"Long time no see Tsong," nakangiti pa sya habang nakaharang ang braso nya sa nasusunog na kahoy na akala ko eh nadaganan na ako. Wala akong nasabi kundi ang umiyak na lang habang pilit na nagpapasalamat na iniligtas ulit nya ako sa pangalawang pagkakataon. "Yung iyak mo naman tsong... Para kang bata," sambit pa nya pero ang ginawa ko na lang eh yakapin sya nang mahigpit... Sa tutal antagal ko na syang hindi nakita, at hindi ko nahawakan ang ilusyon nyang katawan nung una.
"Wag ka nang umalis!" sigaw ko sa kanya habang patuloy sa pag-iyak. Pakiramdam ko sa mga oras na 'yon, sobrang ligtas na ako. Pati nga yung sakit ng nakatusok na bakal sa binti ko eh parang nawala.
"Sige na... Tahan na. Sabi ko naman kase sa'yo, tawagin mo ko kung kaylangan mo ko... Pasalamat ka sa mga kaibigan mong nauna nang lumabas... Sila ang nagdala sakin dito," sambit pa nya pero tuloy-tuloy pa rin ako sa pag-iyak. Nang kumawala na ako sa pagyakap sa kanya, bigla kong napansin na nasa ibang lugar na pala kami at totoong nawala na nga ang bakal na nakabaon sa binti ko.
"Asan tayo?" agad kong tanong sa kanya.
"Ano ka ba tsong? Nakapasa ka!" napakunot lang ang noo ko sa sinabi nyang yun. "Ano ba naman... Nagawa mong labanan ang ilusyong pinakita sa'yo at nagawa mo nang maintindihan ang lahat. Iyon na 'yon!... Ang tanging susi sa pangalawang lagusan..." bigla akong napangiti dahil sa wakas ay napagtagumapayan ko na.
"Nasan na ang mga kaibigan ko?" tanong ko ulit sa kanya.
"Wag kang mag-alala... Malamang sa malamang, ginagabayan na rin sila ng mga mahal nila sa buhay papunta sa portal...," nakahinga ako nang mabanggit nya 'yon... Sobrang maginhawa ang nararamdaman ko ngayon... Parang pakiramdam ko, tapos na ang paghihirap namin para makalabas na. Agad nya akong inalalayan sa pagtayo tsaka sya kumumpas kasabay nun ay ang biglang paglabas ng portal sa mismong kintatayuan namin.
"May magic ka na din?" pabiro kong sambit sa kanya.
"Huh, matagal na... At mas malakas pa ako kaysa sa powers na nagagawa nyo," sagot naman nya pabalik sakin. Tumahimik kami nang ilang segundo, marahil ito na siguro ang huling pagkakataon na makikita ko syang buhay na buhay. "... Sige na... Pumasok ka na... Pagkakataon mo na 'to para makalaya."
"Salamat kuya," ang tangi kong nasambit.
"Paglabas mo pagsusuntukin mo agad yung mga panget na nagpasok satin dito ah," tumawa kami bigla pagkasabi nya nun pero agad ding napalitan ng malungkot na reaksyon. Alam kong maluha-luha na sya nun pero pinipilit nyang maging malakas para sakin. Syempre! Dahil kuya ko sya!
"Magiging matapang ako kuya... 'Wag kang mag-alala," bulong ko sa kanya na syang dahilan para tuluyang tumulo ang mga luha nya. Agad akong humakbang papalapit sa portal pero bago lubusang makalabas, tinawag nya ulit ako.
"Jireh... Lumaban ka... Para sa hinaharap... At para sa nakaraan mo," sabay ngumiti sya sakin at pinalitan ko din 'yon ng ngiti. Tumuloy na ako sa pag-alis at hinayaan ko nang lamunin ako ng liwanag mula sa portal.
BINABASA MO ANG
Pikit Mata, Ibang Mundo
Science FictionKung akala mong nasa mundo ka pa ng paghihirap at hinagpis, ibahin mo to. Lahat ng imposible magagawa mo dito. Lahat ng gusto mo matutupad dito. Pati crush mo, sa mundong ito, posibleng maging kayo. Ngunit sa bawat positibong enerhiya ay may kabalig...