Helga's P.O.V.
"Hindi ito diary ng iyong ina, Helga," sabi ni Luke habang ipinapakita niya ang mga salin niya sa tagalog ng ilang pahina ng inakala kong diary ng aking ina. Pinuntahan namin siya ni
Jason sa kanilang bahay matapos niya kaming i-text na may pagsulong na ang kanyang ginagawang pagsasalin. "Sa aking pagkakaintindi sa mga naunang pahina, ito ay isang uri ng kasulatan na naglalahad ng pinagmulan ng mga uri ng nilalang na nagkukubli sa dilim. Bagama't ang nagsulat nito ay gumamit ng Baybayin, na mas kilala sa tawag na Alibata, natatantya ko naman sa kundisyon ng papel at pluma...na ito ay kailan lamang naisulat... Siguro ay noon lamang panahon ng pagsakop ng mga Kastila."
"Mga nilalang na nagkukubli sa dilim?" tanong ko. "Ibig bang sabihin nito ay...mga Aswang?"
"Hindi ginamit ang salitang 'Aswang' pero parang ganun na nga," sagot naman nito habang inilalatag ang puting papel na marahil ay ang kinasusulatan ng kanyang mga salin. "Ayon sa kasulatang ito, ang mga nilalang ng kadilimang ito ay nagmula sa pagniniig ng mga isinumpang nilalang ng Diyos na tinatawag na Nephilim at ng mga hayop. Gusto ko sanang tawagin itong Zoophilia o 'yung tinatatwag na Bestiality, pero ang Zoophilia ay nagpapatungkol sa pagniniig ng tao at hayop, samantalang ang tinutukoy sa kasulatang ito ay ang pagniniig ng mga hayop at ng mga Nephilim."
"Nephilim? Ano ang Nephilim?" tanong ni Jason.
"Nephilim. Ang mga Nephilim ay ang mga kanibal na nilalang, na ayon sa Banal na kasulatan o Bibliya ay isinumpa ng Diyos. Sila ay mga kanibal na supling ng mga babaeng tao at ng mga Anghel na ayon sa kasulatang ito ay lalo pang nagpakalunod sa kadiliman sa pakikipagniig nila sa mga haypp. Ang karimarimarim na pagniniig na ito ay siya na ngang dahilan ng kapanganakan ng mga imortal na nilalang na tinatawag na natin ngayong...mga Aswang. At dahil sa sila ay kalahating Nephilim at kalahating hayop, sila ay may kakayahang mag-anyong tao at hayop." Binuklat ulit nito ang aklat at animo'y may ikinukumpara ito sa papel na may sulat kamay niya. "Ayon sa nakasulat dito, napadpad ang mga isinumpang supling na ito sa iba't ibang lupalop ng mundo matapos ipahintulot ng Diyos ang malaking baha upang lipulin ang kasamaan sa mundo. Ngunit dahil sa sila'y mga imortal, sila ay mga nangakaligtas."
Kaparteng tao, kaparteng anghel, kaparteng hayop... 'Yun daw pala ang kabuuan ng lahing aswang? Pero ano naman ang kinalaman ko sa katunayang ito? Anong kinalaman ng mga bagay na ito sa akin at sa aking ina?
Tumayo si Luke at parang galak na galak sa kanyang pag-iisip.
"This information is remarkable, Helga!" habang itinuturo niya ang librong inakala kong diary ng aking ina. Naglalakad siya nang paroo't parito. "Marami nang nagsulat ng kani-kanilang mga haka-haka at bersyon tungkol sa pinagmulan ng mga Aswang... Nariyan na ang tulad ni Maximo Ramos at iba pang manunulat, pero hindi pa ako naka-engkwentro ng ganito kalinaw at kapani-paniwalang pagpapaliwanag ng tunay na pinagmulan ng mga Aswang na umaayon din sa mga kaganapang nakasaad sa Banal na Kasulatan!"
"'Yun lang ba ang nakalagay dyan?" tanong ko.
"Nasa unang sampung pahina pa lang ako, Helga. Mahigit isang daan ang mga pahinang ito. Sana nga ay hindi ako mabigo sa aking pag-asang nakasulat din dito kung paano sila malilipol!"
Tuwang-tuwa si Luke na parang daig pa ang tumama sa lotto. Ito ay dahil sa bagong kaalamang nabasa niya sa aklat na nangmula sa aking ina. Samantala, ako naman ay medyo nanlumo dahil sa biglaang pagkamatay ng aking pag-asang may malaman tungkol sa aking ina.
***
"Hindi mo man lang ba alam ang pangalan niya?" tanong ni Jason sa akin habang nagmamaneho siya pauwi.
"Ayon sa Tiya Senda, Marietta raw ang pangalan ng aking ina. Pero bukod doon ay wala na talaga akong alam tungkol sa kanya." Lungkot na lungkot talaga ako at hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking luha. "Namatay kasi agad ang Tiya kaya hindi ko man lang naitanong sa kanya."
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...