KABANATA 33

71.6K 1.3K 111
                                    

Jason's P.O.V.

Natulala kaming lahat nang ipakilala na sa amin ni Helga ang kanyang inang si Mama Marietta. Bagama't iba na nga ang kanyang itsura ay hindi maipagkakailang kamukhang-kamukha nga talaga niya si Helga. Para silang kambal at tila magka-edad lang.

"Kamusta ang biyahe ninyo?" tanong niya habang nakatingin sa akin.

"Ahh...ehh..." pagsingit ni Mitch. "Medyo nahihilo pa po kami kasi first time po naming makasakay sa helicopter," dagdag niya habang kakamot-kamot.

'Yun kasi ang sinakyan namin,para makarating sa mala-palasyong tirahan ng misteryosang biyenan ko.

"Ah..." sabat naman ni Benj. "Saan po ba ito? Nasaan po ba kami?"

Ang totoo ay hindi talaga namin alam kung saan na kami napadpad mula sa Ilocos. Isa lang ang nasisiguro ko. Nasa isang malaparaisong isla kami na napapalibutan ng malawak na karagatan.

"Mas makabubuting hindi na ninyo malaman," sagot ni Mama Marietta kay Benj. "Huwag kayong mag-aala, makakauwi kayo at makakapunta kung saan man ninyo gustong tumungo." Tumingin ulit siya sa akin. "Sa ngayon ay gusto kong ipagdiwang natin ang pag-iisang dibdib ng aking anak at ng mapalad na lalaking ito."

"Mapalad nga ba siya, Mama?" malungkot na tanong ni Helga. "Eh samantalang simula nang maging kami, puro problema at ka-aswangan na ang napala niya."

"Helga, ano ka ba?" bulong ko kay Helga habang hawak ko nang mahigpit ang kanyang kaliwang kamay. Nakaupo kasi siya sa kanan ko habang nasa salas kami ng grandiyosong bahay ng biyenan ko.

"Eh totoo naman eh," malakas na sambit niya sabay sulyap at irap sa akin. "Simula nang dumating ako sa buhay mo, puro kamalasan na ang inabot mo at ng pamilya mo."

"Helga...ganun na ang kalagayan ng aming pamilya bago ka pa man dumating sa buhay ko," bulong ko. "Ikaw pa nga ang nagsasalba sa amin, 'di ba? Kaya tama ang Mama mo, mapalad ako. Wala nang mas susuwerte pa sa akin dahil ako ang pinili mo." Napasulyap ako kay Mama Marietta at natanaw kong napangiti siya.

"Dito na kayo magpulot-gata," sabi ni Mama Marietta kay Helga. "Ipinahanda ko na ang silid ninyo at ng inyong mga kaibigan. Tamasahin niyo itong buong isla. Huwag kayong mag-alala, ibinilin ko na kayo sa mga tauhan at katiwala ko. Kung may kailangan kayo, sabihan niyo na lamang sila." Tiningnan niya kaming lahat at... "Ariin ninyong inyo itong lugar. Magkita na lamang tayong muli bukas." Mukhang aalis na siya.

"Pero Mama, saan po kayo pupunta?"

"May mahalaga lamang akong aasikasuhin, anak." Sumulyap ulit siya sa akin. "Pagbutihin ninyong mabigyan agad ako ng apo." Ngumiti siya nang bahagya. "Siya lang ang pag-asa natin laban sa ating mga kaaway." Kapansin-pansin na siguradong-sigurado siya sa kanyang sinasabi. Kami naman ni Helga ay nagkatinginan na lamang.

"Ah...eh...Tita..." sambit ni Benj. Nilingon naman siya ni Mama Marietta. "Paano po kung kakailanganin na naming umuwi?!" Tinapik siya ni Mitch sa braso na parang ayaw nito sa pinagsasasabi ng binata. "Nagtatanong lang naman ako just in case of emergency," pabulong na sagot ni Benje kay Mitch.

"Like what?!" pabulong na singhal sa kanya ni Mitch. "Ang ganda-ganda dito tapos pauwi agad ang iniisip mo!? Kung pwede nga lang dito na lang ako tumira..." sabay sulyap nito sa bintana kung saan natatanaw ang karagatan. "Eh, Tita Marietta..." sabay ngisi nito kay Mama Marietta. "Gusto niyo po ba akong ampunin?" Nginitian lang naman ni Mama Marietta si Mitch bago siya tumingin kay Benj.

"Sabihan na lamang ninyo si Matilde, ang aking mayordoma. Alam na niya ang gagawin kung sakaling naisin ninyong lumisan bago ako dumating," sagot ni Mama Marietta sa tanong ni Benj. "At ikaw naman hijo..." habang nakatingin ito kay Luke. "Nabanggit sa akin ni Helga na ikaw ang tumulong sa kanya na makuha ang mga mensahe ko. Nabanggit rin niya sa akin na mahilig kang magbasa. Gusto kong malaman mo na bukas ang silid-aklatan ko para sa iyo. Ipatawag mo na lang si Matilde para madala ka niya roon."

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon