Author's P.O.V.
"Isa kang hangal!" *PAK* Bulyaw na sinundan ng sampal kay Manuel ng kanyang ama.
Malakas ang pagkakasampal na iyon, sapat na para halos lumipad siya sa dingding. "Tingnan mo ang kahihinatnan ng ating angkan sa kapabayaan mo!" Dinampot nito si Manuel sa kuwelyo
at saka buong lakas na binuhat at itinapon sa kabilang dingding.
"Ugh!" daing ni Manuel. Nawasak ang dingding na pinagtapunan sa kanya ng kanyang ama.
"Hindi ba't sinabi ko sa iyong paibigin mo si Helga?" Dinampot ulit nito si Manuel para lamang itapon muli sa kabilang dingding. Muling nawasak ang pinagbagsakan niya. "Sinabi ko sa iyo na siya lang ang pag-asa natin para mapansin tayo ng Panginoong Lucio! Ang magiging anak mo sana sa isang Tudlaan ang mag-aangat sa ating pamilya sa mas mataas na pagtanggap at karangalan! Pero anong ginagawa mo? Nagpaubaya ka sa tao?!"
"Mahal ko po si Helga! Hindi ko po kaya ang angkinin siya kung ito naman ang ikamamatay niya!" Duguan na ang kanyang mukha.
"Mahal?! Isa kang kahihiyan sa lahi ng Matruculan!" galit na galit na bulyaw sa kanya ng kanyang ama. "Ang kabilin-bilinan ko sa iyo, siya ang paibigin mo! Ano't ikaw pala ang umibig sa kanya?"
Hindi sumagot si Manuel, imbes ay tinulungan na lamang niya ang kanyang sarili para makatayo.
"Nang dahil sa kapabayaan mo..." nanginginig na dugtong ng kanyang ama. "Nagbubuntis na ito sa anak ng tao! Nang dahil sa katangahan mo, sinira mo na ang lahat ng aking mga plano! Sayang lamang ang ginawa namin ng iyong mama para sa ikabubuti mo at ng magiging anak mo sana. Nabalewala lamang ang ginawa naming pagtanggal ng kanyang ama sa eksena para malaya mo siyang maangkin! Pero ano? Ano ang ginawa mo?! Nagpabaya ka! Sinayang mo lang ang paghihirap namin ng iyong ina!"
Susugurin sana ulit nito ang kanyang anak nang...
"Tiyo, tama na po! Huwag niyo pong saktan si Kuya! Parang awa niyo na," sabay luhod sa paanan ng tiyuhin.
"A-Astrid..." sambit ni Manuel.
"May kasalanan din po ako. Hindi po ako nagtagumpay na tuksuhin ang lalaking iyon!"
"Isa ka pa!" At sinampal nito si Astrid na ikinabuwal naman ng dalaga. "Mga wala kayong silbi!" Sinipa pa nito sa tiyan ang dalaga.
"Huwag ninyo kaming sisihin kung wala din naman kayong magagawa para pigilan si Marietta!" galit na galit na utas ng isa pang bagong dating.
"A-ate Maria," bulong ni Astrid.
"Kung papatayin niyo ba dahil sa galit ninyo ang sarili niyong anak o di kaya'y ako at ang kapatid kong si Astrid, may magagawa pa ba kayo? Hindi ba't wala rin namang nagawa ang iba pang lahi ng mga Aswang na gusto ring magkaanak sa isang Tudlaan?" Lumakad siya nang mas malapit sa kanyang tiyuhin. "Ilang saglit na lang ay ipapanganak na ang bata, pero ano? Hindi rin naman kayo makalapit, hindi ba? Hindi kayo makalapit dahil aminin niyo man o hindi, takot din kayo kay Marietta at sa mga sumapi sa kanyang mga engkanto't mga lamang-lupang bantay sarado sa Helga na iyon!"
"Aba't sumasagot ka p—" Pasugod na sana ito kay Maria nang...
"Sige!" Nagbagong anyo si Maria. "Subukan ninyong pagbuhatan ulit ako ng kamay!" Ipinakita niya sa kanyang amain ang kanyang kakila-kilabot na kamay na may maiitim at matitilos na kuko. "Para makalimutan ko na rin na kayo ang kapatid ng aking ama. Ang aking ama na pinabayaan niyo lang na patayin ni Marietta!"
"Magtigil kayong magtiyo! Alberto! Maria!" Tinig iyon ng isa pang bagong dating.
"Tiya..." daing ni Astrid na ngayon ay tinutulungan na ni Manuel upang makatayo.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...