CHAPTER XXXIII: Signs

27 2 0
                                    


"Oh? Anak, nandi---," biglang napatigil si mama sa pagsasalita nang mapansing kasama ko uli ang mga kaibigan ko sa bahay namin.

"Magandang hapon po. Pasensya na po sa abala, malapit na po kasi ulit ang midterm exams ngayong sem kaya po sama-sama po kaming nagre-review," kapani-paniwalang palusot ni Bugz sa mama ko... Sanay na sanay talagang magsinungaling.

"Ay haha, yu-yun nga po ka-kaya po kami nandito ngayon... He... He... He...," kabadong sambit naman ni Ron sa kabila ng maskulado nyang katawan.

"O sige ma, pupunta na kami sa kwarto," agad kong tinapos ang usapan bago pa man mapansin ni mama ang mga kasinungalingan namin. Agad ko silang pinauna sa pag-akyat sa hagdan habang si mama eh nakatulala na lang habang tinititigan kami sa pag-akyat. Mukha kasing mag-aalala na naman sya sa dami nyang paghahandaan ng pagkain para sa hapunan.

"Uy, yung mama mo. Mukhang hindi tumatanggap ng bisita 'pag dalawang beses na nyang nakitang bumalik," bulong sakin ni Ted sa nakakalokong tono kasabay pa ang pang-asar nyang mukha. Pinalo ko kaagad sya nang malakas sa likod para makaganti.

"Oh? Ano nang susunod nating galawan?" bungad na tanong ni Rio pagkapasok ko ng kwarto.

"Ito... Recap... Yung una nating nalaman ay may mga taong namamalakad sa system na silang may kontrol sa lugar na 'to ngayon, ang pangalawa , maaaring nakalabas lang si Keith sa panaginip na 'to at syang sumira sa system, isa rin sa sinususpetsahan ay si Elijah na nasigurado nating nakalabas na sa mundong 'to matapos ang insidente sa Sagada," isang mahabang paliwanag ni Bugz.

"Hmmmm.... Tignan natin kung sa mga clue na 'yan na nakalap natin eh pwede na tayong makahanap ng daan palabas," tugon ko sa kanila.

"Ang weird lang dahil nawala si Keith sa mundong 'to sa paraang naiwan pa ang katawan nya dito habang si Elijah eh walang bakas na natira nung mawala sya... Ano kayang nangyari kay Keith? Ano kayang klase ang pinagdaanan nya para makalabas dito... Hay nako. Hindi rin naman natin sigurado kung buhay naman talaga sa totoong mundo si Keith. Baka isa lang din syang karakter na ginawa ng mga taong nasa likod ng mga nangyayaring 'to," seryosong sambit ni Ted. Napatango na lang ako tanda ng bahagyang pagsang-ayon sa sinabi nya.

"Hay! Nakakainis naman kase, hindi na tuloy ako makabalik dun sa library sa bayan dahil dun sa babaeng masungit," nakapangalumbaba pa ako nang sabihin ko yun sa kanila.

"Oy guys, may na-research ako dito sa internet," pagsingit ni Ron sa kalagitnaan ng pag-uusap namin. Nagsilapitan naman kami kaagad sa computer at tintigan ang website na binuksan nya.

"Kinds... Of.... Dreams? Bakit? Makakatulong ba 'yan?" agad na tanong ni Bugz.

"Mukhang makakatulong nga 'to kung malalaman nga naman natin kung anong klase 'tong panaginip na 'to kung nasan tayo," sagot naman ni Rio sa kaibigan nya.

"Kung ako ang tatanungin, mukhang isang klase ng bangungot ang panaginip na 'to. Wala nang iba," hirit pa ni Ron kahit hindi naman namin sya tinatanong.

"Ang bobo mo talaga. Hindi naman opinyon ang kaylangan nating sagot. Malalaman lang natin kung nasan ba tayo kung titignan natin lahat ng anggulo ng nakuha nating impormasyon," saway ni Ted kay Ron.

"Huh? Talaga? Pero para sakin mukhang hindi na natin kaylangang tumingin pa sa mga impormasyon na yun," bigla silang napatingin saking lahat habang puno ng pagtataka ang reaksyon ng mga mukha nila maliban kay Rio, as always.

"Sang-ayon kay Jireh. Halata naman kasi kung anong klase ng panaginip ang lugar na 'to," masaya naman akong sumang-ayon sakin si Rio.

"So ano? Anong klase palang panaginip 'to kung ganun," nagtinginan kami ni Rio matapos itanong yun ni Bugz.

"Isa 'tong Lucid Dream," seryoso kong sagot sa kanila. Ilang segundo silang tumahimik para basahin ang ibigsabihin ng lucid dream sa internet.

"Oo nga noh, tama ka nga," agad na reaksyon ni Ted matapos basahin ang nasa internet.

"Oo nga naman. Malaya nga naman tayong gumalaw sa mundong 'to ayon sa kagustuhan natin. May kontrol tayo sa panaginip na 'to kaya lucid dreaming nga 'to," pagsang-ayon pa ni Ron.

"Tama! Kaya 'wag tayong magpatalo! Kung nagawa ng mga tao na 'yon na ilagay tayo sa panaginip na 'to, pwes, may kalayaan din tayong lumaban sa kagustuhan nila para makalabas dito!" mukhang tumataas ang fighting spirit ni Bugz sa mga oras na yun.

"Ayos ka lang?" biglang tanong ni Rio kay Ted na mukhang wala namang kinalaman sa pinag-uusapan namin.

"Sumasakit kasi yung likod ko nitong mga nakaraang araw eh," sagot naman ni Ted habang hinihimas-himas ang likuran nya.

"Eh di hilingin mo na lang na gumaling ka diba?" sambit ni Ron na ngayon eh nakatingin na din kay Ted.

"Yun nga yung problema eh, hindi nga nawawala yung sakit. Habang tumatagal eh sumasakit eh," patuloy na pagdaing ni Ted. Nag-alala na ako. Mukha kasing hindi simpleng sakit ng likod ang nararanasan nya. Kakaiba na kasi ang reaksyon ng mukha nya eh. Halatang hindi na sya natutuwa sa sakit na dala ng likuran nya.

"Hay Ted! Tumatanda na kasi tayo ganyan. Ang importante, matapos na agad natin ang imbestigasyon na 'to sa lalong madaling panahon," mabilis na hirit ni Bugz para tapusin na kaagad ang usapang yun. Napatango lang ang iba kong mga kasama habang ako eh nanatiling nakatingin kay Ted.

Nawiwirduhan na din tuloy ako sa mga galaw ni Ted. Baka bukas makalawa eh magulat na lang kami na nawawala na din sya.

Pikit Mata, Ibang MundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon