KABANATA 18

82K 1.3K 67
                                    

Jason's P.O.V.

Napakaganda talaga ni Helga. Ang sarap niyang pagmasdan habang natutulog.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na... akin siya. Araw-araw, simula nang maging kami, hindi

ko pa rin malaman kung ano ba ang ginawa kong tama sa buhay kong ito, to deserve a woman like her. Perpektong ganda, mabait, mapagbigay, malambing, maasikaso, marunong sa buhay, marunong sa bahay, marunong makisama sa mga aking mga kaibigan, mapagmahal sa aking mga magulang—kahit na minamaltrato siya ng aking Mamang, maunawain, masayahin at higit sa lahat... mahal na mahal niya ako.

"Mukhang nakakita ka ng suwerte sa Maynila, ano ha?" tatawa-tawang sabi ni Papang. Bumaba kasi ako sa kusina para uminom, nang makasalubong ko siya sa salas.

"Opo."

"Huwag mong pakakawalan 'yan, kung hindi, malilintikan ka sa akin." Biro niya, sabay tapik sa aking braso.

"Wala po akong balak. Takot ko na lang sa inyo." Biro ko.

"Halika nga rito," sabi niya, sabay hila sa akin at iginiya na umupo sa sofa; sa tabi niya. "Boto ako sa kanya, pero..."

Uh-oh, ano kaya ang pero na 'yun?

"Hindi ako sa boto sa pagsasama ninyo ng walang kasal," dagdag niya. "Kung sigurado ka na rin lang sa kanya, bakit hindi mo pa pakasalan?"

"Papang...kung ako ang tatanungin niyo, kahit ngayon mismo, pakakasalan ko siya. Ang kaso, alam niyo naman ang sitwasyon natin, hindi ba? Wala tayong pera. Sa dami ng mga kaanak natin at mga kaibigan, lahat 'yun kailangang imbitahan, eh saan naman ako kukuha ng pera? Eto ngang ipinangtutubos natin sa bahay, galing pa kay Helga. Hindi naman ako makapapayag na pati sa kasal namin, siya pa rin."

"Hindi naman kailangang engrande. Basta't makasal lang kayo. O kung gusto mo, sa huwes na lang muna. Tapos 'yung malalapit na lang muna sa sa inyong dalawa ang inyong imbitahan."

"Baka naman po magtampo 'yung hindi namin maiimbitahan, Papang."

"Eh di, kakausapin natin 'yung mga iimbatahan natin na malalapit sa inyo, na isikreto na lang muna ang pagpapakasal ninyo. Hindi kasi ako sang-ayon sa live-in anak. Kasalanan sa Diyos 'yan."

"Ewan ko Papang... tatanungin ko po muna si Helga kung papayag siya." Napabuntong hininga ako, "Pero papaano po kaya 'yun Papang? Ni wala akong pambili ng engagement ring?"

"May diyamanteng singsing ang iyong Mamang na ipinasa sa kanya ng aking Ina, 'yung lola mo, bago kami nagpakasal noon ni Carmen. Kung gusto mo, kakausapin ko siya para 'yon na lang ang ibigay mo kay Helga."

"Talaga po?"

"Oo. Dapat naman talagang ipasa 'yun sa mapapangasawa mo. Tapos kapag nagkaanak ka ng lalaki, ipapasa mo rin dapat 'yun sa mapapangasawa niya."

"Ang tanong... pumayag kaya naman si Mamang? Alam niyo namang mainit ang dugo noon kay Helga ko."

"Ako na ang bahala sa Mamang mo, anak. Ang intindihin mo ngayon, ay ang mapapayag mo si Helga na magpakasal kahit sa huwes lang muna."

"Opo."

Hindi rin nagtagal ay naghiwalay na kami ni Papang. Nagtungo na siya sa kanilang silid sa ibaba ng bahay, samantalang ako ay bumalik na sa kuwarto ko—namin ni Helga, na nasa itaas ng bahay. Papalapit na ako sa kuwarto nang may narinig akong...

*KABLAG* Galing ang tunog na iyon sa loob ng kuwarto namin.

Huh?! Ano 'yun? Si Helga?

Dahil doon ay dali-dali kong binuksan ang pinto. Laking gulat ko nang makita kong bukas ang bintana, at may isang kagula-gulantang na nilalang na wari'y gumagapang papalapit kay Helga. Lumingon ito sa akin, na labis ko namang ikinasindak.

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon