Mga iyak ng paghihinagpis ang bumalot sa Barangay San Isidro nang umagang iyon. Ginulantang sila ng mga bangkay ng apat na binatang pawang mga nakahandusay sa kalsada. Luray-luray ang kanilang mga katawan, bali-bali ang mga buto at pawang mga wak-wak ang mga dibdib at tiyan ng mga ito.
"Nakita ko lang silang nagkakatuwaan at nag-iinuman sa tindahan nina Aling Tasya kagabi!" sigaw ng isang matandang babae sa Kabesa de Barangay. "Marahil ay nangyari ito habang sila'y papauwi."
Nakakumpol ang mga lasog-lasog na katawan ng apat na kalalakihang iyon, halatang-halata na magkakasama sila nang sila'y pinaslang.
"Anong klaseng hayup ang may kagagawan nito?" tanong ng isang Barangay Tanod sa matandang Kabesa de Barangay. Nanahimik lamang ito, animo'y may malalim na iniisip.
"Nag-inuman sila matapos nilang umakyat ng ligaw sa taga-Maynilang pamangkin ni Aling Senda," sabi ng isang binatilyo. "May binili ako sa tindahan ni Aling Tasya kagabi, kaya't narinig ko ang kanilang pinag-uusapan."
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.
"Si Senda? 'Yung demonyang mangkukulam?" sigaw ng isang babaeng umiiyak. Isa ang anak niya sa apat na binatang pinaslang. "Hindi na ako nagtataka kung siya na naman ang may kagagawan ng mga ito!" humahagulhol na anunsyo nito sa mga kababaryo. "Nangyari na ito dati, dalawampung taon na ang nakalilipas!" Tumingin ito sa Kabesa de Barangay na malalim pa rin ang iniisip.
Naalala pa rin ng Kabesa de Barangay ang pangyayaring 'yon. Tama! sa isip-isip niya. Dalawampung taon na nga ang nakalilipas. Apat na lalaki rin ang natagpuang patay sa kaparis na paraan. Bagama't walang lumabas na matibay na ebidensya, upang madiin si Senda, ay ito pa rin ang pinagbibintangan ng mga taga-San Isidro.
"Hindi pa ba kayo naniniwala na aswang at mangkukulam ang babaeng 'yon?" sabi ng isang matandang lalaking nagmimiron. "Magkasing tanda lang kami ni Senda pero bakit parang hindi siya tumatanda?! Ano pa ba ang ebidensyang kailangan ninyo para maniwala kayo na hindi siya tao? Isa siyang halimaw. Isa siyang aswang na nagtatago sa katawan ng isang bata at napakagandang babae!"
Nagbulong-bulungan ang mga tao sa paligid. Lahat halos ay kumbinsido na totoo ang tinurang iyon ng matanda.
"Maghunos-dili kayo mga kababaryo." Nagsalita na rin sa wakas ang Kabesa de Barangay. "Hindi tayo maaaring basta-basta na lamang mangbintang."
"Sunugin si Senda!" sigaw ng isa sa mga taga-roon.
"Sunugin!" sigaw ng lahat, sabay taas ng kanilang mga kamay.
"Sunugin ang aswang!" sigaw naman ng isa.
"Sunugin ang aswang!" sigaw ng karamihan.
"Maghunos-dili kayo!" sigaw ng Kabesa.
Pero hindi na niya napigilan ang pag-aamok ng mga tao. Nagkanya-kanya na ang mga itong sumugod sa bahay ng pinagsususpetsahang aswang.
Kulang pa ang hiyaw ni Senda para maipaliwanag ang sakit ng nasusunog niyang kalamnan.
"Tumakbo ka na Helga!" utos nito sa pamangking umiiyak na sa sobrang takot. "Iligtas mo na ang iyong sarili! Dalhin mo ang kahong 'yon!" Itinuro nito ang maliit na kahong nakapatong sa may altar. " Tumakbo ka na at huwag ka nang lilingon... Ahhh!" At nilamon na nga ng nagngangalit na apoy ang kalahati ng kanyang katawan.
"Tiya!" sigaw ni Helga na umiiyak.
"Alis na! Bilis na! Ahhh!"
Tumakbo na si Helga. Ngunit nang makalayo-layo siya ng kaunti ay hindi na niya napigilan na lingunin ang natutupok na bahay ng kanyang tiyahin.
Noon na niya nakita ang kalupitan ng mga taong-baryo. Labis-labis din ang kanyang pagtataka kung bakit isinisigaw ng mga ito na ang Tiya raw niya ay isang aswang.
Hindi niya maipaliwanag ang takot at sakit na kanyang nararamdaman. Nag-iisa na niyang kamag-anak si Senda. Ito ang nag-iisang kapatid ng kanyang Amang na kapapanaw lamang kamakailan dahil sa isang hindi maipaliwanag na sakit.
Bago ito pumanaw ay napag-utusan siya nitong puntahan ang kanyang nag-iisang tiyahin sa Barangay San Isidro, si Senda. Ngunit mag-iisang buwan pa lamang siya rito ay ito na nga ang nangyari.
Tiningnan niya ang kahong dala-dala. Umiiyak man dahil sa pinaghalong kalungkutan, takot at kaba ay napagdesisyunan na lamang niyang tumakbo na upang tuluyan na siyang makalayo sa lugar na iyon.
[Itutuloy]
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...