Chapter 10

5.3K 283 67
                                    

Book Title: Inutusan Ako ni Dad Bumili ng Suka
Author: KenTheLion

---------------------------------------------------------
Chapter 10
---------------------------------------------------------

Hindi maliwanag sa'kin kung bumalik sa dating takbo ang mansyon mula nung araw na sumubok akong pumuslit. Nawalan kasi ako ng koneksyon sa kanilang lahat. Nagkulong ako sa kwarto. Nagpakalugmok. Nagmukmok. Nagdalamhati. Sinisi ang sarili sa sinapit ng isang taong sa maniwala kayo o sa hindi'y itininuring kong kaibigan.

Paulit-ulit rumerehistro sa utak ko ang linyang 'Ikaw ang may kasalanan sa pagkamatay ni Angelo. Nakasira ka ng pamilya, Soso'. Mabigat sa pakiramdam, oo, naiiyak ako, lalo't naiisip kong may mga batang nawalan ng ama dahil sa kapangahasan ko. Inilalagay ko ang sarili ko sa kanilang posisyon. Paano kung ako yung mawalan ng ama? Paano kung si Dad ang mama--? Ugh! Sa paglalarawan pa lang ay sobra na akong nasasaktan, paano pa kung totoo itong mangyari? Baka hindi ko kayanin. Baka magpakamatay na lang rin ako. Ganun ko kamahal si Dad, magkadugtong ang buhay namin.

Ganito rin siguro ang nararamdaman ng mga anak ni Angelo.

Walang ibang dapat sisihin kundi ako.

Ako.

Ako.

Ako at wala ng iba pa.

Sa loob ng ilang araw ay nakahiga lang ako sa kama. Walang lakas. Walang naughty thoughts. Wala sa mood bumanat ng biro. Paghingi ng tawad lamang ang tangi kong nagagawa, kalakip ang pagdarasal na sana kung nasaan man si Angelo'y maging mapayapa at masaya siya.

Bumukas ang pinto.

"Tawag ka na nila Madam." usal ng isang babae sa tonong may halong pagkainis. Inaasahan ko nang ganyan ang magiging pakikitungo sa akin ng lahat ng tauhan dito sa mansyon.

Hindi ako tumugon. Ni hindi ko man lang siya tinignan. Narinig ko ang ilang hakbang palayo, subalit kapalit naman nito'y malalakas ng yabag palapit.

May nag-angat sa akin sa pamamagitan ng paghila sa aking damit.

"Hijo, hindi ka ba talaga kikilos dyan?!" bugnot na tanong ni Donya Bolba. Nagtama ang aming paningin, mata sa mata. Nakakita ako ng kalungkutan sa mga ito.

"Ganyan ka na lang ba? Hindi kakain, hindi matutulog, tititig lang sa kawalan?! Nagpapakamatay ka ba? Kung gano'n, magsabi ka. Isang bala ka lang, bata." pahayag naman ni Don Sol. Huminga ako ng malalim at pumikit.

Bala.

Isang bala.

Isang bala mula sa baril.

Isang bala mula sa baril na hawak ni Blaise.

Isang bala mula sa baril na hawak ni Blaise ang pumatay kay Angelo.

Halos mabingi ako sa pag-alingawngaw ng mga salitang ito sa aking isipan.

"P-Pinatay ng a-anak niyo si Angelo" nuo'y tumulo ang mga luha sa aking pisngi. "Alam niyo ba yun ha? Pinatay niya si Angelo!"

"Ano ngayon? May bago ba dun? Wala. Walang bago do'n. Ganito ang kalakaran sa bahay na 'to. Ang sinumang gumawa ng kataksilan, hukay ang patutunguhan." kalma niyang tugon gayong humahagulgol na ako. "At isa pa, hindi ba't binalaan na kita? Sinabi ko sa'yo na maging handa ka sa mga posibleng gawin ni Blaise. Pinaalalahanan kita na hindi siya kasingbuti ng inaakala mo. Ano itong reaksyon mo ngayon?"

Pagkasabi nito'y natahimik sila, binigyan ako ng oras upang manangis. Sinariwa ko ang mga panahong kadarating ko pa lang dito, at oo nga, may ganoong babala si Don Sol sa'kin, na ipinagkibit balikat ko lang sa paghihinuhang hindi si Blaise ang may saltik kundi ang magulang niya.

Inutusan Ako ni Dad Bumili ng SukaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon