KABANATA 32

62K 1.5K 182
                                    

Jason's P.O.V.

Halos mangatog ang tuhod ni Mamang sa galit ko─galit na hindi pa niya nakikita ni minsan. Iyak naman nang iyak ang ate Jenny. Maging ang Papang ay naluluha na rin.

"Masaya ka na ba, ha?!" bulyaw ko kay Mamang na umiiyak pa rin. Ibinato ko na halos lahat ng aming paso at kung anu-ano pang babasaging bagay na mahagip ko.

Hindi ko maipaliwanag ang tindi ng galit at pagdadalamhati ko. Hindi pa ako nakaramdam ng ganito sa tanang-buhay ko, ngayon lang. Isa lang ang alam ko at iyon ay nangyari na nga ang kinatatakutan ko─ang mawala sa akin si Helga na hindi ko man lang naipaglaban nang patayan.

"P-Pare..." bungad ko habang humahagulgol sa telepono. Si Luke ang tinawagan ko. "Nakuha nila si Helga." Sagad sa dibdib ang sakit at pait na nararamdaman ko.

"Ha?! Diyos ko! Anong nangyari?!"

Ikinuwento ko ang detalye ng mga pangyayari base sa salaysay ni Mamang at sa mismong nasaksihan ko. Alam ko namang hindi rin talaga ako matutulungan ni Luke dahil maging siya ay walang nagawa noong dinagit ng Aswang si Alyssa. Pero iba pa rin na kahit papaano'y may napagsasabihan ako para mabawasan man lang ang nagsusumabog na paghihinagpis ko.

"P-pupunta kami ni Benj dyan, pare!" sabi ni Luke matapos niyang marinig ang medyo magulong pagsasalaysay ko. Magulo dahil magulo ang utak ko. "Hintayin mo kami, please?! Sasabihan namin si Tristan pero malamang na hindi makasama 'yon dahil sa kanyang kalagayan."

"H-hihintayin ko kayo. Salamat, pare."

At itinuloy ko ang pagtangis matapos naming mag-usap ni Luke habang hinahaplos naman ni Ate Jenny ang aking likod para pakalmahin ako.

"Hindi ko akalain na meron pala talagang aswang," mahinang sabi ni Papang.

"Kawawa naman si Helga," si Ate Jenny. Muli na naman siyang umiyak. "Ang bait-bait pa naman niya. Bakit naman ganun? Wala na ba talaga tayong magagawa?"

"Alam mo kung bakit ganun?!" galit na galit kong sagot kay Ate habang nakatingin ako kay Mamang na halos hindi naman makatingin sa akin nang diretso. "Eh kasi may may mga taong pahamak! Mapagmataas! Likas na malupit at walang amor sa kapwa! Makasarili! Sakim!" Nagbabaga ang tingin ko kay Mamang na humahagulhol na nang mga oras na iyon. "'Yung mga klase ng tao na kahit anong kabutihan ang gawin mo sa kanila, sila pa ang may ganang magpahamak sa iyo. Mga taong masahol pa sa Aswang na sisipsipin ang 'yong dugo hanggang sa wala nang matira sa iyo!"

"Tama na 'yan, Jason," mahinang pagsaway ni Papang. "Wala rin namang mangyayari kung sisisihin mo ang Mamang mo."

"Bakit kayo umiiyak, ha?!" sigaw ko kay Mamang. Hindi ko dininig ang pagsaway sa akin ni Papang. Galit na galit pa rin kasi ako. Wala na ako sa aking sarili. "Hindi ba't dapat nagdiriwang na kayo?" Tumayo ako at itinumba ang ang maliit na lamesita sa salas. "Ano?! Bakit hindi kayo tumayo riyan at magsasayaw kayo rito?!" sabay turo sa bakanteng sahig. Lalong humagulhol si Mamang na para bang hindi na siya makahinga. Nang dahil doon ay nilapitan siya ng Papang para yakapin at pakalmahin.

"Jason, tama na, anak. Pakiusap," kalmadong pagsaway ulit sa akin ni Papang. Mukhang hindi niya ako makuhang pagalitan dahil marahil alam niya ang tindi ng aking pagdurusa.

"Patawarin mo ako, anak hindi ko naman alam na mangyayari iyon," umiiyak na utas ni Mamang.

"Patawarin?! Kapag pinatawad ba kita, maibabalik mo si Helga?"

Hindi siya umimik. Umiyak lang siyang muli habang nakahilig sa dibdib ng Papang.

Labis-labis ang aking pagkainip sa buong magdamag na paghihintay sa pagdating nina Luke at Benj. Gabi sila bumiyahe mula Maynila kaya't malamang na umaga na sila makakarating. Maya't-maya naman ang pagtawag ni Mitch sa akin na kasama din nila. Iyon ay para makiiyak din sa akin dahil sa nangyari kay Helga.

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon