CHAPTER 30 - THE VIDEO SCANDAL

204 8 4
                                    

(GREY'S POINT OF VIEW)

Inihatid ako ni Paolo sa tapat ng aming bahay noong gabing iyon. Kakapasok ko pa lamang sa gate ay nakita ko agad si Mommy Liza na nakatayo sa harapan ng pintua't tila balisang naghihintay sa aking pagbabalik kagaya ng naiisip ko. Ganito naman kasi talaga siya sa akin kapag nag-aalala mula noong ako'y bata pa, tuwing may sumpong at ako'y pumupunta sa park upang maglabas doon ng emosyon. Ngayong gabi ay naabutan ko rin doon si Sir Arthur, na kasalukuyan namang humahagod sa likod ng aking kinikilalang ina upang ito'y mapakalma. Habang palapit ako kay mommy ay bumalik sa aking isipan ang lahat ng pag-aarugang ginawa nito sa akin mula noong maliit na bata pa ako, hanggang ngayong pagtanda ko. Kagaya pa rin ng ginagawa niya dati ay bukas bisig ako nitong sinalubong at niyakap ng mahigpit, saka malambing na sinabihang matigas ang ulo ko dahil sa aking paglalayas nang hindi pinapaalam sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay bumuhos ang aking damdamin kaya hindi ko napigilan ang mga luhang tumutulo sa aking dalawang mata. Para akong isang paslit na matagal na nawalay sa kanyang magulang, at ayaw bumitaw sa pagkakayakap sa kanilang muling pagkikita.

Matapos ang isang madramang eksenang iyon ay umalis na rin agad si Sir Arthur, at sapagkat kami na lamang ni Mommy Liza ang naiwan sa bahay ay roon na niya ipinaliwanag ang kanyang mga plano para sa aming dalawa, kasama na rin doon ang detalye ng pagpapakasal nila ng kanyang kasintahan. Sinabi niya rin sa akin ang dahilan kung bakit hindi niya agad ito inamin, at wala naman daw siyang balak na itago iyon hanggang sumapit ang araw ng kanilang kasal. Sinigurado niya naman sa aking mabait ang kanyang nobyo, katunayan daw ay isa sa kondisyon niya rito upang siya ay mapapayag na magpakasal, ay ang tanggapin ako bilang kanyang magiging panganay na anak. Naging mapili raw si mommy sa kanyang mga manliligaw noon pa man, upang mahanap daw ang tamang taong mag-aalaga't totoong magmamahal hindi lamang sa kanya, kung hindi sa aming mag-ina. Hindi niya raw hahayaang mapunta kami sa taong magpapahiwalay sa aming dalawa, at kahit mahal pa ni mommy ang taong iyon ay iiwanan niya raw ito para sa akin. Lahat ng magagandang katangian ay nakita niya kay Sir Arthur, kaya napili niya raw ito bilang ang taong makakasama namin habang buhay. Hindi niya gustong mawalay sa akin, kaya kahit pa maaari ako nitong ibalik noon sa aking ama para bumuo ng sarili niyang pamilya ay hindi raw nito naisipang gawin. Naging matalino na lamang daw siya sa pagpili ng nararapat na tao, para kahit pa magpakasal na ito ay makakasiguro raw siyang kasama pa rin niya ako, na siya pa rin ang mag-aalaga sa akin, at masubaybayan nito ang aking mga tagumpay sa hinaharap.

Tama nga pala si Paolo na dapat lamang na pakinggan ko muna ang paliwanag ni mommy sa akin bago ako nagalit dito. Mas naging unfair ako dahil sariling damdamin o kapakanan ko lamang ang aking naisip noong una ko itong nalaman. Nahihiya ako sa aking kinikilalang ina sapagkat palaging sa "amin" ang kanyang ikino-consider sa paggawa ng mga desisyon at hindi para sa pansarili niyang ikaliligaya lamang. Hindi ko ito nakita agad kaya sinuklian ko naman ng sakit pati na pag-aalala niya sa akin noong panahong lumayas ako nang walang paalam.

Matapos naming mapag-usapan ang pinag-ugatan ng aming samaan ng loob ay sinabi ko na rin kay Mommy Liza kung saan ako namalagi kagabi, gayundin kung sino ang aking nakasama sa magdamag. Gaya ng inaasahan ko ay nagulat siya sa aking pag-amin sa kanya lalo pa nga noong sinabi ko ang desisyon namin ni Paolo na maging magkasintahan na. Naintindihan niya naman ito ngunit, sinabi niya sa akin ang maaaring maging mga consequence sa aming dalawa, lalo na sa mga taong nakapaligid sa amin. Subalit, dahil buo na ang aming loob dito ay susuportahan niya lang daw kami sa aming relasyon. Itinanong niya rin sa akin ang nangyari sa quiz bee, at tuwang-tuwa ito sa aking pagkapanalo roon! Hindi ko na lamang ikinuwento ang nangyari sa pagitan namin ni Billy sapagkat baka mag-iba ang tingin ni mommy sa kanya. Alam kong hindi masama ang kaibigan ko, at alam ko ring kasalanan ko naman kung bakit niya tinangkang gawin ang mapangahas na bagay na iyon sa akin. Sana naman ay magkaayos pa kami bago matapos ang klase ngayong taon, at bumalik din sana ang mabuti naming pagkakaibigan. Hihintayin ko ang pagkakataong ito na dumating sapagkat sobrang malapit si Billy sa aking puso, kaya ayaw ko rin siyang mawala sa akin.

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now