CHAPTER XLII: Time For Attack

31 2 0
                                    


"Rio and Ron, kayo na ang unang pumasok. Siguraduhin nyong hindi kayo makukutubuan ng babae na 'yon dahil kung hindi, lagot na tayo," paalala ni Elijah sa dalawa na sa mga oras na 'yon eh mga nag-uniform pa para hindi mapansin ang masama nilang balak.

"Oh tapos kayo? San kayo papasok para hindi kayo mapansin?" agad na tanong ni Ron saming mga natira.

"T****** mo Ron. Intindihin nyo muna mga sarili nyo dahil kayo ang unang aatake, mga back-up lang kame. Kaya problema na namin yun kung san kami susulpot," inis na sagot sa kanya ni Bugz na nananatiling mahina ang boses.

"Tara na, pumasok na tayo," huling bulong ni Rio bago sila lumarga papunta sa may pintuan ng library. Sinadya talaga naming umatake sa oras na malapit nang magsara ang pasilidad na yun para siguradong wala nang ibang papasok pa sa loob dahil siguradong magiging madugo ang mga susunod na magaganap.

Bago pa man mabuksan nila Rio ang pinto eh biglang humawak si Elijah sa mga balikat nila sabay sinambit ang mga salitang... "Mag-iingat kayo." Napangiti pa si Ron na akala mo eh parang kinikilig na may halong pagyayabang dahil mukhang sigurado syang walang mangyayaring masama sa kanila habang si Rio eh napatango na lang sabay pumasok sa library.

"Tara na... Magbukas na tayo ng lagusan," sabi ko naman kila Elijah, Bugz at Ted.

"Sige... Maghanap na agad tayo ng butas na pwedeng pasuk----... Arrrr....," muntik pang mapasigaw si Ted matapos ko syang batukan nang malakas.

"Bobo ka ba o mangmang? Bakit pa tayo magkukumarat humanap ng daanan kung pwede namang humiling na lang tayo...," inis kong saway sa kanya habang nananatiling mahina ang boses ko.

"Oo nga pala. Pwede nga pala yun," nagawa pang ngumiti ni Ted matapos nyang magpaka-tanga.

"Wait lang... Anong humiling?" pagsingit ni Elijah sa usapan namin.

"Oo nga pala. Hindi mo pa pala alam yung tungkol sa mga magic na nagagawa namin dito... Naaalala mo ba yung mesa nung librarian?" tumango si Elijah habang ipinapaliwanag ni Bugz ang lahat. "Kaya napunta yun sa kwarto ni Jireh dahil hiniling nya na mapunta 'yon doon."

"Ha? Ibigsabihin, nagkakatotoo lahat ng hinihiling nyo dito?" tanong pa ulit ng dalaga.

"Oo. Panaginip kasi 'to kaya posible ang lahat... Sige. Papakitaan kita ng sample para maintindihan mo," bumwelo pa ako at napahinga pa nang malalim bago ako humiling. Gusto ko kasing magpasikat kay Elijah na may powers ako kaya humanda ka Rio, hindi ka makakaporma ngayon.

"Wow, pano nangyari 'yon?" agad na reaksyon ni Elijah matapos kong gawing see through ang lahat ng pader ng library na 'yon kaya nakikita namin ang buong loob ng library nang hindi kami nakikita ng mga nasa loob nun.

"Ayun sila Rio," agad na sambit ni Bugz habang nakaturo ang isang daliri sa isang bahagi ng library.

"Nakakatuwa naman. Napaka-effortless naman pala ng misyon na 'to eh... Kaso nga lang... Makakapatay nga ba talaga tayo?" sumimangot na lang kami matapos nya iyong mabanggit marahil yun din ang tanong namin sa mga sarili namin.

"Ano ba, hindi ngayon oras para mag-drama. Nasa kalagitnaan tayo ng mahalagang trabaho kaya 'wag kayong tumunganga dyan," hindi ko akalaing kay Ted pa talaga nanggaling yun. Siguro eh gusto na rin talaga nyang lumaya.

"Guys, tignan nyo sila Ron oh. Mukhang aatake na yata sila," sambit ni Bugz na sumira sa pag-eemote namin.

"Teka, kaylangan natin silang makausap," sabi ko habang papalapit sa bahagi kung nasan sila.

"Teka, pano nyo sila makakausap? Eh nasa loob sila?" tanong pa ulit ni Elijah... Masyado talaga syang makulit pero kahit na ganun, alam kong nag-aalala lang sya samin.

"Eh di hihiling kami na magkaroon kami ng telepathy," sabay nginitian ko sya bago ako tumakbo papunta sa pwesto nila Rio. "Calling for Rio and Ron, calling for Ri----."

"P******** nyo, bakit ngayon lang kayo nagparamdam!" ito talagang si Rio... Utak na nga nya't lahat ang gumagana para kausapin kami eh high blood pa rin ang tono nya.

"Sorry naman, may ipinaliwanag pa kasi kami kay Elijah eh," sagot ko sa kanya gamit pa rin ang telepathy.

"Wag nga muna kayong magkwentuhan pwede?" saway naman ni Ron na ngayon eh kasali na rin sa linya. "Ito ang plano, magpapanggap kami ni Rio na may itatanong dun sa librarian. Kapag naging abala na sya sa pinapahanap naming libro, yun na ang pagkakataon ninyong pumasok. Pagkapasok nyo, iyon na ang oras para hawakan namin ang mga braso nya at iyon na ang pagkakataon ni Jireh na saksakin sya."

"Te-te-teka... Ako talaga?" agad na pag-alma ko sa kanila. Ang pagkaka-alam ko kasi eh si Rio ang sasaksak dahil sya ang may plano nito.

"Oo, ikaw ang gagawa Jireh dahil siguradong wala na akong oras pa para bumwelo't atakihin sya kaya ikaw na ang gumawa. Sa'yo lang namin pwedeng iasa 'to dahil kung sila Ted at Bugz pa ang uutusan natin eh baka kami pa mapatay ng mga ungas na 'yan," sambit pa ulit ni Rio gamit ang telepathy.

Hindi ako nag-oo o nag-react man lang. Hindi ko kasi alam kung magagawa ko nga ba talaga yun... Kahit pa desperado na akong makawala sa lugar na 'to eh ni hindi ko pa rin talaga alam kung magiging handa akong maging marahas.

"Hoy, ano na Jireh? Nakikinig ka pa ba?" pumasok na naman sa linya namin si Ron na syang nagpabalik sa ulirat ko matapos kong tumahimik nang ilang segundo. Nag-isip pa ulit ako at nag-concentrate. Pinapahinahon ko ang sarili ko sa mga pwedeng mangyari sa oras na magsimula na ang pag-atake na 'to. Maya-maya pa, bigla ko na lang naramdaman ang isang mainit na palad na humawak sa kamay ko... Kamay yun ni Elijah na naabutan ko pang nakangiti sakin na para bang narinig na rin nya ang pag-uusap namin... Mukhang nakapasok na din yata sya sa telepathic line namin.

"Kung hindi mo kaya... Ayos lang. Anuman ang desisyon nyo, dun din ako," sambit ng mga labi nya para ako lang ang makarinig at hindi na maipasa pa sa iba gamit ang telepathy.

Alam kong natatakot na rin si Elijah... At alam kong hindi biro ang pagbalik nya sa mundong 'to para tulungan kami. Kaya dapat, hindi ko sila bibiguin. Pangako ko na mailalabas ko silang lahat sa lecheng mundo na 'to... "Sige. Gagawin ko," ang tangi kong sagot.

Pikit Mata, Ibang MundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon