CHAPTER 32 - DECISION OF A LIFETIME

202 8 16
                                    

(PAOLO'S POINT OF VIEW)

Nagising ako nang sobrang aga nitong Sabado dahil sa pagkatok ni mommy sa pintuan ng aking kwarto. Iyon ay upang magpasama sa park para ipasyal ang aso naming si Puchi. Dahil drained naman ang battery ng aking cellphone ay iniwanan ko na lamang iyon sa bahay. Kamalasan lang ay nalimutan ko itong icharge bago kami umalis kaya pagdating ko na ito naisaksak. Ngayong araw rin ang schedule kung kailan ako ipakikilala ni Faye sa mga magulang niya. Alam kong hindi tama, subalit intensyon kong hindi ito ipaalam kay Grey sapagkat ayokong mag-isip siya ng ano mang masama tungkol dito, ngayon pang aking nakikitang masaya siya sa takbo ng aming relasyon kahit pa nga patago ito. Kapag nalaman niya ang nakaplano ngayong araw ay hindi malabong iwasan niya ulit ako kagaya ng dati, kaya upang magbigay daan kay Faye ay minabuti ko na lamang na magsinungaling sa kanya. Minsan talaga ay kailangan nating maglihim para hindi masaktan ang mahal natin. Pumayag lang naman akong sumama kay Faye sapagkat ito ang nakikita kong pagkakataon upang gawin ang plano kong putulin na ang relasyon ko sa kanya, at sundin ang tunay na itinitibok ng aking puso.

Alas-sais ng gabi noong sinundo ako ni Faye sa aming bahay. Habang nasa daan kami patungo sa kanila ay aking sinubukan nang sabihin sa kanya ang katotohanan ngunit, ibubuka ko pa lamang ang aking mga labi ay inuunahan niya na akong magsalita, na tila ba sinasadya nito upang wala akong masabi sa kanya. Ilang saglit pa ay nakarating na kami sa labas ng kanilang bahay. Doon ay pansin ko ang kanyang pagkabalisa mula sa pawis na bumubukal sa kanyang palad, noong hawakan niya ako nang makababa kami sa kanilang sasakyan. Ako nama'y daig pa ang nauubusan ng hangin sa katawan sa dalas ng aking paghinga, dahil sa kabang aking nadarama sa mga oras na iyon. Tuluyan lalong umatras ang aking dila at hindi malaman kung saan ako magsisimula. Nais ko sanang sabihin ang tinatago kong lihim bago kami pumasok, subalit naging pipi ako noong nakita ko sa mukha ni Faye kung gaano niya kagustong mangyari ito. Hanggang sa wala na akong nagawa't nakapasok na sa kanilang bahay. Nakaupo kaming naghihintay noon sa sala at ilang minuto lang nang kami'y dumating ay bumaba mula sa ikalawang palapag ang mga magulang ni Faye. Hindi ko malaman ang aking nararamdaman sa sandaling iyon sapagkat tila nasa gitna ako ng nagbabanggaang mga bato. Dahil taliwas sa naiisip kong maayos na pagsalubong nila sa akin dahil sa sinabi ni Faye na tanggap na nila ako, ay nagulat ako sa kanilang reaksyon noong ako'y kanilang makita sa loob ng kanilang teritoryo na kasama ang kanilang anak. Walang pinagbago iyon sa dating pagtrato nila sa akin noong kami ay nasa beach resort. Pinaulanan din nila ako ng mga matatalim na salita! Ayoko mang maging bastos sa kanila ngunit, hindi ko kinaya ang kanilang mga sinasabi sa akin. Kaya naman hindi na ako nagsalita pa't walang paalam na lumabas sa tila kumukulong kawang ito dahil nakakapaso na ang aming mga emosyon! Ginawa ko rin ito upang umiwas na sa gulong ayoko na sanang pasukan pa at hindi na ipagpilitan ang noon ay nais kong mapalapit sa kanila. Tutal naman ay may bago na akong minamahal na kailangan kong pagtuunan ng pansin. Sa totoo lang ay wala na naman akong pakialam sa mga sinasabi nila sapagkat handa na akong isauli ng ayos ang kanilang anak. Ngunit, hindi pa rin maiwasang sumama ang aking loob dahil wala naman akong masamang intensyon kay Faye, at maganda ang hangarin ko sa anak nila, subalit ganito pa rin ang sinapit ko sa kabila ng aking tunay na pagmamahal. Kung masasaktan man ang kanilang anak ay dahil sa kanila iyon, sapagkat pinipigilan nila ang mga bagay na nagbibigay inspirasyon o saya rito.

Hindi pa natatagalan ay patakbong sumunod sa akin si Faye sa labas. Dahil sa nangyari sa loob ng kanilang bahay na nakapagpabugso ng aking damdamin ay hindi ko na naitago pa ang lahat ng laman ng aking dibdib, at tuluyan kong nasabi sa wakas ang katotohanan. Kinuha ko na rin ang pagkakataong iyon para pormal na makipaghiwalay sa kanya.

Hinila niya ang aking kamay noon habang humihingal pa siya dahil sa pagod sa pagsunod sa akin. Pagkatapos ay niyakap ako ni Faye habang nakatalikod sa kanya. Hindi ako humarap sapagkat alam ko kung saan tutungo ang usapan naming ito. Ayoko ring makakita ng babaeng umiiyak kaya kinausap ko siya sa ganitong posisyon.

THE PERFECT ONEWhere stories live. Discover now