ang lahat dahil buo kami. Naging isang reunion ito dahil umuwi galing abroad ang mga kapatid ni daddy, kasama ang mga pinsan kong doon na rin naninirahan. Ngunit, sa totoo lang ay mas magiging masaya lalo o kumpleto ang selebrasyon kung kasama ko si Faye. Sayang, kasi ito sana ang unang Christmas namin bilang magkasintahan subalit, sa kasamaang palad nga ay magkalayo kaming dalawa. Nakatanggap naman ako ng tawag mula sa kanya noong mga araw na iyon para batiin ako, kaya kahit pa paano ay sapat na sa akin dahil narinig ko ang kanyang malambing na boses, na talagang hinahanap-hanap ko na.

Sa kabilang banda, kahit pa lumipas ang mga araw ay hindi rin nawala sa isipan ko kung ano na bang balita sa pag-aayos ni Grey at ng kanyang ama. Nagchat naman ako sa aking kaibigan sa online messenger upang kumustahin ito, ngunit hindi siya sumasagot sa akin. Pati sa text ay wala siyang reply maging noong binati ko siya nang Pasko at Bagong Taon. Dahil doon ay nag-aalala tuloy ako sa kanyang kalagayan, lalo pa at naiisip ko ang sinabi ni Madam Shonie na baka kung anong gawin nito sa kanyang sarili kapag hinayaang ito ay nag-iisa. Kaya naman isang tanghali ay dumalaw ako sa kanila upang mapanatag ang aking kalooban. Hindi ako obligadong gawin ito ngunit, ayoko talagang may nalulungkot lalo pa ang mga taong malalapit sa akin. Dahil sa araw-araw ko namang nakasama si Grey sa loob ng ilang buwan ay hindi maitatagong may nabuo na sa aming mabuting pagsasamahan, at tiyak akong ito ang nais ng aking nobya, ang pasayahin at damayan ang kanyang bestfriend kung malungkot ito habang siya ay nasa malayo.

Wala roon si Teacher Liza nang makarating ako sa kanilang bahay. Habang si Grey naman ay kasalukuyang nanonood ng TV sa kanilang sala. Pinapasok niya ako ngunit wala siyang kibo at hindi rin ito nagsasalita. Dahil doon ay ako na ang nagsimula o nagbigay ng aming maaaring mapag-uusapan sa oras na iyon.

Me: Kumusta ang Christmas at New Year niyo ni Maam? Hmm... Hindi ka nagrereply sa chat pati sa texts ko ah! Nakalimutan mo na rin akong batiin. Grabe nakakatampo ka ha! Hindi naman ako mamamasko eh! Hehe

Grey: Paolo, kasama ka bang nagplano na pagkitain kami ni daddy? Bakit niyo naman ginawa iyon?!

Me: Oh... Teka Grey huwag kang magalit ha! Gusto ko lang sanang makatulong sa iyo. Huwag mo naman sanang masamain iyon.

Grey: Alam mong galit ako sa kanya at ayoko siyang makita, hindi ba? Tapos bigla niyo namang ihaharap sa akin! Hayaan niyo na lang kasi ako, okay? Huwag na kayong makialam sa gusto kong mangyari sa buhay ko!

Me: Pero Grey, hanggang kailan mo balak dalhin ang sakit diyan sa dibdib mo? Pati na iyang palaisipan sa utak mo ha? Kung buhay ang mommy mo sigurado akong hindi niya gustong may tampuhan kayo ng daddy mo!

Grey: Kung buhay ang mommy ko, hindi sana ako ganito Paolo! Malamang ay masaya ako kahit pa wala ang daddy ko! Kaya huwag niyo nang ipilit kasi hindi niyo ako naiintindihan!

Me: Okay! Sige, pasensya na kung nanghimasok ako sa desisyon mo. Sorry kung tingin mo ay sinaktan ka namin dahil sa sorpresang hinanda ni Maam Liza para sa iyo. Gusto lang naman kasi naming mabuo yung kulang dyan sa buhay mo eh! Alam mo ba na sa ginagawa mong pagpigil sa nararamdaman mong pagmamahal sa daddy mo ay para ka nang estatuwa doon sa antique shop, dahil nakakatakot ka! At dahil dyan walang magkakaroon ng interest para lumapit sa iyo upang pahalagahan ka!

Sana maging masaya ka diyan sa ginagawa mong pagtulak sa mga taong nagmamalasakit sa iyo.

Mahirap kausapin ang taong sariling opinyon niya lamang ang pinakikinggan. Akala ko ay matatanggap niya ang kanyang daddy dahil sabi nga nila na ang Pasko ay araw ng pagbibigayan at pagpapatawad, subalit kabaliktaran ang nangyari at tila mas lumala pa ata ang sitwasyon. Naisip kong umalis na lamang dito sa kanilang bahay sapagkat ayokong humaba pa ang aming pagtatalo. Inaamin kong nasaktan o naasar ako dahil negative ang tingin ni Grey sa ginawa kong pagtulong, ngunit sa kabilang banda ay hindi ko makuhang lubos na magalit sa kanya. Marahil ay kailangan niya lamang ng marami pang oras para mapag-isa upang makapag-isip ng ayos. Nagulat siguro siya sa bilis ng mga pangyayari at hindi niya ito napaghandaan, kaya kung ano ang kasalukuyan niyang nararamdaman sa kanyang ama ay iyon mismo ang lumabas noong sila'y magkita na.

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now